TIPS SA PAGDEDEKORASYON NG HOME OFFICE SPACE

HOME AND OFFICE

Ni CT SARIGUMBA

PAGTATRABAHO sa bahay, iyan ang mas pinipili ng marami, lalong-lalo na ng mga millennial sa panahon ngayon. Sa tindi nga naman ng traffic, hindi ka pa nakararating sa office ay pagod ka na. Sa liit lang din ng kinikita, pamasahe pa lang ay halos nauubos na.

Kaya para na rin makatipid sa gastos sa pamasahe, gayundin ang makatakas sa sobrang pagod sa pagbiyahe pa lang, pinipili ng marami sa atin ang mag-work from home.

Marami na rin naman kasi ang mga trabahong basta’t may computer o laptop at internet ka lang, puwede ka nang makahanap ng home-based na trabaho.

Kunsabagay, kung may oportunidad nga namang sa bahay na lang gawin ang trabaho, bakit hindi natin susunggaban.

Less tress na nga naman, makatitipid ka pa dahil nga sa hindi mo na kailangang gumastos pa ng pamasahe. Iyon nga lang, kung minsan ay nakatatamad din ang pagtatrabaho kung sa bahay lamang natin ito ginagawa at hindi tayo nagtutungo sa opisina o lumalabas.

Gayunpaman, para ganahang magtrabaho sa tahanan, narito ang ilan sa mga stylish home office space tips na maaaring subukan:

MAGHANAP NG MAGANDANG ESPASYO SA BAHAY

Marami sa atin na dahil sa bahay lang tinatapos o ginagawa ang trabaho, kahit saang parte ng bahay na maaari nilang puwestuhan ay roon sila nagtatrabaho.

Kung home-based nga lang naman ang trabaho mo, kung minsan ay hindi naman natin inaalala ang lugar kung saan tayo magtatrabaho. Marami rin naman kasi tayong puwedeng pagpiliang lugar gaya ng kuwarto o sala.

Kunsabagay, puwede nga naman kahit saan. Puwede ngang sumalampak ka lang sa isang tabi dala-dala ang laptop at makapagtatrabaho ka na.

Gayunpaman, mas mainam pa rin ang pag-iisip ng espasyo sa bahay na masasabi mong working space mo. Isang espasyong alam mong makapag-iisip ka ng maayos at makapagtatrabaho ka ng walang nang-iistorbo.

Mahalaga rin kasi ang pagkakaroon ng sariling working space dahil kung sa kuwarto ka lang magtatrabaho, tiyak na tatamarin ka.

PUMILI NG KOMPORTABLENG UPUAN AT LAMESA

DEKORASYON-1Mainam din ang pagkakaroon ng sariling upuan at lamesa. Hindi kailangang mamahalin ang ilalagay mong lamesa at upuan sa working space na napili mo, ang importante ay kompor­table ka sa iyong gagamitin.

Kung matagalan din ang iyong trabaho kahit na home-based iyan o online job, importante ang maayos at komportableng upuan at lamesa.

Maging maingat din sa disenyong pipiliin. May mga upuan din ka­sing magandang tingnan pero hindi ka naman komportable.

GUMAMIT NG TABLE LAMPS

Hindi sapat ang pagkakaroon lang ng ilaw sa isang lugar ng iyong pinagtatrabahuan. May ilan na hindi pinagtutuunan ng pansin ang paglalagay ng table lamps. Ngunit importante ang table lamps nang makapagtrabaho at makapag-isip ng maayos ang isang indibiduwal.

Maging maingat din sa pagpili ng klase ng ilaw. May ilang ilaw rin kasing nakaaantok at nakatatamad gaya na lang ng mga tradisyunal na fluorescent office lights.

Mainam ang paglalagay ng table lamps dahil nakapagbibigay ito ng comfort.

GUMAMIT NG SALAMIN PARA MAGING SPACE FILLER

Kung maglalagay rin ng dekorasyon o furniture, hindi rin naman kailangang mamahalin ang gagamitin. At isa sa affordable na magagamit para magkaroon ng dekorasyon ang isang lugar o working space ay ang paggamit ng mirror o salamin.

Nakapagpapaluwag din kasi ng isang lugar ang paglalagay ng mirror kaya’t mainam itong gamitin kung may kaliitan ang iyong home office space.

GAMITING PANDEKORASYON ANG MGA BAGAY NA PABORITO O GUSTO MO

DEKORASYON-2Hindi rin naman puwedeng mawala ang mga bagay na nakapagpapaligaya sa atin. Isa rin ito sa mga bagay na ginagamit nating pampaganda ng isang lugar—home office man iyan o mismong ang ating kuwarto o tahanan.

Bakit pa nga naman natin pahihirapan ang ating sariling mag-isip ng magagandang dekoras­yon kung maaari naman nating magamit ang mga bagay na love na love o paborito natin.

Kaya naman, para na rin makatipid at mas maging malapit sa loob ang espasyong iyong binubuo para maging maayos ang iyong pagtatrabaho, gamitin ang mga bagay na nakapagpapasaya sa iyo bilang dekorasyon.

Makatutulong din ang mga ganitong bagay para ganahan tayong magtrabaho dahil sa ins­pirasyong hatid nito sa atin.

Marami sa atin ang mas pinipiling magha­nap ng online o home-based job. Marami nga rin naman kasing benepisyo ang pagtatrabaho sa bahay lang.

Una na nga riyan, hindi ka male-late dahil ‘di mo na kailangang bumiyahe at makipagbalyahan sa mga kapwa mo pasahero. Ikalawa, hindi ka na gagastos ng pamasahe. At higit sa lahat, ikatlo, gabihin ka man sa pagtapos ng iyong trabaho, hindi ka kakabahan dahil sa bahay mo lang naman ginagawa. Safe ka nga naman.

Kunsabagay, masarap nga namang huwag nang umalis ng bahay pero kumikita ka. Sa ngayon, marami na ring trabahong home-based na maaari nating subukan.

Gayunpaman, sabihin mang home-based o sa bahay mo lang ginagawa ang trabaho, importante pa ring maging propesyunal ka. Kumbaga, magtrabaho ka ng may oras at iwasan ang mga distraction.

At isa nga rin sa makatutulong para magawa ng maayos ang trabaho at hindi tamarin ay ang pag-aayos ng iyong working space. Kaya sa mga indibiduwal na ang trabaho ay ginagawa lang sa bahay, subukan na ang mga nabanggit na tips sa itaas.

Comments are closed.