(Ni CHEN SARIGUMBA-JUSAY)
IBANG KULTURA, ibang kapaligiran at ibang salita. Halos lahat tayo ay gustong makapunta sa iba’t ibang lugar sa buong mundo. Kara-mihan sa atin, kapag tinanong kung ano ang pangarap sa buhay, ang agad nilang isasagot ay ang makapunta ng ibang bansa at malibot ang buong mundo.
Masarap pangarapin at magandang pagplanuhan pero kapag nandiyan na, may pagkakataong parang gusto mo nang umayaw dahil sa laki ng gastos. Bigla-bigla ay nanghihinayang tayo sa laki ng magagastos pagtungo sa ibang lugar.
May mga paraan kung paano tayo makapag-e-enjoy sa ibang lugar nang hindi gumagastos ng malaki. Mga simpleng paraan na malaki ang maitutulong upang makapag-save tayo ng pera pero mae-enjoy natin ng bonggang-bonga ang ating pamamasyal. Narito ang ilan sa tipid tips na puwede ninyong subukan.
MAGHINTAY O MAG-ABANG NG DISCOUNT O SALE SA MGA AIRLINE COMPANY
Hindi biro ang gumastos papuntang ibang bansa lalo na kung minimum wage earner ka lang. Ilang buwan mong kailangang mag-ipon para lang ma-buo ang pamasahe, pero hindi ibig sabihin nito ay hindi mo na matutupad ang pangarap mong makapunta sa ibang bansa.
Kung ayos na ang passport mo ay magaan na ang mga susunod na hakbang. Magbabawas ka lang ng gastos para makaipon sa pagbili ng tiket.
Ang airline companies ay may kanya-kanyang pakulo. Kinakailangan mo lamang na mag-abang ng promos nila para makakuha ng murang air fare. Malaki ang matitipid kapag nakahanap ka ng promo.
BISITAHIN ANG TRAVEL APPS AT WEBSITES
Marami rin namang apps at websites na maaari mong bisitahin para maghanap ng mga murang pamasahe pati na rin ang hotel na maaari ninyong pamalagian.
Halimbawa na lang sa pagpunta sa Hong Kong. Ilan sa mga lugar na pinupuntahan doon ay ang Ocean Park Hong Kong at ang Hong Kong Disney-land. Ang normal na entrance fee sa Ocean Park ay humigit kumulang Php2700 habang ang Disneyland naman ay nasa Php3700.
May website na nag-aalok ng murang promo gaya na lamang ng buy 1 take 1 sa Ocean Park sa halagang Php3000 lamang.
DAYUHIN ANG MGA LUGAR NA MAY KAMAG-ANAK O KAKILALA
Isa rin sa tip na maibibigay ko para mas makatipid ay pumunta muna sa mga lugar na may kakilala o kamag-anak para makatipid sa bayad sa hotel. Mas mura kung magluluto kayo ng pagkain sa umaga bago umalis ng bahay para makabawas sa gagastusin sa paglabas.
Magkaroon din kayo ng sarili ninyong plano bago umalis ng bahay para hindi kayo sakay nang sakay dahil ang isa sa uubos ng pocket money mo roon ay ang pamasahe sa MTR o ‘yung tren nila.
Paraan din naman ito para makaiwas sa pabalik-balik sa isang lugar.
MAGBASA UPANG HINDI MALIGAW
Ugaliin niyo ring magbasa lalo na kung bababa sa tren dahil may iba’t ibang labasan ang bawat estasyon na pupuntahan mo hindi katulad dito sa Fil-ipinas na isa lang o dalawa ang exit. Iwasan mo rin na bumili ng mga bagay na hindi pa naman kailangan.
Mas mabuting bumili ng mga pampasalubong kapag malapit nang umuwi sa Filipinas nang sa ganoon ay hindi kukulangin ang dala mong pera.
Hindi ibig sabihin na nagtitipid ka o wala kang malaking pocket money na hawak ay hindi ka na magiging masaya o makapagliliwaliw sa ibang bansa. Diskarte lang naman ang susi para matupad mo ang kagustuhan mong makatapak sa ibang bansa.
Matuto ka ding magtiyaga at huwag magpabuyo sa mga kasamahan kung kailan magbo-book ng tiket dahil malaking bagay talaga kung sakaling makakuha ka ng promo. Ikaw dapat sa sarili mo ay desidido na sa pag-alis at sa bagong kultura na pupuntahan mo. #HKTIPIDTIPS
(photos mula sa primer.com.cph, torontocast.com, nbcnews.com)
Comments are closed.