MAY mga umaalis. Mayroon din namang dumarating. Nakalulungkot man ang pag-alis o pagre-resign ng isang empleyado ngunit kung para naman ito sa kanyang kinabukasan, kailangan nating tanggapin. At gaya ng pagtanggap sa pag-alis ng isang kasamahan, kailangan din nating tanggapin ang magiging kapalit nito.
Sa totoo lang, hindi basta-basta ang pagpasok sa isang kompanya. Para iyang first day sa eskuwelahan na mangangapa ka. Makikiramdam sa mga kasamahan. Kakabahan. Mag-aalangang kausapin sila dahil baka hindi ka pansinin. Nariyan ding kakabahan ka dahil hindi ka sure kung magugustuhan ka ba nila o hindi. Mag-iisip kung magiging kasundo mo ba sila o kaalitan.
Alam naman nating hindi lahat ng magkakatrabaho ay magkapalagayan ng loob. May kanya-kanya kasing ugali ang isang tao. Kumbaga, magkakaiba ang ugali at kinalakihan kaya’t hindi mo masasabing magki-click agad sila.
May ilan ngang ang bait-bait tingnan pero kapag nakatalikod ka naman, kung ano-anong paninira ang ginagawa sa iyo. May klase naman ng empleyadong akala mo laging galit at deretso magsalita pero sa panahon ng pangangailangan, sila pala iyong malalapitan mo at makaiintindi sa kanila.
Bawat empleyado ay may kanya-kanyang ugali at pagtingin sa mga bagay-bagay. Nangangahulugan lamang iyan na hindi lahat ng mga empleyadong magkakasama sa iisang opisina ay maganda ang samahan. Mayroong matatawag o masasabi nating magkaibigan talaga ang turingan dahil sa tagal na rin ng pinagsamahan. Mayroon namang civil lang o propesyunal na nag-uusap lang kapag tungkol sa trabaho.
Sadyang hindi madaling makisama sa mga magiging katrabaho. Hindi rin basta-basta nakukuha ang loob nila. Iyon ngang matagal nang magkakasama, nagkakasamaan pa ng loob, paano pa kung bagong salta ka?
Kaya narito ang ilang tips na puwedeng gawin ng mga bagong empleyado nang makuha ang loob ng mga kasamahan sa trabaho:
MAG-RESEARCH BAGO ANG FIRST DAY SA TRABAHO
Excited ang marami sa pagkakaroon ng trabaho. Pero sa kabila ng katuwaan, hindi pa rin mawawala ang kabang nararamdaman. Gayunpaman, bago ang unang araw sa trabaho, mag-research na muna tungkol sa kompanyang papasukan at maging sa klase ng trabahong gagawin. Maaari ring mag-research tungkol sa mga magiging katrabaho.
Sa panahon ngayon, maraming paraan upang malaman o makilala kahit na papaano ang mga magiging kasamahan, gayundin ang kompanyang papasukan.
Kailangan ding bago ka pumasok sa kompanyang iyong pagtatrabahuan, may alam ka na para hindi ka na mangangapa o mahihirapan. Mas madali rin ang pag-a-adjust kung mayroon kang ideya sa trabahong iyong gagawin at sa mga posibleng ugali ng iyong makakatrabaho.
MAGING POSITIBO AT MAGPAKATOTOO
Isa sa kailangang baunin natin sa unang araw ng ating pagtatrabaho ay ang pagiging positibo. Hindi naman mawawala ang pag-aalala na baka hindi ka magustuhan ng mga kasamahan mo sa trabaho. Puwede ring tarayan ka nila. Pahirapan. At ang masaklap pa, daan-daanan. Hindi mo masasabi ang trip ng magiging katrabaho mo.
Pero sa kabila ng mga isiping ito, maging positibo pa rin sa mga bagay-bagay. Sabihin mang hindi ka pansinin ng magiging katrabaho mo, huwag kang magpaapekto. Tandaang hindi naman agad-agad nakukuha ang tiwala o pagtingin ng isang tao.
Magpakatotoo ka lang din.
IRESPETO ANG MGA KASAMAHAN SA TRABAHO
Sa totoo lang, may mga taong kapag mayroong bagong pasok, pinahihirapan. Pinagagawa ng kung ano-ano. Minsan pa nga, ipinahahamak.
Hindi naman talaga maiiwasan ang ganito. Nangyayari naman talaga ito sa isang opisina. Hindi rin naman kasi perpekto ang lahat ng opisina kaya’t may mga bagay na nangyayari kahit na ayaw mo.
Gayunpaman, mangyari man ang ganitong mga bagay, irespeto mo pa rin ang mga kasamahan mo. Hindi naman porke’t irere-speto mo sila ay magpapaapi ka na. O hahayaan mo silang kawawain ka at tapak-tapakan.
Respetuhin mo sila pero huwag kang magpapatapak. May paraan para maitaas mo ang iyong sarili. Ipakita mo ring mali ang ginagawa nila.
MAG-OFFER NG TULONG KUNG KINAKAILANGAN
Isa rin sa paraan upang makuha ang loob ng mga kasamahan ay ang paghahandog ng tulong sa mga ito. Kung kaya mo namang tumulong, mag-offer ka.
Pero may dalawang iniisip kaagad ang isang tao kapag naghandog ka ng tulong: Una, matutuwa iyan dahil nag-alok ka ng tulong at iisiping matulungin ka. Ang ikalawa naman, tataasan ka ng kilay ng palihim at iisiping pabida ka. Nagmamagaling.
Sabihin mang maganda ang intensiyon sa pag-aalok ng tulong, hindi pa rin maiiwasan ang ilan sa pag-iisip ng negatibo. Gayunpaman, ano pa man ang sabihin ng ilan, mag-offer ka pa rin ng tulong ng bukal sa iyong loob. Kung anuman ang isipin nila, problema na nila iyon. Basta’t ikaw, ginagawa mo lang ang sa tingin mo ay makabubuti.
Hindi madali ang makuha ang loob ng isang tao. May ilan ngang matagal nang magkaibigan pero nagkakasiraan pa. Kaya naman, kapag nakuha mo na ang loob ng isang tao o kasamahan mo sa trabaho, tiyaking hindi ito masisira. Dahil kapag nasira na iyan, hinding-hindi na maibabalik pa. O kung maibalik man, hindi na kagaya ng dati. May pagbabago na. CT SARIGUMBA
Comments are closed.