SA Pilipinas, hindi kumpleto ang hapag kainan kung walang kanin, kaya napakagandang negosyo ang bigasan, malaki man ito o maliit. Kasi naman, lahat ay nangangailangan ng bigas. Yung iba nga, kaban-kaban pa kung bumili. Sa halagang P80,000 to P120,000 na starting capital, kaya mong magtayo ng bigasan. Pero sa totoo lang, may bigasan din po kami sa bahay, pero ang puhunan ko lamang ay P5,000. Wala po kasi itong permit at wala ring nirerentahang tindahan. Bumili lamang ako ng dalawang kabang bigas (120 kilos) at ibinenta ko ng kilo-kilo sa mga kapitbahay. Tumutubo po naman, pero konti lang. Pero kung gusto ninyo ng legal at hayag na pagbebenta, heto po ang ilang tips namin sa inyo.
- Kumuha ng NFA license.
Ang first priority sa rice retailing business ay lisensya mula sa National Food Authority (NFA). Pag meron ka na nito, pwede ka nang magbenta anytime, at makakakuha ka pa ng priority para magbenta ng NFA rice na murang mura.
- Bumili ng tamang equipment
Unang una na ang calibrated na timbangan, white-painted rice boxes, at price tags na nakalagay ang presyo at classification ng bigas. Ilagay rin kung ano ang variety, at grade ng bigas – kung NFA o kung anuman.
Lagyan din ng signboard na 45 cm wide at 75 ang haba para sa business name, NFA control number, at “Licensed Grains Retailer” o “Wholesaler” para makumpleto ang inyong legal requirements sa pagbebenta ng bigas.
- Pumili ng magandang location para sa inyong rice business.
Kung may pwestong makukuha sa palengke, mas mabuti, pero okay naman kahit saan basta nadadaanan ng tao ang inyong pwesto.
- Kailangang may maayos na storage ang inyong bigas.
Siguruhing maayos ang taguan ng inyong bigas dahil baka maunahan kayo ng mga daga. Hala, malulugi kayo.
- Kilalaning mabuti ang inyong mga suppliers at prospective customers
Ilista ang lahat ng rice suppliers sa paligid mo at kaibiganin sila. Sa ganoong paraan, makakakuha ka ng discount at referrals.
Mas maganda kung mayroon ka kahit apat na variety ng bigas para may pagpipilian ang mga customer. Pwede ring maging supplier sa mga hotel, restaurant at carinderia, pero siguruhin mong kaya ng puhunan mo, dahil kadalasan, humihingi sila ng 90-day-grace period sa pagbabayad.
Pwede rin namang magbigay na lamang ng discount sa mga kliyente para may referral ka sa kanila at makakadagdag ito ng suki. O, magnegosyo na tayo ngayong 2022. NV