(Ni CT SARIGUMBA)
MALIIT man o malaki ang isang negoyso, isa lang ang inaasam-asam natin at iyan ang maging successful ito o magtagumpay. Lahat nga naman tayo ay ginagawa ang lahat ng alam nating paraan para lumago ang sinimulang negosyo.
Maraming paraan ang puwede nating gawin na makatutulong upang umunlad ang isang negosyo, gaya na nga lang ng mga sumusunod:
MAGING HANDS-ON SA NEGOSYONG ITINAYO
Masarap nga namang magtayo ng negosyo. Isa ang pagnenegosyo sa inaasahan ng marami sa atin na magiging daan upang umayos at maibigay natin ang pangangailangan ng ating pamilya.
Kaya nga’t marami sa atin ang nagnanais na maging negosyante dahil mas malaki ang porsiyento ng pag-unlad kaysa sa maging simpleng manggagawa lamang.
Sa pagtatayo ng negosyo, bukod sa dapat ay may kaalaman tayo rito at naiplanong mabuti, mahalaga ring hands-on tayo. Kumbaga, hindi porke’t nasimulan na natin ang negosyong gusto natin at kumikita ito ay makokontento na tayo. Mag-isip pa rin tayo ng mga paraan para lalo itong kumita at tangkilikin ng marami.
Importante ring tayong mga owner o may-ari nito ang siyang nagpapalakad at nakaaalam ng lahat ng mga pasikot-sikot ng negosyong itinayo. Kumbaga, huwag nating ipaubaya sa iba ang pagpapatakbo ng ating negosyo.
PUMILI NG TALENTADO AT MAPAGKAKATIWALAANG STAFF
Hindi naman tatakbo ang isang negosyo kung walang tumutulong sa iyo. Sa pagpili naman ng mga staff, siguraduhing bukod sa talentado sila ay mapagkakatiwalaan din.
Hindi basta-basta ang pagpili ng mga taong tutulong sa ating mapalago ang ating negosyo. May ilan kasing trabaho o kita lang ang hangad at wala namang pakialam sa negosyong mayroon tayo. Basta’t nasusuwelduhan siya ng tama, okey na sa kanya at hindi na siya nag-e-effort na mapagbuti pa ang kanyang kakayahan na makatutulong upang lumago rin ang kompanyang pinaglilingkuran.
Hindi lamang talento ang kailangan nating isaalang-alang sa pagkuha ng mga staff o makatutuwang sa pagpapalago ng negosyo kundi dapat ay mapagkakatiwalaan ito at higit sa lahat, may malasakit sa iyong negosyo.
Dahil kung may malasakit sa negosyo ang iyong kukuning staff, magpupursige ito at gagalingan pa ang pagtatrabaho. At habang gumagaling at natututo ang isang empleyado o staff, malaki ang tiyansa ng paglago ng isang negosyo.
MAG-ISIP NG KAKAIBA AT MADALING TANDAANG BUSINESS NAME
Importante rin siyempreng madaling tandaan at kakaiba ang pangalan ng iyong negosyo. Oo, sa panahon ngayon ay napakarami na ang nagtatayo ng negosyo. Lahat nga naman kasi ay nagnanais na maging negosyante.
At upang mapansin ang iyong negosyo, kailangang kakaiba at madaling tandaan ang pangalan nito.
Kaya naman, kung nasa punto ka pa na nagpaplano ng pangalan ng iyong negosyo, isaisip ang pangalang kakaiba ngunit madaling tandaan nang matandaan din ng mga parokyano.
Maganda rin kung unique ang logong pipiliin nang makatawag ng pansin sa magiging customer.
GAMITIN ANG SOCIAL MEDIA
Ibang-iba na nga naman ang panahon ngayon. Karamihan na sa atin ay nahihilig sa social media. Napakalaki nga naman talaga ng naitutulong ng teknolohiya sa buhay natin o sa pang-araw-araw nating pamumuhay.
Sa ngayon nga, hindi na lumalabas ng bahay ang mjarami para lang mamili ng pangangailangan nila sa pang-araw-araw sapagkat sa ilang click lang ay makabibili na sila ng kailangan nila at idi-deliver pa ito mismo sa kanilang tahanan.
Kaya naman, bilang negosyante ay huwag mamaliitin ang social media dahil sa laki ng naitutulong nito upang umunlad at makilala ang negosyong mayroon ka.
Gamitin ang social media upang maipakilala ang iyong negosyo. Simulan ito sa pagpo-post ng mga relevant content.
KILALANIN ANG IYONG KAKOMPETENSIYA
Ano mang negosyo, may kaliwa’t kanang kakompetensiya. Lahat nga naman ng negosyong maisip ng marami ay mayroon nang nagtatayo nito. Kaya naman, kailangang alamin o kilalanin natin ang ating mga kakompetensiya at mag-isip ng paraan kung paano natin sila masasabayan, o malalampasan.
Mainam din kung mula sa ating mga competitor ay may matutunan tayo. Kumbaga, puwede rin nating magamit ang mga strategy na mayroon sila upang mapalago rin ang ating negosyo.
MAGING CREATIVE AT MAG-FOCUS SA GOAL
Importante rin ang pagiging creative nang mapalago ang isang negosyo. Kung creative ka nga naman, mapapansin ang iyong negosyo sabihin mang bago pa lang itong naitatayo.
Mag-focus din sa ginagawa. Tandaan natin na hindi basta-basta nakakamit ang tagumpay dahil pinaghihirapan ito.
PAGKATIWALAAN ANG IYONG KAKAYAHAN
Hindi naman mangangahas ang isang negosyanteng magtayo ng negosyo kung wala siyang kakayahang mapalago ito o mapangasiwaan ito ng maayos. Kaya naman, magtiwala sa sariling kakayahan. At para lalo pang mapagbuti ang pagpapalakad ng iyong negosyo, malaki ang maitutulong kung magtatanong-tanong sa mga kakilala at kaibigan ng mga strategy na puwedeng gawin. Mainam din ang paghahanap ng mentor.
Maliit man o malaki ang negosyong mayroon tayo, importante na gumagawa tayo ng paraan upang lumago ito. Huwag tayong tumigil sa kung anong alam natin, bagkus ay palawakin pa natin ang kakayahang mayroon tayo.
Kaakibat ng pagnenegosyo ang hirap. Maraming pagsubok ang maaari nating maranasan. Ngunit kung magiging matibay tayo, masipag at may pananalig sa Diyos, makakamit natin ang tagumpay. (photo credits: pembrokeinsurances.ie, addicted2success.com, internationalcoachingacademy, blog.firstcircle.ph)
Comments are closed.