(Ni CT SARIGUMBA)
MAHILIG tayong kumain at magluto. Pero dumarating din ang panahon at pagkakataong dahil sa kaabalahan, hindi natin magawang mag-luto para sa buong pamilya. Minsan tuloy, nauuwi tayo sa takeout o pagpapa-deliver.
Hindi nga naman maitatangging abalang-abala ang marami sa atin. At sa walang gaanong panahong magluto, narito ang ilang tips na puwedeng subukan nang may mapagsaluhan ang pamilya:
SIGURADUHING MAY LAMAN ANG PANTRY
Unang-una, kailangang may laman o mayroong naka-stock na pagkain sa pantry. Kaya sa pamimili o paggo-grocery, siguraduhing may dalang listahan nang mabili ang mga kailangang bilhin.
Ilan sa mga basic na dapat nasa pantry ay ang pasta at noodles, canned items gaya ng mga beans at fish, ready-made na soup, nuts, herbs at spices .
Siguraduhin ding healthy ang mga bibilhin nang mapanatiling malusog ang kabuuan ng buong pamilya.
PAG-ISIPAN ANG MGA IHAHANDANG PAGKAIN AT MAMILI
Mas mapadadali rin ang lahat, lalong-lalo na ang pagluluto kung may listahan ka na ng mga ihahanda sa buong pamilya.
Maraming simpleng pagkain ang puwedeng ihanda na masarap at healthy.
Kaya, ugaliing maglista ng mga ihahanda sa pamilya sa buong linggo at mamili na ng mga ito.
Nakatatagal din kasi sa pagluluto ang pag-iisip ng lulutuin. At kung mayroon kang listahan at handa na ang lahat ng mga sangkap, hindi ka na gugugol ng matagal na oras sa pagluluto.
BUMILI NG GULAY AT PRUTAS
Importante rin ang pagbili at pagpapanatiling may available na gulay at prutas sa kusina. Unang-una, healthy ang mga ito. Kung tinatamad ka ring magluto, puwede kayong kumain ng prutas. Samantalang mabilis din namang maluto ang gulay.
Maaari rin namang i-chop na ang gulay at prutas at ilagay ito sa maayos na container o storage bags para kapag kailangan, ready na kaagad at hindi ka na mahihirapan pa sa paghahanda.
Puwede ring i-roast ang vegetables.
MAG-STOCK NG ITLOG
Isa rin ang itlog sa napakadaling lutuin. Swak na swak itong ihanda sa agahan.
Ngunit hindi lamang swak ihanda sa agahan ang itlog, dahil kahit na anong oras ay swak na swak itong kainin—merienda man, tanghalian o hapun-an.
Bukod sa iba’t ibang luto ng itlog, mainam din itong isama sa salad at pasta sauce.
DAMIHAN ANG ILULUTO
Kung hindi naman madaling masira ang pagkaing iluluto, puwedeng damihan ang pagluluto nang kumasya sa buong araw.
Oo nga’t wala tayong gaanong panahong magluto. Kaya’t kung daramihan natin ang pagluluto at kakasya ito sa pagkain sa buong araw, mas maka-titipid ka ng oras at panahon.
MAG-ISIP NG ONE-POT MEALS
Isa sa nakatatagal sa pagluluto ay ang pagbabalat ng mga sangkap at paghihiwa. Nakatatamad din ang maghugas ng mga pinaglutuan.
Kung walang gaanong panahon sa kusina, mainam ang pagluluto ng mga one-pot meals gaya ng pasta, noodles at porridge. Simple nga lang lutuin, wala ka pang gaanong hihiwain at higit sa lahat, kakaunti lang ang huhugasan mong kasangkapan.
Masyadong mabilis na ang mga bagay-bagay. Humahabol din tayo sa mabilis na paglakdaw ng panahon.
Kung babagal-bagal nga naman tayo, mapag-iiwanan tayo.
Pagdating din sa paghahanda ng pagkain, kadalasan ay gusto nating mabilis itong maluto nang magampanan pa natin ang iba nating responsibilidad sa pamilya, sarili at trabaho.
Sabihin mang wala tayong gaanong panahon sa kusina dahil sa kaliwa’t kanang mga kailangang tapusin at responsibilidad, may magagawa pa rin tayo upang makapaghanda ng masarap at healthy sa ating pamilya. Mag-isip lang at mag-research. (photos mula sa samrudhiglobal.website, thes-pruceeats.com at tasteofhome.com)
Comments are closed.