TIPS PARA MAWALA ANG STRESS

STRESS FREE-3

(NI NENET L. VILLAFANIA)

ARAW-ARAW ay nakararanas tayo ng stress. Hindi maganda sa kalusugan ang stress. At para mawala ang nadaramang stress, narito ang ilang tips na puwedeng gawin:

MAGTAKDA NG MAKATOTOHANANG GOAL

Kung mayroon kang goal, gawin mo naman itong reachable. Bakit mo naman ihahanda ang sarili mo sa pagkabigo sa simula pa lang?

Halimbawa dito ay ang pamangkin kong 120 kilos ang bigat. Dapat ay 70-75 kilos lang ang bigat niya, pero dahil obese nga, ayon, nagda-diet. Pero siyempre, hindi niya dapat asahang 10 kilos agad ang mawawala sa loob ng isang buwan. Mas praktikal at mas kapani-paniwalang 1-3 kilos lang bawat buwan ang ipapayat niya, at hindi agad ito makikita.

Aba, ilang taon din niyang inipon ang taba niya, kaya hindi ito basta-basta mawawala ng ilang buwan lang.

In other words, malamang na more than one year bago niya tuluyang makuha ang gusto niyang timbang, kung tuloy-tuloy ang diet at exercise.

MAGLAAN NG ISANG “MY DAY”

Ano ba naman ‘yung once a month na sarili mo lang ang iniisip mo! Isang araw lang! ‘Yung 29 days, naibigay mo na sa kanilang lahat – trabaho, pamilya, kaibigan, at kung ano-ano pa. Isang araw lang sa isang buwan ang ilalaan mo sa sarili mo para sumaya.

Ilang oras kang nagtatrabaho sa isang araw, tapos, maglalaba ka pa at mamamalantsa pag-uwi sa bahay. Tutulong ka pa sa assignments ng anak mo, sesermunan mo pa ang asawa mo. May problema pa pala sa kapitbahay!

Naku, nakalimutang magbayad ng koryente at tubig. Juice kuh poh, ang internet, wala nang load, at nagtatampo pa si nanay dahil may hinihingi pala sa ’yo, nakalimutan mong ibigay.

Siguro naman, okay lang na pasayahin mo isang araw ang iyong sarili sa kahit anong paraan.

GUMAMIT NG PABANGO

Sa maniwala kayo o hindi, nakaaalis ng stress ang aroma-therapy. Isa kasi sa mga hobby ko ang gumawa ng pabango kaya nasubukan ko na.

Ligo ka lang ng medyo matagal, mga 30 minutes para maalis lahat ng libag. Mas matagal, mas maganda. Kung may tub kayo, magbabad ka sa tub. Tapos, magpabango ka. Iba ang feeling. Nagkakaroon ka ng tiwala sa sarili o nadadagdagan ito.

KAPAG NAGALIT KA, ‘WAG KA MUNANG MAGDESISYON

Huminga ka ng malalim at magbilang ng sampu bago magsabi o gumawa ng anuman. Kung kulang ang sampu, magbilang ka kahit isang milyon, basta ‘wag kang magpapasiya ng galit ka. Kung kinakaila­ngang mag-walkout, mag-walkout ka. Bigyang-daan ang sarili upang mu­ling suriin ang sit-wasyon bago magdesisyon upang walang pagsisihan sa bandang huli.

Kadalasan kasi, nakagagawa tayo ng mga bagay na pagsisisihan natin.

MAG-RELAX

Kapag pagod na pagod na ang isip mo, huminga ka ng malalim. Unti-unting palabasin ang hangin sa iyong katawan kasama ang stress.

Hayaang ma-relax ang iyong sarili mula ulo hanggang paa.

PAG-ISIPAN ANG SOLUSYON SA MGA PROBLEMA

Magmuni-muni. Tanggapin ang mga suhestiyon ng ibang tao, ngunit siguruhin mong ikaw pa rin ang magpapasiya sa bandang huli.

Alalahanin mong buhay mo ang nakataya rito. Marami silang nasasabi dahil hindi sila ang nasa sitwasyon mo. Isipin mo ang sarili mo at ang ngayon – hindi ang kahapon o bukas.

Tapos na ang kahapon at wala ka nang magagawa para baguhin ito. Ang bukas naman, ni hindi mo nga alam kung buhay ka pa!

Ngayon lang ang mayroon ka, kaya doon ka mag-concentrate.

TUMAWA KA

Ay, hindi naman po ‘yung tawang baliw. Ma­rami namang paraan para matawa ka. Manood ka ng comedy, makipagkuwentuhan sa friends, magbasa ng jokes. Believe me, ma­kabubuti ito sa ’yo. Sabi nga nila, “laughter is the best medicine.”

Sana naman po ay may nakuha kayong pointers kahit paano para mawala ang inyong stress. Mas sasaya kayo at gagaan ang buhay kung wala kayong dinadala. (photos mula sa qu.edu.qa, depositphotos.com at huffpost)

Comments are closed.