TIPS PARA MAWALA ANG AMOY-KULOB SA TAHANAN NGAYONG TAG-ULAN

AMOY-KULOB

(Ni CT SARIGUMBA)

NGAYONG tag-ulan, hindi maiwasang magkaroon ng amoy ang ating tahanan. Maaaring dumikit sa kahit saang sulok ng bahay ang hindi kanais-nais na amoy lalo na kapag malamig ang paligid at walang tigil sa pagbuhos ang ulan.

Dahilan din ng pagkakaroon ng amoy-kulob na tahanan ay dahil sa mga nilabhang damit na hindi kaagad natuyo, mga basang basahan, carpet, kurti-na at marami pang iba.

At para maiwasanng magkaroon ng amoy o kulob ang tahanan lalo na ngayong tag-ulan, narito ang ilan sa mga simpleng tips na puwedeng subukan:

ESSENTIAL OILS

Isa sa pinakasimpleng paraan upang bumango ang tahanan ay ang paglalagay ng essential oils. Iba’t ibang klase ng essential oils na talaga namang makapagbibigay ng kakaiba at maba­ngong amoy sa ­ating tahanan. May nabibili na rin ngayong diffuser na maaaring magamit.

Kung wala namang diffuser, puwede ka rin namang maging resourceful kung saan gamitin mo ang luma mong spray bottle at doon ilagay ang pinag­halong tubig at essential oil. Ilan sa mga essential oil na swak subukan ay ang lavender, chamomile, cinnamon, tangerine, lemon, at grapefruit.

PILLOWS AT MATTRES

Kapag malamig nga naman ang panahon, gustong-gusto nating niyayakap ang unan at halos nagtatalukbong na tayo ng kumot mawala lang ang lamig na ­ating nadarama. Minsan din, para ma-relax ang pakiramdam sa buong araw na pagtatrabaho, umuupo tayo sa sofa habang yakap-yakap natin ang unan at nanonood ng telebisyon o nagtse-check ng social media.

Dahil nga sa madalas nating ginagamit ang unan, hindi maiiwasang magkaroon ito ng masamang amoy.

Kaya para maiwasan ang pagkakaroon ng amoy ng pillow ay regular itong palitan ng cover. Tiyakin ding malinis ito palagi.

Pagdating naman sa mattress, regular din itong linisin at kapag nabasa o nadumihan ay linisin kaagad.

Mainam din ang pag-sprinkle ng baking soda upang maiwasan ang germs at bacteria saka ito i-vacuum.

KITCHEN SINK

Isa rin ang kitchen sink sa madalas na nagkakaroon ng hindi magandang amoy dahil na rin sa hinuhugasan nating isda, karne, prutas, gulay at mara-mi pang iba.

Isa naman sa mabisang paraan upang matanggal ang lansa o hindi kanais-nais na amoy ay ang paggamit ng lemon, lime o orange.

Simple lang ang paggamit ng mga nabanggit. Mag-iwan lamang ng mga balat nito sa palibot ng iyong kitchen sink at siguradong mawawala na ang kinaiinisang amoy.

SIMMER POT AIR FRESHENER

Abala ang marami sa atin at halos walang panahong maglinis ng bahay. Pagkagising pa nga lang naman ay nagmamadali na tayong magluto at mag-ayos ng sarili upang magtungo sa trabaho.

Sa pag-uwi naman natin, pagod na tayo kaya’t hindi na natin nagagawa ang ilang mga gawain.

Sa mga abala, may paraan pa rin upang mawala ang amoy kulob sa inyong tahanan. At ito ay sa pamamagitan ng simmer pot air freshener.

Simple lang ang prosesong ito, kailangan lang ng kawali, balat ng lemon o kaya naman ­orange at cinnamon stick o powder (kung anong mayroon ka). Pagha­luin ang mga sangkap sa kawali at lagyan ng tubig, hayaan lamang ito na kumulo habang ang amoy ay patuloy na kumakalat sa iyong tahan-an.

Ganoon lang kasimple, magiging mabango na ulit ang inyong tahanan at matatanggal ang amoy-kulob.

REFRIGERATOR

Isa pa sa lugar na talaga namang nagkakaroon ng hindi kanais-nais na amoy lalo na kung nagpabaya ay ang refrigerator.

Sa pagbukas mo nga naman ng ref ay sumasalubong na sa ating ilong ang naghalong amoy ng isda, karne, pagkain, prutas at kung ano-ano pa.

Para naman maiwasan ang pagkakaroon ng amoy, regular itong linisin. Mainam din ang paggamit ng baking soda at warm water sa paglilinis dahil sinasabing nakatatanggal ito ng masansang na amoy. Matapos din malinis ng warm water at baking soda, punasan ito ng pinaghalong warm water at white vinegar. Higit sa lahat, tanggalin din ang mga sirang pagkain sa ref nang hindi ito pagmulan ng kakaibang amoy.

VANILLA EXTRACT ON LIGHT BULBS

Kung akala mo pandisplay lamang ang lamp sa iyong kuwarto o sala, nagkakamali ka riyan. Maaari mong gawing kapaki-pakinabang ang iyong lamp upang magamit sa pagpapabango ng isang lugar lalo na ng bahay o kuwarto.

Maglagay lamang ng kaunting vanilla extract sa iyong light bulb at kapag binuksan mo ito, sisipsipin nito ang extract at maglalabas ng mabangong amoy.

POTTED PLANTS

Mahilig tayong maglagay ng kung ano-anong dekoras­yon sa ating bahay. Sa pamamagitan nga naman ng paglalagay ng mga dekorasyon ay na-daragdagan ang ganda ng ating tahanan.

Gayunpaman, hindi lamang ginagamit na pandekorasyon ang mga halaman, isa rin itong paraan upang makasagap ng sariwang hangin. Kapag sari-wa nga naman ang hangin, ibig sabihin ay walang kakaiba o hindi kaibig-ibig na amoy.

Ilan sa mga potted plants na maa­aring gamitin sa tahanan upang magkaroon ng mabangong amoy ay ang orchids, palm tree, o kaya naman snake plant.

Gumanda na ang bahay, bumango pa ito.

REGULAR NA MAGLINIS NG TAHANAN

Panghuli sa ating tips ay ang regular na pag­lilinis ng buong bahay. Kung malinis nga naman ang ating tahanan, na magiging mabango ito at mawala ang iba’t ibang amoy na hindi maganda sa ilong.

Maraming dahilan kung bakit nagkakaroon ng hindi magandang amoy ang isang tahanan o silid.

Pero sa kabila ng mga dahilang iyan, samu’t sari rin ang pa­raan na maaari nating gawin upang maging mabango ang ating tahanan. Kaya naman, subukan na ang mga simpleng nakalista sa itaas nang ikaw mismo ang makadis­kubre ng pagbabago.

(photos mula sa reshome, ameradnan, homeguides.sfgate, purpleroomdesign)

Comments are closed.