TIPS PARA MAIHANDA ANG TAHANAN SA PAGDALAW NG ‘DI INAASAHANG MGA BISITA

TAHANAN

TAYONG mga Filipino, magiliw tayo sa mga bisita. Kahit na may dumating sa atin nang walang pasabi, maluwag ang loob nating tinatanggap at pinapapasok sa ating tahanan. Hindi kagaya ng ilang bansa na kapag may dumating na bisita nang walang pasabi, hindi nila pinapapasok sabihin mang kaibigan o kamag-anak mo ito.

Hindi nga naman isyu o big deal sa ating mga Pinoy ang pagkakaroon ng hindi inaasahang bisita.

Dumating man sila ng walang pasabi, pinakikitunguhan at pinakikisamahan pa rin sila ng mabuti at maayos. Ganoon naman talaga ang ugaling mayroon tayo, marunong o maayos tayo kung tumanggap ng mga bisita. Pinagsisilbihan o pinaghahanda pa nga natin sila ng pagkain o meryenda.

May mga kaibigan o kamag-anak nga naman tayong basta-basta na lang kung sumulpot sa ating tahanan. Sinosorpresa tayo kumbaga. Nakagawian na rin naman kasing dumalaw ng ilan nang hindi nagsasabi.

Dahil hindi naman talaga maiiwasang magkaroon tayo ng bisita nang walang pasabi o paalam, napakahalagang sa bawat araw ay malinis o presentable ang ating tahanan.

Kaya naman, sa mga nag-iisip kung paano nga ba magiging maganda at presentable sa paningin ng mga ‘di inaasahang bisita ang kanilang tahanan, narito ang ilang tips na tiyak na makatutulong sa inyo:

PANATILIHING MALINIS AT KALAT-FREE ANG BUONG BAHAY

TAHANANNapakaimportante ng pagkakaroon ng malinis na tahanan. Kahit naman wala kang inaasahang bisita, mahalagang masiguro natin na ang loob at labas ng ­ating bahay ay malinis at maayos.

Pero kung minsan, dahil na rin sa ating kaabalahan, hindi natin naiiwasang magkalat o marumihan ang lugar na ating inuuwian at pinagpapahingahan.

Kaya naman, isang tip para mapanatiling malinis at maayos ang buong bahay ay ang umiwas na magkalat. Ano-ano ba ang kadalasang kalat na nagpapasakit ng ating mata? Una na riyan ang maruming damit at hinubad na medyas.

May ilan sa atin na kung saan-saan na lang ipinapatong o inilalagay ang mga hinubad na damit at medyas. Laging sinasabi natin sa ating sarili na mamaya na lang natin ilalagay sa lalagyan o sa lagayan ng maru­ming damit. Mamaya. Puro mamaya hanggang sa nakaliligtaan na natin.

Ang mga hinubad na damit at medyas, sabihin mang paisa-isa ang mga ito ay nagiging dahilan ng makalat na lugar. Kaya naman, iwasan ang kasasabi o kaiisip ng mamaya na. Ang mabuting gawin, ilagay na kaagad sa lalagyan ng maruruming damit ang mga hinubad nang hindi ito pagmulan ng kalat.

Ikalawa, ang mali­liit na bagay gaya ng accessories. Sa totoo lang, guilty ako rito. Kumbaga, nakagawian ko ring kung saan-saan ipinapatong ang ginamit kong accessories. Isang dahilan ko, para makita ko kaagad kapag kinailangan o kapag susuotin ulit.

Pero isa ang gawing ito sa pinagmumulan ng kalat. Sabihin mang maliliit lang ito, kapag dumami na ay pangit na sa paningin. Hindi rin naman solusyon ang paglalagay sa kung saan-saan ng accessories para lang makita ulit kapag kinailangan. Kasi kung ipinapatong mo ito sa kung saan-saan lang, malaki pa rin ang tiyansang mawala o mahulog.

Isang solusyon naman dito na masasabi kong epektibo ay ang paglalagay ng box na maaaring paglagyan ng maliliit na bagay o accessories. Bukod sa magiging maaliwalas ang inyong kabahayan, hindi rin ito mawawala o mahuhulog dahil may isang lugar kang pinaglalagyan.

Gayundin naman ang bills. Monthly, may natatanggap tayong bills. Nagiging sanhi rin ito ng kalat. Mainam din kung maglalaan ka ng box na paglalagyan nito. Para hindi malito, ilagay sa pinakailalim ng box ang mga bill na nabayaran na at sa pinakaibabaw naman iyong hindi pa nababayaran.

Sa ngayon, maraming storage box na may iba’t ibang kulay at design. Pero kung ayaw mo nang gumastos, maaari kang gumawa ng sarili mong box. Kung may kahon ka ng sapatos na hindi na naman kailangan, linisin ito saka balutan ng papel na may iba’t ibang kulay at design.

BATHROOM STORAGE

TAHANANSaglit man o magtatagal ang iyong bisita, gagamit at gagamit iyan ng bathroom o powder room. Bukod sa kusina, isa pa sa parte ng bahay na madaling kapitan ng dumi ay ang bathroom. Madalas din kasi natin itong gamitin kaya’t madaling dumudumi.

Para maiwasan o mapanatiling malinis ang bathroom, kapag nababasa ito ay punasan kaagad. Ugali na ng ilan na hinahayaang matuyo ng kusa ang bathroom kapag nababasa. Tubig nga lang naman iyan kaya’t maya-maya lang ay matutuyo. Pero kung hihintayin pa nating matuyo, maaaring madulas ang ating kapamilya o maging bisita. Iwas-disgrasya rin kung napananatili nating tuyo at malinis ang bathroom.

Pangalawang nagi­ging sanhi ng makalat na bathroom ay ang suklay, toothbrush, toothpaste, shampoo, conditioner, sabon at towel.

Sa pagmamadali na lang, kung minsan ay hindi natin naibabalik sa pinaglalagyan ang mga gamit gaya ng toothbrush at toothpaste. Minsan din ay hinahayaan na­ting hindi nakatakip ang shampoo at conditioner. Marami ang nawiwiling gawin ito. Pero itong mga ganitong simpleng bagay, nagiging sanhi ito ng kalat at magulong lugar.

Kaya mainam kung ibabalik natin sa pinaglalagyan ang mga ginamit natin sa pagligo. Iwas-kalat ito at hindi rin nakakahiya kung may bisitang biglang gumamit ng inyong bathroom.

Huwag ding kalilimutang maglagay ng shower curtain at siyempre, siguraduhing may mga towel at extra toilet paper sa inyong bathroom storage.

TANGGALIN ANG MGA BAGAY O GAMIT NA HINDI NAMAN KAILANGAN

Isa pa sa mainam gawin para na rin maging handa ang tahanan sa mga hindi inaasahang bisita ay ang pagbabawas ng kalat sa bahay. Alisin o tanggalin ang mga bagay na hindi naman kailangan. Kung hindi n’yo naman kailangan pero mapakikinabangan pa, maaaring ibenta o kaya naman ipamigay.

Mahilig din kasi ang marami sa ating magtago ng mga bagay na hindi naman kailangan. Pero nakadaragdag din kasi ito ng kalat. Kung hindi naman gina­gamit, masisira lang ito at masasayang.

Maraming paraan para maging handa sa bisita ang ating tahanan. Mga simpleng paraan gaya ng mga nabanggit sa itaas na makatutulong nang malaki.

Comments are closed.