TITSER, KAGAWAD TIMBOG SA BUY BUST

LAGUNA- DINAKIP ng mga operatiba ng Laguna drug enforcement unit at PDEA ang isang guro sa pampublikong paaralan at isang aktibong kagawad ng barangay sa magkahiwalay na buy bust operation sa Sta.Cruz at Lumban sa lalawigang ito Biyernes ng hapon.

Sa report ni Col.Randy Glenn Silvio, Laguna police director kay BGen. Jose Nartatez, Calabarzon PNP chief, kinilala ang suspek na si John Paul Costa, 39-anyos, guro, may-asawa at residente ng bayan ng Sta.Cruz.

Nakuha sa possession ni Costa ang 1.9 gramo ng shabu na may street value na P13,000.

Ayon sa mga pulis, ang suspek ay matagal na umanong nasa surveillance ng drug operatives dahil umano sa pagkakasangkot nito sa droga.

Ang pag-aresto kay Costa ay naisakatuparan sa isang buy bust operation sa M.H.del Pilar Barangay Poblacion 3, Sta. Cruz , Laguna.

Samantala, dinakip din ang isang barangay councilor sa buy bust operation ng mga miyembro ng Lumban police station.

Kinilala ang suspek na si kagawad Dalen at isang nag-ngangalang Alter, construction worker na kapwa residente ng Barangay Maracta ng nabanggit na bayan.

Ayon sa pulisya, matagal na umanong nasa watchlist ng mga drug pusher ang kagawad base sa mga intelligence report na natatanggap ng himpilan ng pulisya.

Sa pamamagitan ng isang police asset nakabili sa mga suspek ang mga operatiba ng P4,000 halaga ng shabu na naging sanhi sa pagkakaaresto sa mga ito.

Ang mga nasakoteng suspek ay kasalukuyang nakadetine sa Laguna custodial facility. ARMAN CAMBE