TIPS PARA MAKA-SURVIVE SA GROUP TOUR

GROUP TOUR-1

(Ni CT SARIGUMBA)

HINDI maitatanggi ng marami ang kagustuhan nitong mag-travel. Kakaiba nga namang saya ang naidudulot ng pagtungo sa iba’t ibang lugar. Sa mga nais ding makatipid sa gagawing pamamasyal, naghahanap sila ng promo o kaya naman ay ina-avail nila ang group tour.

Mas makamumura nga naman ang marami sa atin sa group tour. Higit sa lahat, magkakaroon din tayo ng bagong kakilala.

Iba-iba rin ang posibleng makasama mo sa group tours. Maaaring may lalaki, babae, matanda o estudyante.

Ngunit sabihin mang exciting, marami pa rin tayong dapat na isa­alang-alang o bigyan ng pansin nang makatagal o maka-survive.

MAGDALA LANG NG KAKAILANGANIN

Mga importanteng gamit lang ang dalhin kung magta-travel nang hindi mabigatan. Kaya naman, i-pack ang mga gamit o bagay na kakailanganin. Kung sakali mang magdadala ng ekstrang damit, ilang piraso lang ang dalhin at huwag daramihan.

PILIIN ANG SWAK NA GROUP TOUR

Marami tayong mapagpipiliang group tour. Sa rami nga naman ng travel agencies na nag-o-offer ng group tour pa­niguradong malilito tayo.

Gayunpaman, pag-isipan at piliing mabuti ang group tour na sasamahan. Para mag-enjoy, piliin ang group tour na ang itineraries ay mga nakatutuwa at nakadaragdag ng kaalaman. Gaya na lang ng pagtungo sa mga kilalang monumento at museum. Piliin din ang mga itinerary na gusto mo nang ma-enjoy mo ng todo ang gagawing pagta-travel.

Pag-aralan ding mabuti ang itinerary.

MAKIPAG-USAP AT MAKIPAGKAIBIGAN

Sa group tour din, mahalagang matutunan natin ang pakikipag-usap at ang pakikipag­kaibigan. Isa naman talaga sa dahilan kung kaya’t mas pinipili ng mara­ming mag-travel ng grupo kaysa sa ang mag-isa ay upang magkaroon ng bagong kakilala at kaibigan.

Mainam din ang pagkakaroon ng kaibigan sa pagta-travel dahil may makakapalagayan ka ng loob kahit na papano.

Sa ganitong pagkakataon ay iwasan ang pagsimangot at hayaang ngiti ang nakapinta sa iyong labi’t pisngi.

May mga pagkakaibigan ding nagsimula man sa group tour, nagtatagal naman.

KASAMA SA KUWARTO

May ilang solo traveler na piniling mag-travel ng may kasama o grupo ang nagbabayad ng ekstra sa room para lang masolo niya ito. Hindi nga naman lahat ng tao ay sanay na may kasama sa kuwarto.

Gayunpaman, kailangan mong pag-isipan kung nais mo bang may ka-share sa kuwarto o wala.

Kadalasan ay may ka-partner ka sa kuwarto para nga naman makati­pid at para na rin may kapartner ka.

Okey lang din naman ang may kasama ka sa kuwarto nang may makausap ka.

Iyon nga lang, kailangang magkasundo kayo ng kasama mo sa kuwarto.

SUMUNOD SA PATAKARAN

Importante rin ang pagsunod sa patakaran o rules. May mga tour company na may kanya-kanyang patakaran. Alamin ang mga ito at sundin.

MAGING HANDA SA MGA MAAARING MANGYARI

May mga bagay o pangyayari na nangyayari nang hindi inaasahan, lalong-lalo na sa pagtungo sa iba’t ibang lugar. At para hindi mainis at ma-enjoy pa rin ang pamamasyal, maging handa sa mga puwedeng mangyari.

Hindi rin porke’t pinili mo ang group tour ay hindi mo na ihahanda ang iyong passport, medications, emergency contact information at kung ano-ano pa. Importante rin siyempreng dala mo ang mga kakailanganin mo. At higit sa lahat, tiyakin ding may charge ang cellphone at may dala kayong powerbank at charger. Huwag ding kaliligtaan ang adapter.

HABAAN ANG ­PASENSIYA AT MAGING ­OPEN-MINDED

At dahil din first time nating makikilala ang mga kasamahan natin sa group tour, napakahalaga o dapat nating isaisip na kailangang habaan natin ang ating pasensiya. Maaari kasing may makasabay tayong hindi natin gaanong gusto ang ugali.

Gayunpaman, ma­ging mapagpasensiya. Maging open-minded din lalo na’t sa pagta-travel, maka-e-experience tayo ng bagong kultura. Kaya maging handa rin tayo sa mga bagong bagay na kailangan nating gawin sa pupuntahang lugar.

MAGING FLEXIBLE

May mga bagay nga namang nangyayari nang hindi natin inaasahan. kaya naman, bukod sa pagiging handa at open-minded, importante rin ang pagiging flexible lalo na kung mamamasyal at magtutungo sa ibang lugar.

Masarap nga naman ang mag-travel. Maganda rin kung magta-travel tayo ng may kasama o sasama tayo sa isang grupo nang magkaroon tayo ng bagong kakilala. Pero maging handa pa rin tayo—sa anumang pagkakataon at panahon. (kuha ni MHAR BASCO)

Comments are closed.