TIPS PARA MAKA-PAG-ADJUST ANG BAWAT ESTUDYANTE MATAPOS ANG BAKASYON

ESTUDYANTE

MATAPOS nga naman ang pagbabakas­yon o kapag nawalan ng pasok dahil sa bagyo o malakas na ulan at pagbaha, kung minsan ay sinasalakay ng katamaran ang bawat estudyante. Para bang nakatatamad na ang gumising ng maaga at magtungo sa eskuwelahan.

Kahit sino nga naman, lalo na kung ilang araw na walang pasok dahil sa bagyo o kaya naman, holiday ay tila kinatatamlayan ang pagpasok.

Kapag nasimulan nga naman ang pamamasyal o pagpapahinga kahit na ilang araw lang, kaysarap nang ituloy-tuloy. Tila ba kina-tatamaran na ang gumalaw-galaw at ang nais na lang ay mag-relax.

Ngunit hindi naman puwedeng tamarin ang estudyante matapos ang bakasyon o nawalan ng pasok dahil sa bagyo, ulan o holi-day.  Kaya para magkagana ulit pumasok, narito ang ilang tips na dapat na isaalang-alang:

PAGHAHANDA NG GAMIT

ESTUDYANTEIsa ang paghahanda ng mga gamit sa eskuwela ang dapat nating pinag-uukulan ng panahon. Sa pagbabalik sa eskuwela dahil sa nawalan ng pasok o nagbakasyon, i-check ang mga gamit sa eskuwela. Gabi pa lang bago pumasok kina­umagahan, siguradu­hing maayos at nakahanda na ang mga gamit.

Kung gabi pa lang ay naasikaso na ang mga gamit sa school, tiyak na walang makaliligtaan o maiiwan kinabukasan.

PAGTULOG

Kapag nasa bakas­yon o biglang nawalan ng pasok dahil sa bagyo o holiday, kadalasan sinusulit natin ang oras at panahon. Kumbaga, lahat ng hindi natin nagagawa kapag pasukan ay ginagawa natin kapag walang pasok. Ha­limbawa nga riyan ang pan-onood ng TV kahit late na at ang paglalaro sa computer.

Matapos na mawalan ng pasok o matapos ang iyong pagbabakasyon, isa sa dapat na i-adjust ng mga estudyante ay ang oras ng kanilang pagtulog. Kung noon, okey lang na matulog sila ng late at gumising ng late, sa pagkakataong ito, babaguhin natin iyon. Patulugin natin sila ng maaga para makapagpahinga sila ng mabuti at maging handa sa klase.

Mas maganda rin at malaki ang maitutulong kung bago ang pasukan, ina-adjust na natin ang oras ng kanilang pagtulog at pag-gising para hindi na pahirapan pa ang pagpapatulog at pagpapagising kapag balik-eskuwela na ulit.

MAG-EHERSISYO

Hindi rin naman puwedeng kalimutan ang pag-eehersisyo. Isa ang pag-eehersisyo sa nakapagbibigay ng lakas sa marami sa atin–estudyante man iyan o manggagawa. Kaya naman, sa mga panahong nakatatamad, isa ang pag-eehersisyo sa kailangang gawin ng kahit na sino. Bukod nga naman sa nakapagpapa-fit ito ng katawan, lulusog ka rin at lalakas.

Simpleng lakad lang din ay malaki na ang maitutulong upang lumakas at mabuhayan ang nananamlay na ka­lamnan.

PAGLALARO

Hindi rin naman porke’t may pasok, pagbabawalan mo na ang iyong sariling maglaro. Puwede pa rin naman nating kahiligan ang mga ginagawa natin noong wala pang pasok.

Ngunit kung gagawin man ang mga kinahihiligang gawin kapag may pasok sa school, importante pa rin ang pagbabalanse, lalong-lalo na ng oras.

Kumbaga, puwede pa rin naman ang maglaro sa computer o magpa-late ng tulog. Pero huwag naman sobrang late. Pero siyem-pre, bago rin maglaro o gumawa ng mga kinawiwilihang gawain, tapusin muna ang assignment at mag-review.

Mas maganda rin kung bukod sa computer games ay makihalubilo sa iba. Dahil ibang-iba ang buhay sa harap ng kompyuter at sa totoong buhay.

PAGPAPLANO

Isa pa rin sa dapat matutunan ng bawat estudyante ay ang pagpaplano kung kailan at saan siya mag-aaral. O kailan niya gagawin ang kanyang assignment. Maraming mga bata na pagkatapos ng klase, ginagawa kaagad ang kanilang assignment.

Para nga naman hindi nila makalimutan ang mga pinag-aralan nila at hindi sila mahirapan sa pagsagot sa kanilang assignment. May ibang mga bata rin naman na hindi basta-basta nakapag-aaral o nagagawa ang kanilang takdang aralin kapag maingay ang paligid.

Kaya naman, mas maganda talaga kung paplanuhin ng bawat estudyante ang mga gagawin nila—pagkabisa man iyon sa mga itinuro sa kanila o ang pagsagot sa kanilang assignments.

HUWAG PAGURIN ANG SARILI

ESTUDYANTEMadalas, lalo na kapag may exam, halos hindi tayo natutulog para lang makapag-aral ng ating mga leksiyon. Isa sa dapat nating iwasan iyon. Kumbaga, hindi tama na masyado mong papagurin ang iyong sarili sa pag-aaral para lang hindi ka bumagsak sa test ninyo kinabukasan. Kapag pinagod mo ng husto ang iyong sarili, maaaring makalimutan mo ang mga kinabisa o pinag-aralan mo. Sa­yang lang ang panahong iginugol mo. Nasayang lang ang pagpupuyat mo.

Kaya magandang gawin, huwag magpupuyat at huwag ding papagurin masyado ang sarili sa pag-aaral. Mas magiging matalas ang iyong isipan kung may sapat kang tulog o nakapagpahinga kang mabuti. Mas maganda kung gigising ka ng maaga para mag-aral.

MAG-REVIEW NG LEKSIYON

Kung matagal na nagbakasyon o nawalan ng pasok, isa rin sa kailangang gawin ng mga estudyante ay ang pagre-review.

Para nga naman hindi makalimutan o makasagot sakaling nagtanong ang teacher. O kung biglaan mang magpa-exam ang pro-fessor o teacher ay hindi mabokya.

Mabuti na nga naman ang laging handa.

Nakatatamad nga namang pumasok matapos ang ilang araw na bakasyon o holiday. Ngunit may kanya-kanya rin namang pa­raan ang mga estudyante kung paano makapag-a-adjust para muling mabuhayan ng loob sa eskuwelahan. Ang mga nasa itaas ay ilang tips lang na nais naming ibahagi.

Comments are closed.