TIPS PARA MAKAMIT ANG INAASAM-ASAM NA PROMOTION

PROMOTION

Nangangalahati na ang taon, kumusta ang performance mo sa iyong trabaho? Baka isa kang bagong empleyado at  nangangarap na maitaas ang ranggo o sa madaling  salita ay ma-promote. O kaya naman, matagal ka na sa inyong kompanya at matagal nang nag-aasam na ma-promote.

Hindi nababase sa kung gaano ka na katagal sa trabaho o kung ikaw ay isang baguhan para ma-promote. Hindi rin lamang nababase sa kung gaano ka kasipag sa trabaho, o  kung ilang OT o overtime ang iginugugol mo.

Kung ito ang iyong pinaniniwalaan at ginagawa para ma-promote, mali ang iyong inaakala.

Nagtataka ka ba kung bakit mas nauna pa sa iyong ma-promote ang katrabaho mo, samantalang pareho lang kayo nang tinapos na edukasyon at mas marami kang karanasan at mas hard working. Tanungin mo ang sarili mo, ano ba ang hindi mo nagagawa para makuha ang inaasam-asam na promotion?

Ayon sa isang career strategist na si Linda Raynier, may dalawang klase ng empleyado ang “strong performer” at “top performer”.

Malaki ang kaibahan ng strong performer sa isang top performer. Ang strong performer ay ginagawa ang lahat at sinisikap na maging hard working sa trabaho ngunit hirap pa ring maabot ang promosyon. Samantalang ang top performer naman ay may mga taglay na pag-uugali kaya’t siya mismo ang nilalapitan ng promosyon.

At para maging top performer, narito ang i­lang tips na kailangang isaalang-alang upang ang hinahangad mong promotion ay makamtan:

PROMOTIONPALAGING MAAASAHAN AT HANDANG TUMULONG KANINO MAN. Isang magandang mindset na dapat matutunan ay ang kahandaang tumulong sa iba. Hindi lamang dapat trabaho mo ang iyong inaatupag kundi matutong tumulong sa iba nang may malinis na intensiyon. Tumutulong ka dahil nakikita mo na may malaking pangangaila­ngan sa man power at may kaa­laman ka naman sa gawain.

Ang isang top performer ay tumutulong kung saan mayroon silang malaking maiaambag base sa kanilang kakayahan. Huwag mag-atubiling tu­mulong sa mga importanteng gawain na nanga­ngailangan ng mga tao.

SI SERYOSO AT SI PROPESYUNAL, SINO KA SA KANILA? Ikaw ba ang ang tipo ng emple­yado na trabaho lang nang trabaho at hindi masyadong nakikisalamuha sa iyong mga  kasamahan? Madalas nakatutok sa screen ng iyong computer at mga papel sa mesa? Kung ikaw ito, ‘wag kang magtaka kung babansagan kang “masyado ka namang seryoso”.

Ang magiging pagtingin sa ‘yo ng iyong mga kasamahan ay hindi ka madaling lapitan o kaya naman ay walang pakialam sa paligid.

Kung ikaw naman ang tipo ng empleyado na alam kung paano balansehin ang trabaho at pakikipagkomunikasyon sa mga katrabaho—marunong makihalubilo, at makisama, ikaw ang klase ng empleyadong matatawag na “propesyunal” dahil kaya mong balansehin ang mga bagay-bagay—trabaho man o katrabaho.

Kung nais mong magkaroon ng magandang relasyon sa mga kasamahan mo sa trabaho, matutong makisalamuha dahil sila at sila lang din ang makakasama mo sa araw-araw. At kung gusto mong maging leader, ito ang paraan para mas kilalanin ka pa ng iyong mga kasamahan.

MAGING FLEXIBLE AT PROACTIVE

Iwasan ang maging “Yes Man”. Palaging tatandaan na lahat kayo sa opisina ay may kanya-kanyang nakatokang trabaho, hindi mo kailangan umoo sa lahat ng mga ihihingi sa iyo ng tulong.

Maaari kang tumanggap ng ibang trabaho ngunit alamin kung ano ang iyong priority o ipa-prioritize at tapusin ito nang mas maaga.

Huwag maging “Yes Man,” na oo lang nang oo sa lahat hanggang sa matambakan ng gawain at hindi na alam ang gagawin.

Ang isang top performer ay pumapayag sa mga request ngunit alam niya kung ano ang prayoridad niya at nagbibigay ng deadline kung paano at gaano katagal matatapos ang gawain. Hindi sila nahihiyang humindi at alam kung paano sasabihin ito sa kasama ng maayos na hindi mararamdaman ng kabila na na­reject ito.

KUMIKILOS KAYSA PURO SATSAT

Walang pinagkaiba sa pagiging hard working ang strong at top performer. Bahagi na ito ng kanilang sistema. Maging isang top performer sa pamamagitan ng pagpapakita na kayang tapusin ang mga gawain ng maayos, at mataas ang kalidad at hindi puro salita. Mas kumikilos kaysa satsat lang nang satsat.

SABIHIN KUNG ANO LANG ANG DAPAT

Kapag may sasabihin ang isang top performer, alam niya kung kailan at saan ito sasabihin.

Halimbawa sa isang meeting, at nagtanong ang manager kung ano ang inyong opinyon, huwag kaagad sasagot sa halip ay hintaying matapos ang nakararami bago ka sumagot. Dahil dito, matutuon sa ‘yo lahat ng atensiyon at dahil napakinggan mo ang lahat ng kanilang sinabi, maaari kang makapag-isip pa ng mas maganda at mas komprehensibong kasagutan.

UNAHAN ANG DEADLINE

DEADLINEAng mindset ng isang top performer ay tapusin ang task sa mataas na kalidad sa mas maikling panahon.

Mas iniisip nilang matapos ang gagawin na hindi iniisip ang deadline kundi ang kalidad ng kanilang trabaho sa mas maikling panahon upang mas marami pang magawang trabaho at mas marami pang maitulong sa kompanya.

Ito ang pinakamadaling paraan para umangat sa iba, mas matatandaan ka ng mga kasamahan lalo na ng iyong mga boss.

UMIWAS SA TSISMIS

Hindi magandang pag-uugali ang makipag­tsismisan sa opisina. Hindi ito makatutulong sa pagpapalago ng sarili mong kaalam, ni hindi ito makatutulong sa pagtapos ng isang gawain. Maaaring maghatid din ito ng hindi magandang imahe sa ‘yo.

Hangga’t maaari ay umiwas sa mga taong ang dala ay negatibong mga bagay sa iyo. Hindi ka lalago bilang isang indibiduwal sa ganitong gawain.

PATULOY NA PAUNLARIN ANG MGA KAKAYAHAN AT KAALAMAN

Ang mga strong performer ay kadalasang takot sa pagbabago, nananatili lamang sila sa kung ano ang kanilang alam at kayang gawin. Hindi nila pinayayabong ang kanilang skills, at kaalaman.

Kung gusto mong maging top performer, huwag matakot sa pagbabago, huwag matakot tumuklas ng mga bagong kaalaman at kakayahan, at hindi natatakot na magsaliksik sa mga bagay na makatutulong sa paggi­ging epektibong empleyado. Humanap ng oportunidad upang matuto, upang mas maging mahusay sa ginagawa.

May ilang buwan ka pang natitira upang isagawa ang tips na nabanggit at tiyak na mapapansin ang pagbabago sa iyo at malapit ka na sa iyong promotion.

Kailangan maging buo ang iyong loob, maging disiplinado at maging determinado. Higit sa lahat ay matutong maging mapagkumbaba at palaging magpasalamat sa mga bagay na natatanggap. (photos mula sa google)

Comments are closed.