HINDI nawawala ang handaan kapag holiday o may natatanging okasyon. Kahit na simple lang ay sadyang gumagawa ng paraan ang marami sa atin para maipagdiwang ang Pasko o Bagong Taon.
At dahil marami sa atin ang naghahanda sa mga natatanging okasyon, narito ang ilang tips na makatu-tulong para makatipid, hindi lamang sa pera kundi sa oras at panahon:
PAG-USAPAN ANG ILALAANG BUDGET SA PARTY
Unang dapat na isaalang-alang ay ang pag-iisip o pag-uusap kung magkano ang ilalaang budget sa gagawing party.
At kapag nakapagdesisyon na kung magkano ang ilalaang budget, mag-stick at huwag lalampas sa napag-usapan.
May ilan kasi sa ating napasasarap ang pamimili. Dahil may gusto, bili kaagad nang hindi man lang iniisip kung magagamit ba ito o kakailanganin sa party na gagawin.
Bukod din sa paglalaan ng budget, dapat din ay mapag-usapan kung ano-ano ang ihahanda at kung ilan ang posibleng darating sa gagawing pagtitipon.
MAG-ISIP NG SIMPLE NGUNIT MASAYANG PARTY
Isa pa sa napakaimportante ay ang pag-iisip ng simple ngunit masayang party. Hindi naman kailangang bongga o sobrang sosyal ang gagawing pagtitipon. Dahil ang mahalaga ay masaya ito at magkaka-bonding ang bawat magkakapamilya o magkakaibigan.
Hindi rin kailangang sa hotel, restaurant o resort pa gagawin ang party. Sa bahay lang ay puwede na. Sa ganitong paraan din ay mas makatitipid kayo sapagkat hindi na magbabayad pa ng venue o lugar.
MANGHIRAM NG MGA KAGAMITAN O MAG-RENT
Kung ang inaalala n’yo naman ay mga kagamitan at kasangkapan, hindi naman problema iyan dahil maaari kayong manghiram sa mga kakilala, kaibigan at kamag-anak.
Kung wala naman kayong mahihiraman, kaysa ang bumili ay mas mabuti ang pagre-rent. Mas mura ito.
PAGDALAHIN NG PAGKAIN ANG IBANG DADALO
Isa rin sa paraan upang makatipid ay ang pagpapadala ng pagkain sa mga dadalo. Puwedeng sa pagpaplano ay pag-usapan na ninyo kung ano-anong pagkain ang dapat dalhin ng kamag-anak o kaibig-an nang hindi na mag-doble.
May kanya-kanya rin namang specialty ang bawat pamilya kaya’t magandang paraan ang pagpa-potluck para maipatikim nila ang kani-kanilang ipinagmamalaking putahe.
MAGLUTO IMBES NA ANG MAGPA-DELIVER
May ilan sa atin na dahil matrabaho ang pagluluto, mas pinipiling magpa-deliver. Pero mas mahal kung magpapa-deliver kayo. Bukod pa roon, hindi rin kayo nakatitiyak kung safe ba o masarap ang inyong inorder o pina-deliver.
Oo nga’t matrabaho ang pagluluto ngunit mas tipid ito. Maipakikita mo rin ang inyong kakayahan sa pagluluto. At higit sa lahat, masisiguro mo pang masarap ito at healthy.
GUMAWA NG LISTAHAN NG MGA BIBILHIN
Para rin walang makalimutan at hindi ma-stress sa gagawing party, siguraduhing lahat ng mga kakailanganin ay nabili na o mayroon na.
Magandang paraan para walang makalimutan ay ang paggawa ng listahan ng mga kakailanganin at bibilhin.
PILIIN ANG MGA HEALTHY NA PAGKAIN
Importante rin ang paghahanda ng healthy na pagkain gaya na lang ng prutas at salad. Marami rin na-mang prutas na abot kaya lamang sa bulsa at swak sa panlasa ng kahit na sino.
MAG-ISIP NG KAKAIBANG GAMES
Para rin mas maging masaya ang party, mainam din kung mag-iisip kayo ng iba’t ibang palaro.
Mahilig ang mga bata sa games kaya’t tiyak na mag-e-enjoy sila. Marami rin namang mga simple at lumang games na puwedeng subukan kaya’t hindi kayo mahihirapang mag-isip.
Napakaraming paraan para makatipid tayo sa handaan ngayong holiday. At isa rin sa hindi natin puwedeng kalimutan ay ang mag-enjoy. CS SALUD
Comments are closed.