SA kahit anong aspeto sa ating buhay, importante ang may tiwala. Nagsisimula ito sa tiwala sa sarili, at nage-extend din sa tiwala sa ibang tao. Dahil kung nandiyan ang tiwala, mas magagampanan o maisasagagawa natin ang ating mga tungkulin nang walang pag-aalinlangan.
Kamakailan lang ay dumalo ako sa 2019 Year-end General Membership Meeting ng International Asso-ciation of Business Communicators o IABC Philippines kung saan ang naging paksa sa taong ito ay “Trust and the Public Servant”. Napakagandang tema ito sa panahon ngayon dahil iniisip ko nga kung ano pa ang puwedeng gawin ng ating gobyerno upang lalo pang mapagbuti ang kanilang tungkulin at makakuha pa ng mas mataas na antas ng pagtitiwala mula sa atin.
Laking tuwa ko nang aking malaman na ang isa sa mga iniidolo kong lingkod bayan ang guest speaker para sa general member-ship meeting na ito, walang iba kung hindi ang ating lodi na si Yorme Isko Moreno. Sa aking pananaw, siya ang dapat sundan o maging pamantayan ng pagiging isang lingkod bayan lalo na sa mga pagbabagong ginagawa niya sa Lungsod ng Maynila.
Binanggit ni Yorme Isko kung paano niya naipapaabot sa mga mamamayan ang kanyang mga plano upang maseguro na tuloy-tuloy ang pag-unlad ng kanyang lungsod. Sa mundo ng fake news at sobrang hyped lang na mga impormasyon sa social media, naiiba si Yorme dahil ang kanyang mga post at up-dates sa social media ay organic, hindi mga gawa-gawa lang. Para sa kanya, kung ang pagbabagong itinutulak mo ay tunay at hindi puro palabok lamang, ay kusa itong pag-uusapan at papatok.
Ang kinahahangaan ko kay Mayor Isko ay ang kung paano siya magtrabaho. Sa kanyang 18 taong pagseserbisyo sa bayan, nakita naman natin na talagang malapit sa ating mga mamamayan si Yorme, lalo na at nanggaling din naman siya sa ating tinatawag na laylayan. Saan ka naman nakakita o nakarinig ng lingkod bayan na gumagamit ng mga salitang “etneb”, “lespu” o “gedli”. Kaya ‘di hamak naman na talagang hindi lang bilib sa kanya ang mga mamamayan, kung hindi buong-buo din ang tiwala nila sa kanya.
Ipinahayag niya rin dito na ayaw niya at tutol siya sa anarkiya, korupsiyon, at paniniil o tyranny, at ang kanyang intensiyon lang bilang lingkod bayan ay ang masolusyunan at maisaayos ang pamamalakad ng Lungsod ng Maynila. Sa kanyang pagsasalita, naramdaman ko at ng iba pang mga kasama sa event na ito na talaga nga namang napakamapagkumbaba ni Yorme at siya pang nabanggit na walang planong makakamit pa ng mas mataas na posisyon sa politika. Sa katunayan, ang kanyang pangarap pa ay ang maging isang propesor at makapagturo upang kaniyang maibahagi sa mga susunod na henerasyon ang kanyang mga kaalaman.
Nagpapasalamat ako sa IABC Philippines para sa pagkakataong dumalo sa kanilang General Member-ship Meeting at sa kanilang adbokasiya sa mga isyu ng truth and authenticity, na siya ring naging tema noong nakaraang Philippine Quill at Student Quill Awards na “Express Your Truth” at “Shape the Future”. Sang-ayon nga ako kay pareng Joe Zaldariagga na Chairman ng IABC Philippines sa kanyang sinabi na “It is upon us, as communicators, to bring out what is real, accurate and true because only through that can we give the next generation a just and honorable world.”
Kung ang mga katulad ni Yorme Isko ang mga magiging lingkod bayan natin ay ‘di hamak na lalakas lalo ang tiwala ng mga mamamayan sa ating gobyerno, kung saan ating madadama na ang lahat ng mga tungkulin nila ay kanilang gagampanan ng bukal sa kanilang kalooban at walang intensiyon kung hindi paunlarin ang ating bansa, at pagaanin ang ating mga buhay.
Comments are closed.