VIRAL ngayon sa social media ang isang guro kung saan inakyat nito ang flagpole sa kanilang school upang ikabit ang tali na naputol.
Siya si Carol Baro Figuro ng Savidug Elementary School sa Sabtang, Batanes.
Nag-ala Spiderman si teacher Carol kung saan matapang nitong inakyat ang flagpole ng eskwelahan para ikabit ang nylon rope ng bandila ng Pilipinas na madalas umanong napuputol.
Napag-alaman na ang 38 anyos na guro ay 4 na taon nang nagtuturo sa nasabing paaralan.
Ayon sa kaniya, bata pa lamang umano siya ay umaakyat na siya ng puno ng niyog kaya naman sanay na umano siya rito.
“Bata pa po ako, siguro mga grade 3, umaakyat na ako sa puno ng niyog. Naging sanay na ako,” saad nito.
Dagdag pa nito ay hindi nya rin gustong i-asa sa kanyang mga estudyante ang pag-akyat sa flagpole, kaya naman siya na lamang ang gumawa nito.
RUBEN FUENTES