TIWALA SA SARILI, PAANO NGA BA MAGKAKAROON NITO ANG MGA KABATAAN?

TIWALA-2

(Ni CT SARIGUMBA)

KARAMIHAN sa mga kabataan ngayon ay walang gaanong tiwala sa kanilang sariling kakayahan. Laging nag-aalala sa sasabihin ng iba. Laging kinukuwestiyon ang kaya nilang gawin at ang magagawa pa.

Hindi rin maiiwasan ang ganitong scenario lalo’t maraming aspeto o dahilan kung bakit kulang o halos nawawalan ng tiwala sa kanilang sarili ang mga kabataan. Isang halimbawa nito ay sa pamilya o tahanan. Kung hindi sila naa-appreciate ng kanilang magu-lang o hindi nakikita ang ginagawa nilang maganda at puro na lang mali ang napapansin, talagang mababawasan ang tiwala sa sarili ng isang tao. Sa eskuwelahan, kapag binu-bully ang isang estud­yante, nababawasan din ang tiwala niya sa kanyang sarili.

Sa rami rin ng kakompetensiya ng mga estudyante, talagang hindi maiiwasang mag-alangan sila sa kanilang kakayahan. Pero sabihin mang maraming kakompetensiya o may mas magaling sa isang estudyante, maha­laga pa rin ang pagkakaroon ng tiwala sa sarili ng kahit na sino. Kaya naman, narito ang ilang simpleng paraan upang magkaroon ng tiwala sa sarili ang isang estud­yante:

KILALANIN ANG SARILI AT ALAMIN ANG KAKAYAHAN

Unang-unang kailangan nating gawin ay ang kilalanin ang ating sarili at alamin ang hangganan ng ating kakayahan.

Marami sa atin ang nag-aalangan na gawin ang isang bagay sa takot na hindi magawa ng maayos. Natatakot sa sasabihin ng iba kapag nagkamali.

Huwag nating pansinin ang ibang tao o ang sasabihin ng iba. Bagkus ay mag-focus sa sarili. Alamin ang kakayahan at pagyamanin pa ito. I-encourage rin ang sariling gawin ang isang bagay na hindi pa nasusubukan o hindi pa nagagawa.

Gamitin din sa pagpapalawak ng kaalaman ang mga bagay na nakapagdudulot sa iyo ng kaligayahan.

Isa rin sa paraan upang malaman ang hangganan ng iyong kakayahan o hanggang saan ang kaya mong gawin ay ang pagtsa-challenge sa sarili.

MAGING POSITIBO SA KABILA NG KINAHAHARAP NA PROBLEMA

Hindi naman maiiwasan ang mga negatibong pangyayari sa paligid. Kaliwa’t kanan ang problemang kinahaharap natin.

Tandaan natin na hindi lang naman tayo ang kumakaharap sa problema at pagsubok. At imbes na magmukmok o dibdibin ang mga pagsubok at problema, mas mainam at makatutulong kung mananatiling positibo ang pananaw at pagtingin sa mga bagay-bagay.

Oo, kapag may mga hindi magandang nangyayari, nadadala tayo at nawawalan na rin tayo ng pag-asa. Pero hindi tayo dapat nawawalan ng pag-asa, tandaan na­ting habambuhay ay may pag-asa basta’t magsisipag tayo’t gagawa ng paraan.

MATUTONG TUMANGGAP NG PAGKAKAMALI AT KRITISISMO

Maraming kabataan ang ayaw tumanggap ng pagkakamali. Kahit na nagkamali sila, ayaw nilang aminin.

Hindi nakasasama ang pagtanggap at pag-ako sakaling nakagawa ka ng hindi maganda. Lahat naman tayo ay nakagagawa ng pagkakamali. Ang kaibahan nga lang ay kung paano natin ito iha-handle at tatanggapin.

Marami ring puna o kritisismo ang maaari nating marinig mula sa iba. Hindi tayo dapat na malungkot lalo na kung may hindi magandang sinasabi ang ilan sa atin. Ang mas magandang gawin ay ang paggawa ng mabuti. Gamitin ang kritisismo o mga sinasa-bing hindi maganda ng iba upang mapagbuti pa ang sarili.

TAPANGAN AT LAKASAN ANG LOOB

Huwag susuko at lakasan ang loob, ito ang dapat na mayroon ang isang tao. Importante sa buhay ang pagi­ging matapang at pagkakaroon ng lakas ng loob lalo na’t kaliwa’t kanan ang nangyayaring hindi maganda sa pa­ligid.

MATUTONG MAKIHALUBILO SA KAPWA

Isa pa sa paraan upang magkaroon ng tiwala sa sarili ang isang tao—estudyante man o empleyado—ay sa pamamagitan ng pakikihalubilo sa kapwa.

Hindi maiiwasang may mga mahiyaing tao o estud­yante. Takot na makipag-usap sa iba.

Sanayin ang sariling ma­ki­halubilo sa iba nang ma­dagdagan ang tiwala sa sarili. Huwag matakot na makipag-usap sa iba. Sa pamamagitan din kasi ng pakikipag-usap sa kapwa ay nadaragdagan ang tiwala sa sarili ng isang tao.

MATUTONG MAGPASALAMAT

Panghuli, matuto tayong magpasalamat sa ibinigay sa atin ng Panginoon. May iba mang nahihirapan sa buhay, ipagpasalamat pa rin natin iyon. Ipagpasalamat natin ang araw-araw nating paggising at patuloy tayong nakikipagsapalaran sa mundo.

Tiwala sa sarili, may mga taong wala nito. Gayunpaman, napakahalaga ng tiwala sa sarili para sa pag-unlad ng isang tao. Kaya naman, gawin natin ang kahit na anong paraan makamit lang ang lakas ng loob at pagkakaroon ng tiwala sa ating sarili. (photos mula sa worthofread.com, futureofeducation.com, greatschools.org)

Comments are closed.