ANG pagnenegosyo ay hindi madaling paraan para makapag-umpisa. Maliit man o malaking negosyo ang itatayo ay laging may kaakibat na responsibilidad.
Sa pagtatayo ng negosyo, sa simula pa lang ay kailangang planuhin na ang goal sa itatayong mapagkakakitaan, magkano ang budget na ilalaan, at kung sino ang mga tinatarget mong kostumer.
Ang pagnenegosyo rin ay pag-i-invest hindi lamang ng oras mo kundi kasama na rin ang effort at strategy. Ito ay pakikipagsapalaran, hindi mo masasabing lalago ito, malulugi o babagsak.
Marami ang gustong magtayo ng sariling negosyo. Kaya narito ang ilang tips sa mga bagong negosyante:
MAKATOTOHANANG PLANO SA SISIMULANG NEGOSYO
Umpisa pa lamang ay kailangan mo na ng makatotohanang plano para sa iyong negosyo. At ito ay matutuloy lamang kapag ikaw ay may pera na puwedeng ilaan sa unang taon nito.
Ang plano o bugdeting plan ang magiging guide para maayos at madokumento ang lahat ng nilalabas na pera.
Isa rin sa isipin mo ay ang goal ng iyong negosyo. Alamin ang mga puwedeng maidagdag na pamamaraan o produkto para lumago ang negosyo at kung ano ang realistic na goal mo limang taon mula ngayon.
ILISTA ANG MGA INILALABAS AT IPINAPASOK NA PERA
Laging ilista lahat ng mga inilalabas at ipinapasok na pera. Maliit na bagay man ito ay kinakailangan na nakalista.
Huwag din matakot na maglabas ng pera na alam mong kaya mo namang paikutin at maibalik sa mas malaking halaga.
Matuto rin na ibalik ang iyong inutang na pera na ginamit na pampuhunan.
MAGHANAP NG MURANG SUPPLIER
Maghanap ng iyong suki at supplier. Mas makamumura kapag kumuha ng bulk supplies at mura ring supplier.
Kailangan din na mayroon kang business partner para tumulong sa iyo sa mga kailangang gawin para lumago ang inyong negosyo.
Mas madali rin kasi kung mayroon kang partner para may karamay ka sa pagnenegosyo.
MAGING HANDA SA MGA HINDI INAASAHANG SITWASYON
Laging maging handa sa mga hindi inaasahang sitwasyon. Marami ang puwedeng mangyari lalo na sa larangan ng pagnenegosyo.
Maging positibo sa lahat ng oras. Magtiwala lamang din sa mga mapagkakatiwalaang tao.
HUMINGI NG ADVICE
Ang paghingi rin ng advice sa mga kakilala at kaibigan ay makatutulong upang gumanda at maging successful ang itatayong negosyo.
Kaya naman, kung may mga kaibigan, kakilala o kamag-anak kang may alam sa negosyo, humingi ng payo.
Higit sa lahat, pakinggan ang advice ng marami lalo na ng mga customer.
ISULAT ANG MGA NATUTUNAN SA ARAW-ARAW
Siguradong sa araw-araw ay mayroon tayong matututunang panibagong kaalaman sa kung panao natin palalaguin ang ating negosyo.
Para hindi makaligtaan o makalimutan, makatutulong ang pagsusulat ng mga natutunan sa araw-araw.
KUMAIN NG MASUSTANSIYANG PAGKAIN
Ang pagkain din ng masusustansiyang pagkain ay isang susi sa paglago ng isang negosyo. Kung healthy o malusog ang iyong pangangatawan at isipan, marami kang maiisip na magagandang bagay na magiging daan sa iyong paglago.
Kumain ng masustansiya at iwasan ang mga pagkaing nakasasama sa kalusugan.
HUWAG SUSUKO SA MGA PAGSUBOK
Lahat ng negosyante ay nakararanas ng problema at pagsubok sa negosyo, gayundin sa personal nilang buhay. Madalas, kapag may problema tayo sa bahay o pamilya ay naaapektuhan nito kung paano natin pinatatakbo ang ating negosyo.
Huwag padadala sa mga pagsubok at problema—sa personal mang buhay o sa negosyo. Huwag na huwag susuko. Makatutulong ang pag-iisip ng solusyon kaysa sa ang pagsuko.
MAG-ENJOY SA PAGIGING NEGOSYANTE
Mahalaga ring na-e-enjoy natin ang ating ginagawa. Habang na-e-enjoy natin ito ay mas lalo lamang nating nahahawakan ang tagumpay.
Kaya dapat na mag-enjoy ka sa iyong ginagawa. At para ma-enjoy mo ito, siguradong sa simula pa lang ng pagtatayo ng negosyo, gusto mo na ito.
Walang kasing sarap ang magtayo ng sariling negosyo. Pero tandaan natin, ano mang negosyo ang itatayo natin, malaki man iyan o maliit ay may kaakibat na responsibilidad. Maging masipag lang din at matiyaga nang masumpungan ang inaaasam-asam na tagumpay. Huwag ding kalilimutang magdasal at magpasalamat sa Diyos. (photos mula sa achatwithpam.org, michaeltasner.com, alimayar.com)
Comments are closed.