BILANG estudyante, marami tayong obligasyon—hindi lamang sa pag-aaral kundi sa ating mga sarili. Kailangang alagaan natin ang sarili lalo na kung malayo tayo sa pamilya.
Hindi lang din basta aral ang kailangang atupagin ng isang estudyante, kundi marami kang kailangang gawin o matutunan. Kaliwa’t kanan ang projects, may mga masusungit ang professor, maraming mga bad influence na nakapaligid sa ‘yo, mahirap ang exams, hindi matapos-tapos ang stress at marami pang iba.
Kaya naman narito ang ilang tips na puwedeng subukan ng mga college student para maka-survive:
MATUTONG MAG-BUDGET
Importanteng matutunan ng bawat estudyante ang tamang pagba-budget. Kumbaga, hindi puwedeng binibili ang lahat ng gusto mong bilhin. Bilhin lang ang mga kakailanganin o gagamitin. Maging matipid at magtabi ng pera nang mayroong magamit sa mga panahong mangangailangan ka.
HUWAG MAG-SKIP NG MEAL
Sa kaabalahan o pagmamadali, kung minsan ay hindi na nagkakaroon ng panahong kumain ang isang estudyante. Hindi nga naman bago ang ganitong scenario. Ngunit masama ang pag-skip ng meal, lalong-lalo na ng agahan. Ang naturang meal pa naman ang magbibigay sa atin ng lakas upang makayanan natin ang buong araw na mga obligasyon sa eskuwelahan.
Kaya naman, sikaping nakakakain ng tama. Kung walang panahong magluto, bumili ng cereal o kaya naman prutas nang may maipanlaman sa tiyan bago magtungo sa eskuwelahan. Importanteng may energy nang makapag-concentrate sa klase.
Piliin din ang mga healthy food nang hindi kaagad dapuan ng sakit.
HUWAG MATAKOT HUMINGI NG TULONG KUNG KINAKAILANGAN
Kung may kailangan din o hindi maintindihan sa leksiyon, humingi ng tulong. Hindi masama ang paghingi ng tulong sa pamilya o malalapit na kaibigan. Kaysa nga naman ang mahirapan, mas mainam na ang paghingi ng tulong nang masolusyunan o maayos ang kinahaharap na problema sa pag-aaral.
IWASAN ANG PAGPUPUYAT O PAGLABAS-LABAS KUNG GABI
Kapag college na nga naman, feeling ng marami ay free na sila at puwedeng-puwede na nilang gawin ang mga gusto nila. Halimbawa na nga ang paglabas-labas kahit na gabi kasama ang mga kaibigan o kaklase.
Alam naman nating kapag college na, hindi maiwasan ang paglabas-labas at ang pag-inom-inom. Kumbaga, lumalabas-labas para makapagsaya at maibsan ang stress na nadarama sa pag-aaral.
Kung iinom man ng mga nakalalasing na inumin, pumili lang ng isang klaseng inumin at huwag maghahalo. Alamin din ang hangganan at huwag iinom ng sobra.
Iwasan din ang pag-uwi ng gabi.
MATULOG NG 7-9 HOURS
Ugali ng mga estudyante ngayon ang magpuyat lalo na kapag may mga projects, thesis at mga gawain na dapat tapusin bago ang deadline. Hindi makakatulong ang pagpupuyat lalo na sa mga estudyante dahil ang pagtulog ang nagbibigay ng full energy para makapag-focus sa mga lessons at para hindi antukin habang nagtuturo ang professor.
MAGING MAPAGPASENSIYA AT MAHINAHON
Marami tayong makikilalang pasaway na tao. Puwedeng classmates o housemates. Gayunpaman, hangga’t kayang magpasensiya ay subukang magpasensiya.
Makatutulong din ang pakikipag-usap ng maayos upang maipaalam mo sa tao na may nagagawa siyang mali o hindi maganda. Maging mahinahon din sa pakikipag-usap. Huwag na huwag magtataas ng boses. Pag-isipan din muna ang mga sasabihin bago magsalita.
Kapag galit o naiinis pa naman tayo ay kung ano-ano ang sinasabi natin. Kaya para maiwasang makapagsalita ng hindi maganda, pag-isipan muna ang mga sasabihin bago ito bitawan.
MAGLAAN NG PANAHONG MAG-EHERSISYO
Okay, busy nga at maraming ginagawa o inaaral. Pero hindi ito dahilan para kaligtaan ang pag-eehersisyo. Tandaan natin ang benepisyo ng pag-eehersisyo.
Hindi rin naman porke’t sinabing mag-ehersisyo ay magtutungo ka na sa gym. Mainam at makatutulong na ang simpleng paglalakad. Kaya kung malapit lang ang pupuntahan, maglakad na lang. Nakatipid ka na nga naman, nakapag-exercise ka pa. Magiging healthy pa ang katawan mo.
MAG-RELAX AT MAGSAYA
Importante rin ang paglalaan ng panahon sa sarili. Hindi naman puwedeng puro aral lang ang ating gagawin. Siyempre, kailangan din ng pahinga at pagsasaya.
Kumbaga, importante ring nababalanse natin ang mga bagay-bagay sa buhay natin nang hindi tayo mahirapan.
Kaya maglaan ng panahong magpahinga at magsaya. Panatilihin din ang positibong pananaw.
Mahirap nga naman ang buhay-estudyante. Kaliwa’t kanang problema at pagsubok din kasi ang maaaari nating makaharap. Pero lahat nga naman ng bagay ay may dahilan. Lahat din ng bagay ay may solusyon.
Huwag matakot sa mga pagsubok at problema. Dahil ang mga pagsubok at problemang kinahaharap mo ay siya ring nagpapatibay sa atin bilang tao. Higit sa lahat, magtiwala sa Diyos at sa sarili. (photos mula sa modelawer.com, icenimagazine.co.uk)