TIPS PARA MAIWASAN ANG IBA’T IBANG SAKIT

SAKIT

NGAYONG tag-ulan, usong-uso ang iba’t ibang sakit. At kapag hindi tayo naging maingat, paniguradong darapuan tayo ng mga nagkalat na sakit sa paligid.

Mahirap ang magkasakit dahil mapupunta sa pampaospital ang perang ating pinaghirapan na nakalaan sana sa pang-araw-araw na pangangailangan ng buong pamilya.

At para maiwasan ang magkasakit ngayong tag-ulan, narito ang ilang tips na dapat na isaalang-alang:

PALAGIANG PAGHUHUGAS NG KAMAY

Dahil isa ang kamay sa madaling kapitan ng dumi, kailangang panatilihin nating malinis ang mga ito sa kahit na anong panahon at pagkakataon. Kung lalabas ng bahay, ugaliin ang pagdadala ng wet wipes, tissue, alcohol o hand sanitizer.

Huwag ding kaliligtaang maghugas ng kamay bago at pagkatapos kumain. Gayundin kapag gagamit ng rest room.

Maging aware rin sa pagbahing at pag-ubo. Magdala ng panyo at magtakip ng bibig kapag babahing at uubo nang maiwasan ang pagkalat ng germs. Umiwas din sa mga taong may ubo at sipon.

MAGING MALINIS SA KATAWAN

Bukod din sa pagpapanatiling malinis ng mga kamay, pinakamabisa o mainam din ang pagpapanatiling malinis ng buong ka-tawan. Kaya naman, sabihin mang sobrang lamig ng paligid dahil maulan, maligo pa rin araw-araw at magsuot ng malinis at komportab­leng damit.

Kapag malinis din ang buo nating katawan ay naiiwasan natin ang pagkakaroon ng sakit. Higit sa lahat, presentable rin tayo at maayos.

ITAGO NG MAAYOS ANG MGA LEFTOVER O SOBRANG PAGKAIN

Marami sa atin ang nagluluto ng maramihan lalo na kung walang gaanong panahon o maraming kailangang tapusin.

Kung tutuusin, wala namang masama kung daramihan natin ang ating lulutuin. Iyon nga lang, siguraduhin nating hindi agad-agad napapanis ang ating iluluto ng maiwasan ang kahit na anong problema.

Kung mamimili naman ng maramihan para makatipid sa oras at pamasahe patungong palengke o grocery, piliin ding mabuti ang mga bibilhin. I-check ang bawat gulay at prutas na bibilhin at siguraduhing fresh ang mga ito at walang sira kahit na kaunti.

Itago o ilagay rin sa dapat na kalagyan ang mga pinamili nang hindi ito masira. Halimbawa na lang ang mga karne, dairy at poul-try products, madali itong nasisira lalo na kung hindi nailagay sa refrigerator. Kaya pagkabiling-pagkabili ay itago na kaagad ang mga ito.

Pagdating din sa karne at isda, linisin din muna ang mga ito bago ilagay sa freezer.

Lutuin ding mabuti ang karne o kahit na anong pagkain upang hindi kaagad ito masira.

Huwag ding pagsasama-samahin ang luto at hilaw na pagkain.

MAGPAHINGA NG SAPAT AT KUMAIN NG MASUSTANSIYANG PAGKAIN

Mahilig magpuyat ang marami sa atin. Hindi rin mabilang ang dahilan kaya’t napupuyat tayo. isa ngang dahilan diyan ay ang trabaho, ikalawa naman ang mga kinahihiligan nating palabas at kung minsan din, dahil sa hirap tayong makatulog.

Malaki ang tiyansang tumaas ang level ng stress ng isang taong walang sapat na pahinga. At sa pagtaas ng stress level nito ay nagiging dahilan naman ito ng pagbaba ng pagiging produktibo.

Kumbaga, kung kulang sa tulog ang isang tao ay hindi nito nagagawa ng maayos ang kanyang trabaho. Lulugo-lugo rin ito sa opisina. At higit sa lahat, maaari itong magkasakit dahil sa pagbaba ng immune system.

Bukod din sa pagpapahinga ng sapat, kumain din ng masustansiyang pagkain.

REGULAR NA LINISIN ANG TAHANAN

Huwag din nating kaliligtaan ang ating mga tahanan. Sabihin mang malinis ang ating panga­ngatawan at nakapagpapahinga tayo ng mabuti, kung marumi naman ang ating paligid ay darapuan pa rin tayo ng sakit.

Linisin din ng regular ang loob at labas ng tahanan. Tanggalin ang mga nakaimbak o naipong tubig sa mga paso o bote sa palibot ng bahay nang hindi pamugaran ng lamok.

Regular ding palitan ang bed sheet, punda, unan at kurtina.

Importante ang malakas na pangangatawan para magawa natin ng maayos ang mga kaila­ngan nating gawin. Kaya naman, bigyang pansin ang mga ibinahagi na­ming tips. (photos mula sa napclean.com, foodsafetytrainingcourses.com, fortune.com)

Comments are closed.