TIPS PARA MAGING READY NGAYONG HOLIDAY

HOLIDAY-1

PAGSASAYA, ngayon pa lang ay iyan na ang gumugulo sa ating isipan. Excited na nga naman tayong maka-bonding ang ating pamilya. Bukod din sa makasama ang ating mahal sa buhay, isa pa sa inaabang-abangan o pinaplano nating gawin ay ang mag-relax at magpahinga.

Dahil nga naman iniisip na nating mag-relax at magpahinga kasama ang pamilya at kaibigan, ngayon pa lang ay hindi na natin mapigil ang ­ating sariling tamarin sa pagtatrabaho. Nakatatamad nga namang magtungo sa trabaho tapos makikita mong nagsasaya na ang marami.

Hati man ang ating isipan sa pagtatrabaho at pag-aabang ng holiday, kailangan pa rin nating pag-igihan ang ating trabaho. At para rin ma­ging ready ang kahit na sino sa atin ngayong papalapit nang papalapit na holiday, narito ang ilang tips na puwede nating isaalang-alang:

I-RELAX ANG SARILI AT MAG-FOCUS MUNA SA MGA GAWAIN

Magandang tanong nga naman iyong: Paano mo maire-relax ang iyong sarili at papaano ka makapagpo-focus sa iyong gawain kung sa pagbukas natin ng Facebook ay pawang mga picture ng mga kaibigan nating nagpa-party ang mabubungaran natin. O sa paglabas natin ng bahay, sasalubong sa ating mga mata ang iba’t ibang dekorasyon at palamuting nakasabit sa mga tahanan at gusali. O kaya naman  sa pagsakay natin ng sasakyan ay mauulinigan natin ang mga musikang nagpapahiwatig ng pagsapit ng Pasko o holiday.

Mahirap nga naman kung ating iisipin. Gayunpaman, para wala na tayong gaanong iisipin sa darating na holiday o sa mismong araw kung saan makaka-bonding natin ang ating pamilya, mag-focus na muna sa mga nakaatang na gawain. Tapusin na rin ang lahat ng mga kailangang tapusin.

Sabihin na nating may ilan na kahit na holiday ay nagtatrabaho. Sa kabila nito, matuto pa rin tayong mag-relax. At kung tatapusin din natin ng maaga ang lahat ng mga gawain o trabahong mayroon tayo, mas makapag-e-enjoy tayo sa mismong holiday.

HOLIDAY-2MAG-ISIP NG KOMPORTABLENG MAISUSUOT

Marami sa atin na ngayon pa lang ay naghahagilap na ng maisusuot sa pagsapit ng holiday. Maging kaaya-aya ang kabuuan, iyan din kasi ang isa sa ating iniisip.

Hindi nga rin naman kasi puwedeng pangit o hindi presentable ang ating hitsura lalo na kung kasama natin ang ating pamilya o kaibigan.

At dahil importante rin siyempre ang isusuot natin ngayong parating na holiday, kailangan natin itong pag-isipan.

Hindi rin naman kailangang bumili ng bago o mahal na damit. Ang importante ay komportable kang suotin ito.

Ngayon pa lang o kapag may pagkakataon ay i-check na ang closet at tingnan kung anong damit ang maaari mong suotin.

Puwede mo rin na­man pagandahin ang isang outfit sa pamamagitan ng pagsusuot ng accessories.

SIGURADUHING NAKA-CHARGE ANG CAMERA AT CELLPHONE

Isa pa sa hindi na maihihiwalay sa katawan ng marami ang cellphone at camera. Sa mga panahon nga na walang okasyon ay lagi tayong nagkukuhanan ng picture, paano pa kapag may pagtitipon o pagdiriwang.

Kaya naman, siguraduhing sa mismong araw ng pagtitipon ay naka-charge ang cellphone at camera nang hindi mainis at makuhanan ang katangi-tanging pangyayari.

Mainam din kung mayroon kang power bank nang maubusan man ng charge ang cellphone, may magagamit ka pa rin.

IWASAN ANG PAGPUPUYAT

Hindi porke’t sasapit ang holiday ay magpupuyat na tayo. Iwasan pa rin ang pagpupuyat. panatilihin ding healthy ang katawan nang sa pagsapit ng holiday, makapag-e-enjoy ka.

May ilan sa atin na dahil malapit na nga namang mag-holiday, sige na ang puyat. Iwasan ang magpuyat upang maiwaan din ang pagkakasakit. May mga tao ring kapag napupuyat ay nagkakaroon ng pimple. Paano na lang kung may pimple ka sa mismong araw kung saan magba-bonding kayo ng mga kamag-anak mo’t kaibigan.

Huwag din siyempreng kaliligtaan ang pagkain ng mga pagkaing mainam sa katawan at higit sa lahat, ang pag-eehersisyo.

Hindi na nga naman mapipigilan ang pagsapit ng holiday. Gayunpaman, kailangang maging handa tayo para ma-enjoy natin ang natatanging araw.

Comments are closed.