TIPS SA PAGBILI NG DAMIT SA MGA BATA

DAMIT BATA

(Ni CT SARIGUMBA)

MASARAP bihisan ang mga bata. Cute na cute nga naman kasi silang tingnan lalo na kapag dinamitan natin. May ilan ding mga magulang na ginagawang manika ang anak at binibihisan ng magagandang damit na nakikita nila sa merkado.

Lahat nga rin naman kasi ng klase ng damit na makikita natin sa pamilihan, magaganda at bagay na bagay sa kahit na sinong tsikiting.

Ngunit hindi lamang estilo o ganda ng damit ang dapat na­ting pagtuunan ng pansin sa pagbili nito kundi marami pa gaya ng mga sumusunod:

PAGIGING KOMPOR­TABLE NG DAMIT

Kung damit at damit lang ng mga bata ang pag-uusapan, napakarami nating maaaring pagpilian mula sa dress, pants, skirts, shorts, t-shirts at sleeveless. Kung minsan nga, sa rami ng choices ay tayo na ang nalilito o nahihirapang mamili.

Bilang magulang, gustong-gusto pa naman nating maging maganda ang ating anak sa pani­ngin ng marami.

Masayang-masaya rin tayo kapag napupuri sila lalo na kung maganda ang ipinasuot natin sa kanila.

Gayunpaman, hindi pare-pareho ang mga damit o ang tela ng damit.

Bukod sa pagkakaiba nito sa presyo, hindi rin natin masasabing lahat ng damit ay komportableng suotin.

Kaya kung bibili ng damit para sa bata o anak, unang dapat na isaalang-alang ang pagiging komportable nito.

Walang kuwenta ang ganda ng damit kung hindi naman magiging komportable ang ating anak sa pagsusuot nito.

IWASAN ANG MAKAKATI AT MAIINIT ANG TELA

May mga damit din na kahit na sabihing magandang tingnan, makati at mainit ang tela nito kapag isinuot.

Maiirita lang ang mga bata kung mainit at makati sa katawan ang kanilang damit kaya’t isa ito sa dapat nating iwasan kung maghahanap o bibili ng damit sa bata.

PILIIN ANG MALALAMBOT NA TELA

Kung dapat na iwasan ang mga maiinit at makakati na tela, dapat namang piliin iyong malalambot.

Maginhawa sa pakiramdam ang damit na malalambot ang tela. Puwede mong isaalang-alang ang cotton dahil soft ito at breathable.

IWASAN ANG DESIGNS NA NAKAPAGPAPA-IRRITATE NG SKIN

Isa rin sa kailangang iwasan ay ang mga di­senyo o styles ng damit na nakaiirita sa skin.

May mga bata rin kasing sobrang sensitive ang skin na kapag na­dampi lang ang tela, na­ngangati na kaagad.

Kaya maging alerto sa pamimili. Kilatising mabuti ang produktong pagkakatiwalaan.

SURIING MABUTI ANG DAMIT NA BIBILHIN

Bago rin bumili ng damit, suriin din muna itong mabuti. Tingnan kung maayos ba ang damit at walang sira.

Kahit na kasi sabihin nating bago ang damit, kung minsan ay may tastas ito o kaya naman, sira ang zipper o natanggalan ng butones.  Kailangang i-check muna nating mabuti ang damit at masigurong wala itong kahit na kaun­ting damage o sira bago magpasyang bilhin.

HAYAAN ANG MGA BATANG PUMILI NG GUSTONG DAMIT

Mainam din kung isasama natin ang ating anak sa pagbili ng damit at hayaan natin silang mamili ng gusto nila.

Mas maganda rin kasi iyong nagagawa nang magdesisyon ng isang bata sa kung anong klase o gusto nilang damit. Kumbaga, habang bata pa lang sila ay hayaan na natin silang magdesisyon. O bigyan na natin sila ng pagkakataong pagkatiwalaan ang kanilang sarili pagdating sa pagpili ng gusto nilang damit. Isang paraan din kasi ito upang magkaroon sila ng tiwala sa kanilang sarili.

Sa totoo lang, napakaraming damit ang maaari nating pagpilian sa merkado.  Lagi’t lagi ring may mga lumalabas na bagong design o style na puwede nating isaalang-alang.

Gayunpaman, sabihin man nating napakaraming klase at style ng damit ang maaari nating pagpilian sa merkado, hindi pa rin ganoon kasimple ang mamili. Kaya naman, kung bibili ng damit para sa anak, isaalang-alang ang mga nakalista sa itaas.