(ni CT SARIGUMBA)
HINDI na nga naman mapipigil pa ang pagsapit ng Pasko. Ilang linggo na nga lang naman ay ipagdiriwang na natin ang natatanging okasy-on. Marami ang excited na at abalang-abala sa pag-iisip ng ireregalo sa kanilang mahal sa buhay. Ang iba naman, sumasakit na ang ulo sa kaiisip kung ano-anong klaseng puta-he ang ihahanda at kung paano makatitipid.
Masarap nga naman ang maghanda ng mga espesyal na putahe ngayong nalalapit na Pasko.
Ngunit hindi naman lahat ng tao ay may sapat na halaga upang makapaghanda ng the best at katangi-tanging recipe para sa pamilya at mga bisita.
Mas lalo rin kasing sumasaya ang ganitong okasyon kung may napagsasaluhang kakaiba at masarap na putahe.
Pero hindi naman natin kailangang malungkot dahil may mga paraan upang makatipid tayo sa ating iha-handa ngayong Pasko, gaya na nga lang ng mga sumusunod:
MAG-SET NG BUDGET
Unang-una sa kailangan nating gawin ay ang pagsi-set ng budget. Importanteng may naka-set na budget nang hindi makagastos ng malaki.
Hindi rin naman kasi naiiwasan ang pagbili ng kung ano-ano at pag-iisip ng maraming ihahanda lalo na’t isang beses lang naman sa isang taon natin ipinagdiriwang ang Pasko. Gayunpaman, mainam pa rin kung magsi-set tayo ng budget at mag-stick doon.
Oo, sakit na nga naman ng marami sa atin na napabibili ng marami. Lagi nga nating sinasabi na mabuti na iyonbg sobra kaysa sa kulang.
Pero siyempre, masasayang lang ang putahe kung daramihan natin ang pagluluto. Makatutulong kung sakto lang ang lulutuin natin nang walang masayang na putahe at hindi rin mapalaki ang gastos natin.
GAWING SIMPLE AT KAKAIBA ANG HANDAAN
Hindi naman kailangang magarbo o bongga ang handaan para lang mag-enjoy ang buong pamilya at mga bisita. Kahit simple lang ang mga handa basta’t kompleto ang lahat, nagiging espesyal ito.
Nagiging espesyal din ang isang pagtitipon kung pinaghihirapan natin ang ating ihahanda. Ibig lamang sabihin nito, mas mararamdaman ng mga ma-katitikim ang effort at pagmamahal mo kung ikaw mismo ang magluluto ng inyong ihahanda ngayong Pasko.
Mas malaki rin ang matitipid ninyo kung kayo ang magluluto kaysa sa ang umorder at magpa-deliver.
PLANUHIN ANG MGA LULUTUIN NG MAS MAAGA
Importante ring napagpaplanuhan ang mga lulutuin ng mas maaga.
Gumawa ng listahan at saka i-check kung kakasya ba ang mga nakalistang menu sa nakalaang budget. Mag-isip din ng mga pagkain o menu na masarap at abot-kaya sa bulsa ang mga sangkap.
At dahil nga maraming bibilhin, mas mabuting may grocery list para walang makalimutan. Hindi lang iyan ang tulong nito, mabubudget mo rin ang iyong pera. Dapat ding sundin kung ano ang budget na nakalaan para maiwasan ang hindi inaasahang paggastos.
PAGDALAHIN NG PAGKAIN ANG MGA BISITA
Wala rin namang masama kung pagdadalahin ng pagkain ang mga dadalo sa naturang selebrasyon. Ngayon pa lang ay maaari na ninyong pag-usapan kung paano ninyo gagawing kasiya-siya ang pag-titipon sa pamamagitan ng pagdadala ng bawat isa ng mga pagkain o recipe na kanilang ipinag-mamalaki.
Sa mga ganitong handaan nga naman ay ibinibida natin ang mga natatanging putahe at nais nating ipatikim sa ating kapamilya o bisita. Kaya naman, walang masama kung sa pupuntahang salo-salo ay magdadala ng pagkain. O kung ikaw man ang host ng salo-salo, wala ring masamang i-request mo sa mga darating ang pagdadala nila ng kanilang mga panalong recipe nang maipatikim ito sa lahat.
Sanay na sanay na nga naman tayo sa mga ganitong klaseng handaan. Pero mas maganda pa ring gumawa o mag-isip ng mga paraan upang makati-pid sa ihahanda o gagastusin ngayong Pasko.
Hindi naman kailangang magastos ang gagawing paghahanda. Ang pinakamahalaga ay kompleto ang mahal mo sa buhay at nag-e-enjoy kayo.
(photos mula sa pennypinchinmom, yoursmartmoneymoves)