MAHILIG sa adventure ang marami sa atin. Bukod sa pagsu-swimming, ilan pa sa activity na pinipili ng maraming magkakaibigan at magkakapamilya ang camping at hiking.
Nakatutuwa nga namang gawin ang mga nasabing activity lalo pa’t napakaraming benepisyong naidudulot nito sa katawan at isipan. Nagpapataas ito ng happiness level at curbs depression dahil nakapagpapa-relax ito ng katawan at nakapagpapa-refresh ng isipan.
Kaya sa marami riyan na nalulungkot at nakadarama ng pagod—sa trabaho man o sa pakikibaka sa araw-araw, isaalang-alang ang pagka-camping at hiking.
Mainam din ang hiking at camping para maiwasan ang pagkakaroon ng diabetes. Pero kung mayroon nang ganitong sakit, mainam din ang nasabing Gawain dahil pinapababa nito ang insulin level.
Lumabas din sa ilang research na ang paglalaan ng oras at panahon sa labas ay nakapagpapataas ng attention span.
Nagiging daan din ito upang magkaroon tayo ng maraming kaibigan at pagpapatibay ng samahan ng bawat magkakapamilya.
Higit sa lahat, nakatutulong ito upang maibsan ang stress na nadarama.
DAPAT GAWIN BAGO MAG-HIKING AT CAMPING
Nakatutuwa ang mag-camping at hiking. Nagkakaroon nga naman tayo ng bagong adventure. Nasisilayan din natin ang kagandahan ng paligid.
Pero bago mag-hiking at camping, kailangan planuhin ang gagawin nang mabuti. Hindi lamang mga dadalhin ang kailangang isaalang-alang o pagtuunan ng pansin. Importante rin ang lugar na planong puntahan at gaano ito ka-safe.
Bago rin umalis, uminom din muna ng tubig para mapanatiling hydrated ang katawan.
PAGKAIN AT INUMING KAILANGANG BAUNIN
Hindi rin siyempre puwedeng kaligtaan ang mga pagkain at inuming ating dadalhin. Unang-una ay ang tubig. Mahalaga sa pagha-hiking at camping ang mapanatiling hydrated ang katawan. Kaya naman, huwag kaliligtaan ang pagdadala ng maraming tubig.
Mas safe rin kungmagbabaon ng tubig kaysa bibili na lang sa daan. Uminom din ng tubig every two hours.
Hindi naman puwedeng tubig lang ang laman ng tiyan, kaya’t mainam din ang pagdadala ng sandwich. Isa ang sandwich sa mainam baunin kapag magha-hiking at camping. Magdala rin ng dried nuts, energy bars, o granola bars. Maganda rin ang pagbabaon ng ready to eat cereal at mga prutas.
TIPS PARA MAIWASAN ANG HIKING SORENESS
Marami man sa atin ang mahilig maglakad, hindi pa rin maiiwasang ang hiking soreness. At para maiwasan ito, huwag maglalakad ng tuloy-tuloy. Kumbaga, magpahinga at mag-stretch sa pagitan ng mahabang paglalakad.
Huwag ding masyadong bibigatan ang laman ng backpack.
Bukod din sa pagsusuot ng komportableng sapatos, sguraduhin ding may suot na medyas na naaayon sa activity na gagawin.
KAILANGANG ISAALANG-ALANG PARA SA KALIGTASAN
Kailangan ding magdala ng first aid kit nang masiguro ang kaligtasan. Hindi nga naman natin nalalaman ang maaaring mangyari habang nasa labas tayo kaya’t importante na mayroon kayong first aid kit.
Para rin mayroong mapaglagyan ng basura, magdala rin ng plastic.
Magsuot din ng long sleeve shirt, pants at komportableng sapatos nang hindi mahirapan sa paglalakad.
Dahil hindi naman maiiwasan ang sikat ng araw, maglagay ng sun screen. Magdala rin ng insect repellent nang hindi dumugin ng insekto.
Higit sa lahat, alamin ang inyong limitasyon. Huwag ding magha-hiking at camping nang mag-isa dahil hindi ito advisable. Mas safe rin at masaya kung marami kayo.
Wala nga namang kasing sarap ang mag-explore dahil napakarami nating natututunan.
Gayunpaman, importante na maging handa tayo nang malubos ang ating kaligayahan at lubayan tayo ng kapahamakan.