TIPS PARA MAIHANDA ANG TAHANAN SA MGA PAPARATING NA BISITA

tahanan

HABANG papalapit ang holiday, kasabay rin nito ang pag-aayos ng marami sa atin. Nariyan ang pagdedekorasyon para sa nalalapit na Pasko at ang paghahanda para sa mga parating na bisita

Karamihan nga naman sa ating mga kamag-anak ay dumadalaw sa atin sa tuwing may okasyon o kapag Pasko dahil ito lamang din ang panahong may oras sila o pagkakataon. At dahil nga panahon ng bonding at pagsasama-sama ng pamilya at magkakaibigan ang Pasko o holiday, narito ang ilan sa tips upang maihanda ang tahanan sa mga pa­rating na bisita o kamag-anak at kaibigan:

 

MAGLAGAY NG DEKORASYON HABANG MALAYO-LAYO PA ANG HOLIDAY

Sadya nga namang nakatutuwa ang paglalagay ng dekorasyon o pagpapaganda ng tahanan. Wala ka rin naman kasing style na kailangang sundin. Kung ano ang sa tingin mo ang maganda, puwedeng-puwede mong gawin. Puwedeng-puwede mong subukan.

Maaari ka ring sumubok ng mga kakaibang dekorasyon. Hindi rin naman kailangang gumastos ka nang malaki sapagkat may mga pandekorasyon na puwedeng ikaw lang ang gumawa.

At mas maganda rin kung habang maaga pa o malayo-layo pa ang holiday ay nasisimulan mo na ang pag-aayos at pagdedekorasyon ng tahanan.

 

PANATILIHIN ANG PAGIGING MALINIS NG KABUUAN NG TAHANAN

Paglilinis o pagpapanatiling malinis ang kabuuan ng ating tahanan, iyan ang isa pa sa dapat nating gawin.

May mga bisita rin kasing basta-basta na lang sumusulpot. At kung parating malinis ang ating tahanan, hindi tayo mahihirapan o magmamadaling mag-ayos at maglinis kapag bigla silang dumating.

Unahin din sa pag­lilinis ang mga lugar na sa tingin mo ay kailangang-kailangang linisin gaya na lamang ng bathroom, dining room, sala at kitchen.

IHANDA ANG GUEST ROOM

May ilang tahanan na may nakalaang silid para sa bisita.  At kung mayroon kayo nito, ihanda na ito at linisin. Siyempre, ilagay rin sa nasabing room ang mga pangunahing kakaila­nganing ng iyong magiging bisita gaya na lang ng unan, kumot at towel.

 

LINISIN AT IHANDA ANG BATHROOM

Siguraduhin ding kompleto ang mga gamit sa inyong bathroom gaya ng sabon, toothpaste, shampoo, conditioner at bagong tooth brush na nakalaan para sa inyong mga bisita.

Huwag ding kalilimutang maglagay ng shower curtain at siyempre, siguraduhing may mga towel at extra toilet paper sa inyong bathroom storage. At para rin hindi madulas ang inyong mga bisita kapag maliligo, lagyan ng mat o kaya naman ay non-slip treads ang inyong bathroom.

SAFETY

Iyan ang isa sa hindi natin dapat ipinagwawalang bahala. Bukod sa paglilinis ng ating buong kabahayan, ang kaligtasan ng ating pamilya at maging ng ating bisita ang dapat nating isaalang-alang.

I-check din natin ang ating buong kabahayan. Kahit na sabihin pa nating kabisadong-kabisado natin ang ­ating buong bahay, dapat pa rin nating siguradu­hing safe ang lahat ng pupunta roon. Kung may mga lugar na may kadiliman o pundido na ang ilaw, palitan na kaagad ito. Tanggalin din ang mga gamit na hindi naman kailangan.

Siguraduhin ding  maliwanag ang lahat ng ilaw sa loob at labas ng inyong bahay, lalong-lalo na sa powder room at hallways.  Tingnan ang mga faucet kung hindi ba tumutulo at kung gumagana ba ang lahat.

Kung okey nga naman ang lahat, wala kang poproblemahin at makapag-e-enjoy kayong lahat.

 

MAGHANDA NG MGA BABASAHIN O LIBRO

Para rin hindi mabagot ang inyong magiging bisita, mainam din ang paghahanda ng kahit na anong babasahin o libro nang may mapaglibangan sila.

Maaari kayong maglagay sa kuwarto o guest room na kanilang gagamitin ng iba’t ibang klaseng libro.

O kung wala kayong guest room, puwede namang sa sala ninyo ilagay ang iba’t ibang librong sa tingin ninyo ay kahihiligan ng inyong bisita.

Maganda rin ang tahanan na may libro para masanay ang mga nakatira roong magbasa. Napakarami rin kasing benepisyo ang pagbabasa.

 

PASSWORD NG WiFi

Hindi na nga naman maitatanggi ang kahiligan ng marami sa teknolohiya o gadget. Karamihan din sa mga tahanan ay mayroon nang mga WiFi.

Kung mayroon kayong WiFi, isa ang password sa kailangan ninyong ihanda dahil tiyak na tatanungin ito ng inyong magiging bisita.

Mainam din kung isusulat ito sa isang papel kapag mayroong nagtanong na bisita—kapamilya man iyan o kaibigan, ay iaabot na lang.

 

PANATILIHIN ANG PAGIGING ORGANISADO NG TAHANAN

 Kapag organisado ang inyong bahay, hindi mahihirapan ang inyong mga bisita. Kaya naman, i-arrange at lagyan ng label ang mga gamit sa inyong pantry. Siguraduhin ding kompleto ang mga naroon.

Huwag ding kalilimutang maglaan ng lugar na maaaring paglagyan ng inyong bisita ng kanilang mga gamit gaya ng maleta at kung ano-ano pa.

Kapag maayos ang lahat, tiyak na gaganahang mag-stay ang inyong bisita. Siyempre, hindi lamang ganda at ayos ng bahay ang kailangan nating isaisip kundi dapat nating ipa­ramdam sa ating mga bisita na welcome na welcome sila sa ating mga tahanan.

Tiyak na ma-a-appreciate nila ang effort mo.

Kaya’t ngayon pa lang, i-ready na ang tahanan nang may duma­ting mang bisita, hindi ka mabibigla.

CT SARIGUMBA

Comments are closed.