TIPS PARA MAGING STRESS-FREE ANG HOLIDAY

STRESS FREE.jpg

SUMASAYA nga naman ang marami sa tuwing sumasapit ang Pasko. Pero kasabay ng maraming gawain o activity ng magkakapamilya o magkakaibigan ay hindi naiiwasang ma-stress.

Stressful nga rin naman kasi ang paghahanda, pag-iisip ng mga lulutuin at regalo sa mahal sa buhay, paglilinis ng bahay at kung ano-ano pa.

At para maiwasan ang stress ngayong holiday, narito ang ilang tips na maaari ninyong subukan:

MAGPLANO NG MAS MAAGA

Isa sa nararapat lang nating pagtuunan ng pansin ay ang pagpaplano. Planuhin ang mga gagawin ngayong Pasko. Isipin na rin kung ano-anong mga putahe ang lulutuin at kung sino-sino ang kailangang bigyan ng regalo. Kumbaga, habang maaga pa ay planuhin na ang mga gagawin para walang makaligtaan pagdating ng holiday. Kung mas maaga nga namang nakaayos ang lahat, tiyak na wala kayong makalilimutan at magiging happy ang holiday ninyo. Kung plano ninyong mag-travel, at least maaga pa lang, maiisip na ninyo kung saan kayo magtutungo at kung ano-ano ang puwede ninyong gawin sa lugar na inyong napili.

MAG-BUDGET

Kailangan din nating mag-budget. Hindi puwede iyong bili lang tayo nang bili nang hindi iniisip ang presyo o ang magagas­tos natin. Bago rin mamili, gumawa ng listahan para walang makaligtaan. Mas mabuti ring maghanap ng sale para makatipid. Sig-uraduhin ding mapakikinabangan ang lahat ng bibilhin.

MAMILI NG MAS MAAGA

Para rin hindi maki­pagsiksikan, mas maganda rin ang pamimili ng mas maaga. Kung makikisabay kasi sa marami ay maaaring hindi ka makapamili ng mabuti. Kaya para ma-check nang mabuti ang mga bibilhin at mapag-isipan, huwag sumabay sa marami.

ISIPIN ANG GAGAWING ACTIVITIES

Para rin maging masaya ang holiday, mag-isip ng mga nakatutuwang activity. Kaya naman, ngayon pa lang ay maglista na ng mga game na puwede ninyong gawin para sa darating na holiday.

HUMINGI NG TULONG SA PAMILYA

Hindi rin naman kailangang ikaw lang ang mag-isip ng mga gagawin ng iyong buong pamilya ngayong holiday. Puwede mo ring tanungin ang pamilya mo para maging mas masaya kayo. Kung marami nga naman ang mag-iisip, mas magiging maganda rin ang kalalabasan niyon. Kaya humingi ng suhestiyon sa kapamilya at huwag sarilinin ang pag-iisip.

MAGLAAN NG PANAHON KASAMA ANG PAMILYA

Marami sa atin na kahit na holiday ay nagtatrabaho pa rin. Pero minsan lang maging kumpleto ang ating pamilya kaya’t maglaan ng panahon sa kanila. Tapusin ang mga kailangang tapusin ng mas maaga para sa panahon ng pagsasaya, makapagsasaya tayo kasama ang mga mahal natin sa buhay.

GUMAWA NG SCHEDULE

Isa rin sa kailangan nating gawin ay ang paggawa ng schedule. Unang-una, isipin ang kung anong oras ninyo sisimulan ang inyong party at mag-stick kayo roon.

Mahirap din kasi kung hindi napagkakasunduan ang oras ng inyong gagawing party dahil tiyak na may darating ng mas maaga o kaya naman, late nang pupunta ang ilan.

Kaya naman, para hindi magkagulo-gulo, pag-usapan ang oras at mag-stick sa napagkasunduan.

MAGLUTO NG MAS MAAGA

Puwede rin namang magluto ng mas maaga. May ilan na one day bago ang event ay nagluluto na at inilalagay na lamang sa ref.

Kunsabagay, may mga pagkain nga namang maaaring lutuin ng mas maaga o ng isang araw bago ang event gaya na lamang ng mga dessert.

Para hindi magkumahog o magmadali sa mismong araw, lutuin na ang mga puwedeng lutuin ng mas maaga gaya ng dessert at ulam na puwedeng ilagay sa ref para iinitin na lamang ito sa mismong okasyon.

MATUTONG MAGBAHAGI NG BLESSING

Isa pa sa nakatataba ng puso ay ang pagbabahagi ng mga natanggap nating blessings. Kaya naman, mag-share tayo. Kung may mga hindi na ginagamit na bagay o damit, ipamigay ito sa mga nangangailangan o kaya i-donate sa bahay ampunan. Nakatulong na tayo, may nagawa pa tayong maganda para sa ating sarili.

Napakaraming paraan para maging masaya tayo at maiwasan ang stress ngayong holiday. Gayunpaman, wala pa ring makatatalo sa kaligayahan natin kung kasama natin ang ating buong pamilya.

Kaya’t mag-relax tayo at mag-enjoy ngayong holiday.