MULING pinawi ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang pagdududa ng publiko na makakatikim ng special treatment at mala-Disney Princess Person Deprived of Liberty (PDL) si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo o Guo Huang Ping.
Ayon kay BJMP Spokesperson Jail Supt. Joseph Jayrex Bustinera, ordinaryong PDl ang kanilang trato sa sinibak na alkalde dahil sa kaugnayan sa POGO activities.
Sa katunayan, mayroon din itong P70 na budget kada araw sa pagkain o katumbas ng P23 kada isang meal.
Sa kabila nito, tiniyak ni Bustinera ang seguridad ni Guo lalo na’t sinasabi nitong mayroon siyang banta sa buhay.
Sabi ng BJMP official, nagsagawa na sila ng risk assessment sa cellmates ni Guo.
Ang kama umano ay malapit sa CCTV camera at malapit sa duty station na matatanaw agad kung may nangyayaring kakaiba sa dating alkalde.
Sa ngayon, kasama si Guo ng 43 iba pang inmate habang nagnegatibo na rin ito sa sakit na tuberculosis at hindi naman alarming ang pag-ubo at sipon nito.
Magugunitang maghahain sana ng mosyon ang Philippine National Police (PNP) para hindi na ibalik sa PNP Custodial Facility si Guo dahil wala namang nakikitang panganib sa buhay nito.
Habang nitong Lunes ay kinumpirma rin ni Bustinera na mananatili sa kanilang pasilidad si Guo hanggang ito ay basahan ng sakdal at gumulong ang kaso laban sa kanya.
EUNICE CELARIO