TIPS SA MGA SOON-TO-BE GRADUATE

GRADUATE-1.jpg

(Ni CT SARIGUMBA)

MATAPOS nga naman ang pagsusunog ng kilay sa pag-aaral, paghahanap naman ng trabaho ang susunod na gagawin ng mga nagsipagtapos.

May ilan na nagpapahinga muna. Ngunit ang iba naman ay pinipili nang maghanap ng trabaho upang makatulong sa pamilya.

Kunsabagay, hindi rin naman madali ang paghahanap ng trabaho lalo na’t napakaraming kakompetensiyang nagkalat sa paligid. Bawat taon nga na-man ay mara­mi ang nagsisipagtapos. Kaya’t marami rin ang naglalaban-laban sa pag­hahanap ng trabaho.

May ilan na sinuwerte. Ang iba naman ay hindi at hanggang sa ngayon ay naghahanap pa rin ng trabaho o mapapasok.

Ngunit hindi lamang kapag naka-graduate na ang isang estudyante saka sila magpupursige o gagawan ng paraan para makakuha kaagad ng trabaho. Kumbaga, habang nag-aaral pa lamang sila ay dapat na may gawin sila na malaki ang maitutulong kapag nakatapos na sila at naghanap ng trabaho.

At sa mga soon-to-be graduate, narito ang ilang tips na kailangang gawin habang nag-aaral pa lamang na malaki ang maitutulong upang makahanap ng trabaho:

NETWORK

Hindi lamang mga negosyante o empleyado ang dapat na nagpapalawak ng network o mga kakilala kundi maging ang mga estudyante.

Maraming estud­yante ang nahihiya at hindi gaanong nakikihalubilo sa iba. Ngunit mahalaga ang pagkakaroon ng network o contact dahil malaki ang maitutulong nito sa panahong makapagtapos ka na ng iyong pag-aaral at sa oras nang paghahanap ng trabaho.

Kaya naman, dapat ay marunong makisama at makihalubilo ang kahit na sinong estudyante.

Ingatan din ang mga taong makikilala dahil maaaring makatulong ito sa inyo sa hinaharap.

Kaya’t habang maaga ay simulan na ang pagpapalawak ng network o connections. May ilan ding mga tao na matutulungan kang mapalawak pa ang iyong kakayahan.

MAGING ACTIVE SA SOCIAL MEDIA

Sa panahon ngayon ay napakahalaga rin ng pagiging active sa social media. Hindi lamang din kasi mga indibidwal o simpleng tao ang makikita o makasasalamuha sa social media kundi maging ang mga negosyante.

Malaki na rin ang naitutulong ng social media at teknolohiya sa paghahanap ng swak na trabaho.

Pero siyempre, ma­ging maingat lang sa paggamit ng social media at higit sa lahat, ga­mitin ito sa tama.

MAG-RESEARCH NG MAAARING APLAYAN

Bago nga naman ang araw ng iyong pagtatapos, mainam din kung naghahanda ka na sa pagsabak mo sa mas malaking mundo—ang paghahanap ng trabaho at ang pagtatrabaho.

Alam naman nating hindi madali ang makahanap ng trabaho. Hindi rin lahat ng trabahong gusto natin ay maaaring makuha.

Gayunpaman, habang maaga ay mas mainam kung magre-research ka ng kompanyang gustong aplayan. Dapat ay may mga ideya ka na kung ano-anong kompanya ang papasukan mo o aaplayan.

Alamin din ang background ng kompanya nang sa pagharap mo sa interview ay may maisasagot ka o may kaalaman ka tungkol sa trabaho o kalakarang iyong planong pasukin.

ALAMIN ANG SARILING KAKAYAHAN

Importante rin si­yem­preng malaman mo kung anong kakayahan ang mayroon ka. O kung anong daan ang gusto mong tahakin sa iyong buhay.

Iba-iba ang pangarap ng bawat tao. Iba-iba rin ang daang ating lalakbayin upang maabot ang pinakaaasam-asam.

Sa puntong ito, suriin ang sarili. Ano ba ang gusto mong maabot sa buhay? Ano ba ang trabahong sa tingin mo ay magiging masaya ka o magagawa mo ng maayos?

Oo nga’t kung minsan o dahil na rin sa hirap sa paghahanap ng trabaho, hindi natin nakukuha ang kung anong gusto natin. May mga pagkakataon ding hindi akma sa kursong tinapos ang nagiging trabaho natin.

Nangyayari naman talaga ang ganoon dahil sobrang hirap na nga naman ang maghanap ng trabaho. Kung anong trabaho ang nandiyan kahit na hindi naman ito related sa ating tinapos, pinapasok natin.

Malaki man ang prosiyento ng mga taong nagtatratrabaho ng malayo o taliwas sa kung anong kurso ang kanilang natapos, mainam pa rin kung susuriin at aalamin mo kung ano talaga ang interes mo sa buhay.

Mula kasi rito ay makapagdedesisyon ka ng mga maaari mong gawin. Maiguguhit mo sa iyong gunita ang mga posibilidad na maaari mong gawin sakali ang pinakasentro ng hilig o gusto mo ay hindi pa nakatakdang magawa o maabot.

HUWAG MAGPADALOS-DALOS SA PAGDEDESISYON

Mataas na kaagad ang tingin sa sarili ng mga nakapagtapos lalo na kung nanguna sila sa kanilang klase o batch.

Wala namang masama ang maging mataas ang tingin sa sarili basta’t huwag lang sumobra.

May ilan kasing wala pa ngang napatutunayan sa mundo, matayog na ang tingin sa sarili at nagiging mapili na sa trabahong papasukin.

May mga paraan upang maabot ang tugatog ng tagumpay.

Ang iba, nagsisi­mula muna sa mababa. May iilan namang, dumederetso na kaagad sa itaas.

Gayunpaman, ano’t ano pa man ang trabahong makuha mo—mataas man ang posisyon o mababa—ipagpasalamat natin ito.

At dahil nagsisimula ka pa lang din sa mas malawak na mundo, huwag magpadalos-dalos sa pagdedesis­yon—mula sa pagiging mapili sa tatanggapin o aaplayang trabaho hanggang sa kung paano ka magtatrabaho.  Demanding kasi ang iba.

May ilan kasing matapos na makahanap ng trabaho at hindi nagustuhan ang opisina o hitsura ng opisina, nagre-resign na kaagad.

May panahon ang pagiging mapili. Pero mas magiging mainam din kung hahayaan muna natin ang ating sariling matuto nang magtuloy-tuloy ang pagtaas natin.

MAGING POSITIBO

Importante rin ang pagiging positibo sa lahat ng mga nangyayari sa paligid. Sabihin man nating maraming kakompetensiya sa paghahanap ng trabaho, kung magtitiyaga tayo ay susuwertehin din.