TIPS SA MGA SENIOR TRAVELLER

SENIOR TRAVELLER

(Ni CT SARIGUMBA)

HINDI lang naman bagets ang mahilig mag-travel, gayundin ang mga senior citizen. Hindi nga naman pawang pagtatrabaho ang ginagawa natin kundi nag-iipon tayo nang sa pagtanda ay mayroong magamit sa pagliliwaliw.

Kung tutuusin nga naman, mas mainam ang magliwaliw o maglakbay habang bata pa. Ngunit marami sa atin ang inuuna na muna ang pagtatrabaho at pag-iipon para sa kinabukasan ng kanilang pamilya. At nang mapag-aral na ang mga anak, makapagtapos at magkaroon na rin ng kani-kanilang trabaho, saka lamang nagkaroon ng panahong magsaya at magawa ang mga gusto nilang gawin.

May iba ring mga anak na matapos na maitaguyod ng kanilang magulang at nang makapagtrabaho ay pinasasaya ang kanilang mga magulang sa pa-mamagitan ng pagbibigay ng pagkakataon sa mga itong makarating sa ibang lugar.

Lahat nga naman tayo ay iisa ang inaasam-asam sa pagtanda—ang makapag-relax at makarating sa magagandang lugar hindi lamang dito sa bansa gayundin sa mga karatig nito.

Dahil diyan, marami ang nagta-travel kahit na may edad na.

Kung kaya naman ng katawan at pinayagan ng doctor na mag-travel ang isang senior, wala namang problema. Gayunpaman, dahil kailangang mas maging maingat ang mga senior citizen kung magliliwaliw o magtutungo sa ibang lugar, narito ang ilang paraan o tips na dapat na isaalang-alang:

IWASAN ANG PAGDADALA NG MABIBIGAT NA BAGAHE

Siyempre, bago nga naman mag-travel ang isang senior ay kailangan pa nitong kumunsulta sa doctor. At kung pinayagan o wala namang problema para mag-travel, isa sa dapat na iwasan ang pagdadala ng mabigat na bagahe.

Kahit naman sino kung magliliwaliw ay dapat na maging mapili sa dadalhing gamit nang hindi mahirapan.

Madaling mapagod ang senior at maaaring mahirapan itong magbuhat, kaya mainam ang pagdadala ng mga magagaan lamang na klase ng damit. Iwasan din ang pagdadala ng mga hindi kailangang gamit.

Bago rin mag-empake ay gumawa ng listahan ng mga kailangang dalhin na kakailanganin o magagamit.

SIGURADUHING KOMPLETO ANG MGA KAKAILA­NGANING GAMOT

Bukod sa mga gamit, importante ring nasisigurong dala ang lahat ng mga kakaila­nganing gamot na nireseta ng doktor.

Hindi tiyak ang mangyayari sa pagbiyahe. Maaaring magkasakit.

Kaya para sigurado at maging handa, magdala ng mga gamot na kakailanganin. Huwag ding kaliligtaan kung may maintenance medicines.

HUWAG MAG-ALANGANG HUMINGI NG TULONG

Huwag ding mag-alangang humingi ng tulong kung kinakaila­ngan.

Maging maingat lang din sa hihingian ng tulong at siguradu­hing mapagkakatiwalaan ang mga ito.

Maraming pasaway sa mundo na naghihintay lang ng tiyempo na makapanlamang ng kap­wa. Kaya mag-doble ingat nang ‘di maloko.

SIGURADUHING NAKA-CHARGE ANG CELLPHONE

Siguraduhin ding naka-charge ang cellphone at nakasulat doon ang mga emergency number.

Gayundin ang numero ng mga mahal sa buhay na agad-agad na matatawagan sa mga panahon o pagkakataong hindi inaasahan.

MAGING MAI­NGAT SA KAKAININ AT IINUMIN

May ilan na porke’t may edad na, wala nang pakundangan sa pagkain. Dahilan nila, matanda na naman kaya’t mas mabuti ang mag-enjoy kaysa ang pahirapan ang sarili.

Oo nga, mahalagang mag-enjoy ang kahit na sino lalong-lalo na ang senior citizen. Ngunit hindi ibig sabihin nito ay magpapabaya ka na sa iyong sarili.

May mga may edad na ring mabilis na magloko ang tiyan makakain lang ng pagkaing hindi swak sa panlasa. Para hindi magkaproblema o mag-alburoto ang tiyan lalo na sa pamamasyal, ingatan ang mga kakainin. Gayundin ang iinumin.

Kumain lang ng mga pagkain at inuming tiyak na malinis at ligtas.

MAG-ENJOY AT MAG-RELAX

Siyempre, importante rin ang pag-e-enjoy at pagre-relax saan ka man pumunta o nagbakasyon.

Kaya nga tayo nagtutungo sa ibang lugar upang makapag-relax at makapag-enjoy, kaya sulitin ang panahon.

Kalimutan na muna ang mga alalahanin panandali. Ngumiti muna at magsaya.

Walang edad ang pagta-travel basta’t  kaya ng isang tao at wala namang sagabal sa gaga­wing pamamasyal.

Gayunpaman, importante pa ring maging maingat tayo at handa sa pamamasyal—anumang edad mayroon tayo.

Comments are closed.