TIPS PARA TUMATAG ANG SAMAHAN NG MAGULANG AT ANAK

Pamilya

BAWAT magulang, walang ibang hinahangad kundi ang mapabuti ang kanilang mga anak. Kaya tuloy kung minsan, nakagagawa na ito ng mga bagay na medyo hindi ikinatutuwa ng kanilang anak. Halimbawa na lang ay ang ginagawang paghihigpit ng magulang sa anak. Oo, natural sa magulang na higpitan ang mga anak dahil nga ayaw nilang mapahamak ito. Pero dahil din sa paghihigpit na iyon, kung minsan ay sumasama ang loob ng isang anak. Kung minsan din, nagiging daan iyon upang lumayo ang loob nila sa kanilang magulang.

Sa bawat pagdaan nga naman ng panahon, nagbabago rin ang samahan ng magulang at anak. Kumbaga, sa mga panahong maliit pa sila ay nakadepende sila sa kanilang magulang.

Ngunit habang tumatanda o nagkakaisip, nariyang lumalayo na sila. Nariyang mas pi­nipili nilang makasama ang kanilang mga kaibigan kaysa sa kanilang magulang.

Pero may ilan din namang habang nagkakaroon ng edad ang mga anak ay mas lalo itong napalalapit sa kanilang magulang.

Ganoon naman talaga ang buhay. Hindi naman natin puwedeng pilitin ang ating anak sa mga gusto natin. Hindi rin naman tamang nakadepende sila sa atin habambuhay.

Siyempre, mas mainam iyong matuto silang tumayo sa kanilang mga paa. Matuto silang magdesisyon para sa sarili nila.

Pero hindi porke’t nagbabago ang ating mga anak o lumalayo sila sa atin sa kanilang pagtanda o pagkakaroon ng edad ay hahayaan na natin sila.

Oo nga’t may mga anak na naiinis kapag pinakikialaman o pinagsasabihan ng magulang. Pero bilang magulang, dapat pa rin nating siguraduhing matatag ang relasyon natin sa ating mga anak. Kailangang gumawa tayo ng paraan upang hindi lumayo ang loob nila sa atin.

At para mapatatag ang relasyon sa pagitan ng magulang at anak, narito ang simpleng pa­raan na maaaring subukan:

PAKINGGAN ANG MGA ANAK

Hindi porke’t tayo ang magulang, tayo lang ang dapat na pinakikinggan.

Oo, may ilang magulang na ipinamumukha sa kanilang mga anak na magulang sila. Na sila ang dapat na nasusunod. Na batas ang salita nila.

Ngunit para sa akin, kung ano mang karapatan ang mayroon tayo ay ganoon din ang ating mga anak.

Kumbaga, kung may karapatan tayong magsalita ay mayroon din silang karapatang gawin iyon. At kung dapat nila tayong pakinggan, dapat din natin silang pakinggan.

Hindi puro sarili ang dapat na iniisip natin kundi maging ang kapakanan ng ating mga anak.

Kaya naman, matuto tayong pakinggan sila—mali man o tama ang kanilang nagawa o ginagawa.

ISAALANG-ALANG ANG KANILANG NARARAMDAMAN

Bukod sa pakikinig sa ating mga anak, importante ring isinasa­­a­lang-alang natin ang kanilang nararamdaman.

Okay, iba-iba ang klase ng tao o magulang sa mundo. Iba-ibang ugali mayroon ang bawat magulang.

Maaaring ang ginagawa ng isa ay hindi sinasang-ayunan ng ibang magulang.

May ilan ding magulang na pakialamera. May ilan na basta’t gusto nila, ipinipilit nila nang hindi man lang iniisip ang mararamdaman o saloobin ng kanilang anak.

Huwag ganoon. Hindi naman tamang sarili lang natin ang iniisip natin, isaalang-alang naman natin ang mararamdaman ng ating mga anak.

Kasi kung hindi natin iisipin ang nararam­daman nila, malamang ay iyan pa ang maging dahilan para lumayo o malamatan ang inyong samahan.

Mahirap pa naman iyong nagkakalamat ang relasyon ng magulang at anak dahil tila salamin itong nabasag na hindi agad-agad maibabalik.

IPARAMDAM SA ANAK ANG PAGMAMAHAL MO SA KANILA

May mga magulang na talagang ipinadarama o sinasabi sa anak na mahal nila ito. Na kahit na anong mangyari ay hindi magbabago ang pag-mamahal nila rito. May iba rin namang magulang na hindi sanay na magsabi ng “mahal kita”. Basta’t naibibigay nila ang pangangaila­ngan ng kanilang mga anak, akala nila ay okay na iyon o sapat na.

May ibang magulang din na nahihiyang magsabi sa kanilang anak na mahal nila ito.

Sa totoo lang, importanteng naipadarama natin sa araw-araw ang pagmamahal natin sa ating mga anak.

Ang simpleng pagsasabing “mahal mo sila” ay malaking tulong upang tumibay ang inyong samahan bilang magulang at anak.

MATUTONG MAGTIWALA SA ANAK

May ilang magulang na walang tiwala sa kanilang mga anak. Kapag nagpaalam na lalabas at sinabi kung sino ang mga kasama, palaging pinagdududahan.

Kung minsan nga, pinasusundan pa para lang makasiguro na nagsasabi nga ito ng totoo.

Siguro, may mga anak na nagsisinunga­ling. Pero may dahilan kung bakit nila ito ginagawa. Puwede rin ka­sing dahil sa pagi­ging mahigpit ng magulang kaya’t napipilitan silang magsinungaling. Para payagan sila at hindi sila higpitan.

Gayunpaman, pagkatiwalaan natin sila. Matuto tayong pagkatiwalaan ang ating mga anak sa kung anumang desisyong pinili o ginawa nila.

Minsan, hindi tayo sumasang-ayon sa desisyon o daang tinahak nila. Pero ano’t ano pa man ang piliin nila, matuto tayong pagkatiwalaan sila. Kung madapa man o magkamali man sila, at least matututo silang bumangon. Tatatag sila dahil sa pagkakamaling iyon.

MAKIPAG-BONDING KAHIT NA ABALA

Huwag din nating kaliligtaang maglaan ng panahon sa ating mga anak gaano man tayo kaabala.

Mainam ang pakikipaglaro sa kanila para mas mapalapit ang loob nila sa atin.

HUWAG PANGUNAHAN SA PAGDEDESISYON

Sakit na talaga yata ng ilang magulang ang pangunahan sa pagde­desisyon ang mga anak.

May mga kakilala akong magulang na puro gusto nila ang nasusunod.

Dahil gusto nila, dapat iyon ang masunod sabihin mang ayaw ng kanilang anak.

Kung buhay o para sa kaligayahan ng ating mga anak, hayaan natin sila ang magdesisyon. Kasi sila lang naman ang makaaalam kung ano ang makapagpapaligaya sa kanila.

IMBITAHIN AT KILALANIN  ANG MGA KAIBIGAN NG ANAK

Makatutulong din ang pag-iimbita sa mga kaibigan ng anak upang lalong tumibay ang relasyon ng magulang at anak.

Sa ganitong paraan din ay makikilala mo ang mga taong malapit sa iyong anak.

IPARAMDAM SA ANAK NA PUWEDE KA NILANG LAPITAN

Importante ring naipararamdam natin sa ating mga anak na sa ano mang panahon ay puwede nila tayong lapitan. Ano man ang kinahaharap nilang problema.

Hindi lang tayo dapat na maging magulang ng ating mga anak, makabubuti rin kung kaibigan nila tayo nang hindi sila magdalawang isip na lumapit sa atin, sa panahong may mabigat silang dinadala sa kanilang dibdib.

Iba-iba ang paraan ng bawat magulang kung paano patitibayin ang relasyon nila sa kanilang mga anak.

Ang mga nabanggit sa itaas ay ilan lamang sa maaaring makatulong.

(photos mula sa thriveglobal.com, waystonemediation.com, parenting.firstcry.com, parentingni.org). CT SARIGUMBA

Comments are closed.