Ayon kay BFAR chief information officer Nazzer Briguera, target ng ahensiya na gawing self-sufficient ang bansa pagdating sa suplay ng isda.
“Layunin ng ahensya na masiguro natin ang sustinableng produksiyon ng pagkain lalo na ngayon po na talagang nakikita natin ‘yung hamon panahon patungkol po sa food production,” sabi ni Briguera sa Laging Handa public briefing.
Aniya, ang BFAR ay may capacity-building program na kinabibilangan ng pagkakaloob ng mas malalaking bangka sa maliliit na mangingisda nang sa gayon ay makapangisda sila sa malalayong lugar at makahuli ng mas maraming isda.
Para sa aquaculture, sinabi ng BFAR na patuloy nilang pinararami ang broodstocks para magkaroon ng mas maraming fingerlings para sa mga mangingisda.
Ayon kay Briguera, ang mga programang ito ay titiyak na magkakaroon ng sapat na suplay ng isda at seafood sa merkado.