TIPS PARA MAKA-SURVIVE ANG EMPLEYADO KAPAG MAY BAGYO AT KAILANGANG MAGTRABAHO

SURVIVE-2

MALAKAS ang ulan o may bagyo, pero kailangang magtrabaho ng maraming empleyado. Sa ganitong panahon, sabihin mang pinaghahandaan natin, hindi pa rin maiwasan ang disgrasya o kapahamakan.

Oo, napakaraming advice ang maaari nating marinig o mabasa. Minsan nga ay parang sirang plakang paulit-ulit ang mga sinasabi ng marami. Pero hindi naman porke’t paulit-ulit ay kaiinisan o pagsasawaan na natin at hindi papansinin.

Kumbaga, kaya’t paulit-ulit na sinasabi ay upang hindi natin makaligtaan lalo na kung kumaharap tayo sa hindi inaasahang mga pangyayari. Kumbaga, para ma­ging handa tayo.

Kaya sa mga emple­yado riyan na kailangang magtrabaho kahit maulan ang paligid, may bagyo at malakas ang hangin, narito ang ilang tips na sabihin mang paulit-ulit nang nababasa at naririnig, malaki naman ang naitutulong para maging handa at ligtas tayo sa kabila ng masamang panahon:

MAGDALA NG PAYONG, BOTA, RAIN COAT AT EKSTRANG DAMIT

Isa ang advice na ito sa paulit-ulit nating na­ririnig o nababasa. Pero sabihin mang paulit-ulit man, marami pa ring empleyado ang nakaliligtaan ang pagdadala ng payong, rain coat, bota at ekstrang damit. Saka lang naaalala kapag bumuhos na ang ulan.

Kunsabagay, kung maganda nga naman ang panahon sa pag-alis natin ng bahay, kung minsan ay hindi na tayo nagdadala ng rain gear. Iniisip kasi nating magiging maganda ang panahon sa buong maghapon.

Ngunit mahirap nang espelingin ang ating pa­nahon. Nagbabago ito ng walang pasabi. Kaya naman, importanteng lagi tayong may dalang rain gear. Maganda rin kung may nakahanda ka laging ekstrang damit nang mabasa ka man sa biyahe o ma-stranded ay mayroon ka pa ring pampalit o magagamit.

BAGO UMALIS NG BAHAY O OPISINA, ALAMIN ANG KONDISYON NG DARAANAN

BAGYO-3Sa tulong ng social media ay nagkakaroon tayo ng kaalaman sa lagay ng panahon at ma­ging sa kalsada o daang ating tatahakin. Napakalaki nga naman ng naidudulot sa pang-araw-araw nating pamumuhay ang social media dahil dito ay nagi­ging updated tayo.

At isa rin sa hindi natin dapat kaligtaan kung may bagyo o malakas ang ulan ay ang pag-alam ng lagay ng panahon at kondisyon ng kalsada o lugar na iyong daraanan. Mas mabuti na iyong malaman mo kung traffic ang pinaplano mong daanan o may baha nang makapag-isip ka ng alternatibong daan. Mahirap naman iyong kung kailan ka naroon o dumaraan ay saka mo lang malalaman na mataas pala ang tubig.

Para iwas-badtrip, alamin ang sitwasyon ng iyong mga daraanan nang magkaroon ng option o plano kung saan ka puwedeng makadaan.

MAGBAON NG MASUSUSTANSIYANG PAGKAIN AT INUMIN

Sa ganitong panahon ay mas lalo nating kaila­ngan ang healthy diet. Kapag maulan o may bagyo, nagiging prone ang ating katawan lalo na ang digestive system sa infections. Kadalasan pa naman sa sakit na nakukuha natin kapag tag-ulan ay water-borne. Dahil dito, kailangang siguraduhin nating malinis ang ating iniinom na tubig. Kung wala namang malinis na tubig o naubusan ng filtered water, isang option ang pagpapakulo nito.

Mahirap ding lumabas sa opisina kapag maulan ang paligid. kaya’t makatutulong o maganda ring ideya ang pagbabaon ng pagkain. Kung magbabaon ka rin, mas tiyak mong healthy at safe ito kumpara kung bibili ka lang o magpapa-deliver.

At kapag sinabing kailangan ang healthy diet kapag maulan ang paligid, nangangahulugan itong iwasan muna ang cola o carbonated drinks, junk food at mga street food. Iwasan din siyempre ang pagkain ng raw vegetables at salad. Puwera na lang kung ang kakaining raw vegetables o salad ay gawa mismo sa bahay. Kung bibilhin lang sa labas o restaurant, iwasan na muna ang pagkain nito kahit na sobrang gustong-gusto mo ang nasabing pagkain.

Mabuti rin ang pag-inom ng mainit na inumin kapag tag-ulan nang mainitan din ang kabuuan.

MAGDALA NG FLASHLIGHT AT EKSTRANG BATERYA

USING FLASHLIGHTKapag mayroong ulan, lagi tayong naghahanda sa bahay ng flashlight at ekstrang baterya. Pero hindi lamang dapat makagawian sa bahay. Kahit na nasa opisina, maganda rin kung mag­hahanda nito upang may magamit sakaling mawalan ng koryente.

Hindi rin kasi lahat ng opisina ay may generator na magagamit kapag biglang nawalan ng ilaw. Kaysa ang mangapa sa dilim, maging handa at magdala ng flashlight at ekstrang baterya.

Maganda rin kung may maliit kang flashlight na nakalagay sa bag mo para may magamit ka rin kapag nasa labas ka at wala ka sa opisina o bahay.

I-CHARGE ANG GADGETS AT SIGURADUHING HINDI MABABASA ANG MGA ITO

Bago rin lumabas ng bahay o opisina, siguraduhing naka-fully charge ang gadgets, lalong-lalo na ang cellphone. Magagamit mo ito sa emergency. Kung may power bank ka naman, dalhin na rin ito para makasigurado.

Bukod sa pagsigurong naka-fully charge ang gadgets, importante ring matiyak na nakalagay ito sa lalagyang hindi nababasa.

IWASAN ANG PAGHAWAK SA MATA

Isa ang kamay natin kung saan-saan natin nai­hahawak. Minsan nga ay hindi natin namamalayang sa marumi na pala tayo napakakapit. Importante lalong-lalo na kapag tag-ulan ang pagpapanatiling malinis ng mga kamay.

Isa sa common na sakit kapag tag-ulan ang eye infection na kapag pinabayaan, maaaring humantong sa pagkabulag. Napakahalaga pa naman ng paningin sa bawat isa sa atin.

Para maiwasan ang eye infection, huwag na huwag hahawakan ang mga mata lalong-lalo na kung marumi ang mga kamay.

HUWAG LALABAS NG OPISINA KUNG SOBRANG LAKAS NG ULAN AT HANGIN

Kung sobrang lakas naman ng ulan at hangin, huwag nang mangahas na bumiyahe o lumabas ng opisina. Isa pa naman sa napakahirap ay ang ma-stranded sa daan. Kaya kaysa sa daan ma-stranded, mabuti na iyong sa opisina dahil matitiyak mo ang iyong kaligtasan at higit sa lahat, kasama mo ang mga katrabaho kaya’t hindi ka kakabahan.

Ang mahirap kasi kapag nasa kalye ka na-stranded, bukod sa wala kang kakilala at kasama, kakabahan ka pa baka biglang kumulog o kumidlat. O kaya naman, baka biglang may pumutok na linya ng koryente o matumbang poste. At isa pa sa nakatatakot ay ang mga masasamang loob na nagkalat sa paligid sa kabila ng malakas na pagbuhos ng ulan.

Kaya kung sa tingin mo ay sobrang lakas ng ulan, manatili na lang muna sa opisina at magpahupa.

LAGING MAGBITBIT NG EMERGENCY KIT

EMERGENCY KITHuwag ding kaliligtaan ang pagdadala o pagbibitbit ng emergency kit dahil kakailanganin mo ito lalo na kung maulan o may bagyo. Kung may nangyari nga namang problema tapos maulan at baha pa, hindi tayo agad-agad makalalabas ng opisina. Paano na lang kung may nasugatan sa inyo o biglang may sinamaan ng pakiramdam. Kung may emergency kit ka, maaagapan mo ang maaaring paglala ng problema. Handa ka na, nakatulong ka pa sa kapwa.

Maraming emple­yado ang sadyang hindi maiwasang magtrabaho kapag maulan o mayroong bagyo. Ngunit sabihin mang delikado ang paglabas ng bahay sa ganitong panahon, may mga paraan pa rin naman para maka-survive. Maging maingat lang din. Todong pag-iingat, kumbaga.  CT SARIGUMBA

Comments are closed.