(ni CT SARIGUMBA)
ILANG araw na nga lang naman ay magpapaalam na ang 2019 at sasalubungin na natin ang taong 2020. Muli, nasa ating mga New Year’s Resolution ang pagbutihin pa ang ating ginagawa nang makamit ang hangarin natin sa buhay. Kumbaga, sa pagpasok ng Bagong Taon ay asam din natin ang mas magandang hinaharap at mas bagong tayo ang nais nating iharap sa mundo. Bagong tayo na ang ibig sabihin ay hihigitan pa natin ang mga ipinakita at pagpupursigeng ginawa natin sa taong 2019.
Sa panahon nga naman ngayon ay napakaraming pagsubok ang kinahaharap ng bawat isa sa atin. Kung minsan ay tila sumusuot tayo sa butas ng karayom. At sa tuwing sasapit ang panibagong taon ay nagkakaroon tayo muli ng panibagong pag-asa. Bagong Taon, bagong pag-asa ‘ika nga. Kaya naman, narito ang ilan sa tips nang maging masaya ang bawat isa atin sa darating na 2020:
MAG-ISIP NG POSITIBO
Maraming pangyayari—maganda man o hindi—ang nakasalamuha natin sa taong 2019. Pero kahit na ganoon, sabihin man nating marami mang pangit ang nangyari sa atin, mag-isip pa rin tayo ng positibo.
Kung minsan, kapag masama na ang nangyayari, nagpapaalipin na lamang tayo. Kumbaga, hinahayaan na lamang nating dalhin tayo ng negatibong pananaw. Maging matapang tayo. Kailangang matuto tayong umilag sa negatibong pag-iisip. Isipin natin palagi, maraming magagandang mangyayari sa ating buhay. At doon natin ituon ang ating pansin.
TUPARIN O GAWIN ANG RESOLUTION
May mga Filipino pa ring gumagawa ng New Year’s resolution. Gayunpaman, hindi lahat ng gumagawa nito ay natutupad ang isinulat nila sa kanilang resolution. May ilan na sa una. pangalawa o pangatlong mga buwan lang ang nagagawa o natutupad at ang mga susunod na buwan ay kinatatamaran na.
Natural naman talagang katamaran natin ang pagtupad sa ating mga resolution lalo pa’t may mga nangyayari na hindi natin inaasahan. Gayunpaman, ano’t ano pa man ang pagsubok na kinahaharap, makatutulong pa rin kung pipilitin ang sariling tuparin o gawin ang kung ano mang resolution ang isinulat natin.
Oo, nariyang katamaran natin itong gawin ngunit mas madarama natin ang ibayong kaligayahan kung nagagawa natin ang mga inisip nating gawin o mga isinulat natin sa ating New Year’s resolution. At sa paggawa ng New Year’s resolution, maging makatotohanan.
Kumbaga, huwag maglalagay o isusulat ang mga imposible o hindi naman magagawa.
MAHALIN ANG SARILI
Marami sa atin na para sa pamilya, lahat ay magagawa. Ginagawang umaga ang gabi. Halos ayaw matulog kumita lang ng ekstra para sa mahal sa buhay.
Oo, lahat naman ng ginagawa natin ay para sa ating mga mahal sa buhay. Ngunit huwag din nating kalilimutang alagaan at pahalagahan ang ating sarili. Dahil maibibigay lang natin ang kaligayahan sa ating pamilya kung tayo mismo ay malakas at masaya.
Kaya’t huwag nating sasagarin ang sarili. Matuto tayong magpahinga. Matuto tayong alagaan ang ating sarili kagaya ng pag-aalaga natin sa ating pamilya.
MATUTONG LUMIMOT AT MAGPATAWAD
Lahat naman tayo ay nakagagawa ng mga bagay na maaaring ikasama ng loob ng ibang tao. May ilan tayong kapamilya, kakilala at katrabahong nagawan natin ng masama. May ilan din na ganoon ang ginawa o nagawa sa atin.
Sa pagharap sa panibagong taon, matuto tayong lumimot at magpatawad. Kumbaga, kalimutan natin ang masasamang pangyayaring nakasalamuha natin nang wala tayong pasan-pasan sa pagsalubong natin sa panibagong taon ng ating buhay. Mas mabilis din ang paghakbang natin kung wala tayong mabigat na dala-dala mula sa nagdaang taon.
Kaya’t magpatawad at kalimutan natin ang problema, pagsubok o mga pangyayaring nakasalamuha natin na hindi maganda.
Marami tayog puwedeng gawin nang mas maging masaya tayo sa pagsapit ng panibagong taon. Ilan lamang ang ibinahagi namin sa inyo. (photos mula sa hiplatina.com, goodhousekeeping, healthtravelguide)
Comments are closed.