TIWALA SA SARILI PAANO NGA BA MAKAKAMIT NG MGA BATA

TIWALA-1

(Ni CT SARIGUMBA)

IMPORTANTE ang pagkakaroon ng tiwala sa sarili ng isang tao. Dahil kung wala silang tiwala sa kanilang kakayahan at sarili, mahihirapan silang makipagsapalaran sa mundo. Mahihirapan silang malampasan ang mga dagok na maaaring kaharapin sa araw-araw na pamumuhay.

Ngunit may ilang mga kabataan na walang gaanong tiwala sa kanilang sariling kakayahan. Mahiyain. Takot makihalubilo sa kapwa. May iba pa ngang halos ayaw magsalita dahil baka raw magkamali ng sasabihin.

Nakalulungkot ang malamang maraming kabataan ang tila walang tiwala sa kanilang sarili.

Hindi rin naman mabilang ang salik o dahilan kung bakit nawawalan ng tiwala o lumaking walang tiwala sa sarili ang isang bata.

Una, dahil na rin sa kakulangan ng pansin ng pamilya.

Ikalawa ay kapag nabu-bully sila sa eskuwelahan.

Saan mang dako o lugar ay lantad ang bullying. Dahil hindi lamang ito nangyayari sa mga paaralan gayundin sa trabaho o opisina. At kung ang isang tao ay walang lakas ng loob at tiwala sa kanilang sarili, hindi nila magagawang ipagtanggol ang kanilang sarili at hahayaan na lamang nilang binu-bully sila.

Malaki ang epektong naidudulot ng bullying sa isang tao–kaya’t hindi natin ito dapat hinahayaang mangyari.

Bilang magulang, hindi lamang tayo dapat na naglalaan ng panahon sa ating mga anak, subukan din na­ting maging kaibigan sila nang mag-open sila ng problema at saloobin sa atin.

Kung kaibigan din kasi ang turing sa atin ng ating mga anak, hindi sila tatakbo sa kanilang kaibigan para humingi ng tulong kundi sa atin na mismo.

Hindi rin sa pagtanda o kapag nagkakaedad na sila saka tayo gagawa ng paraan. Habang bata pa sila, gabayan na natin sila. Tutukan na natin.

Bilang magulang ay may magagawa nga naman tayo upang tumaas ang tiwala sa sarili ng ating mga anak. At ilan sa mga paraang maaari nating gawin ay ang mga sumusunod:

MAGING MAGANDANG EHEMPLO SA MGA ANAK

Karamihan sa mga bata ay ginagaya ang kani-kanilang mga magulang o mga nakatatandang kapatid. Kung paano kumilos ang magulang, gayundin ang kilos na ginagawa ng isang anak. Kung paano magbihis, gayundin ang gustong bihis. Maging ang pagsasalita ay ginagaya ng mga bata.

Ibig lamang sabihin nito, kung mayroong tayong tiwala sa ating sarili’t kakayahan ay magkakaroon din ng tiwala ang ating anak sa kanilang sarili’t kakayahan.

Kumbaga, magpakita tayo ng maganda sa kanila nang iyon ang magaya nila.

Iwasan naman ang gawaing hindi katanggap-tanggap o hindi kagandahan.

IPAKITA AT IPARAMDAM ANG SUPORTA

Mahalaga ring maiparam­dam natin at maipakita sa ating mga anak ang suporta natin nang lumakas ang kanilang loob at magkaroon ng tiwala sa kanilang sarili.

Alamin natin ang mga bagay na kinahihiligan nila at suportahan natin sila.

MAGKAMALI MAN ANG MGA ANAK, HUWAG KAAGAD PAGAGALITAN

May mga pagkakataon ding kapag nakagagawa ng pagkakamali ang mga bata o anak, umiinit na kaagad ang ating ulo. Naiinis tayo. Kung minsan ay nasisigawan pa natin sila.

Hindi natin kailangang magalit agad.

Kapag kasi nakita ng mga bata ang emosyon natin o nagalit tayo nang makagawa ito ng pagkakamali, matatakot sila.

Mas lalong hihina o mababawasan ang tiwala niya sa sarili kapag ganoon.

Ang mabuti nating gawin, kausapin ang mga ito. Huwag ding kaagad na pagagalitan. Higit sa lahat, ipaalam nating lahat naman ng tao—bata man o matanda ay nakagagawa ng pagkakamali. At ang mga pagkakamaling makasalamuha nila, dapat ay iyon ang maging daan upang tumibay sila.

Ipaintindi ring sa bawat pagkakamali, tumitibay at natututo ang isang tao.

HIMUKIN SILANG SUMUBOK NG MGA BAGO AT KAKAIBANG BAGAY

Maraming bata ang takot na sumubok ng mga kakaiba at bagong bagay. Naninigurado iyan kaya’t naroon lang sila sa kanilang comfort zone at ayaw mangahas.

Imbes na hayaan sila sa kung ano na ang alam nila, makatutulong upang lumakas ang loob nila at magkaroon ng tiwala sa kanilang sarili kung hihimukin silang sumubok ng mga bagay na bago o kakaiba.

Nakalalakas din ng loob iyong alam mong bukod sa comfort zone mo ay may iba ka pang nagagawa o kayang gawin.

IPARAMDAM ANG WALANG HUMPAY NA PAG-IBIG

Higit sa lahat siyempre ay ang pagpaparamdam natin ng walang humpay na pag-ibig sa ating mga anak.

Ano’t anuman ang hilig nila o ugaling mayroon sila, dapat ay tanggap natin iyon. Bukod sa pagtanggap ay ang pagpaparamdam ng pag-ibig sa kanila.

Malaki ang maitutulong ng pagmamahal upang magkaroon ng lakas ng loob at tiwala sa sarili ang isang bata.

Kaya’t gamitin natin ang mahika ng pag-ibig upang matuto ang ating mga anak na labanan ang bawat hamon ng buhay na kanilang kahaharapin.

Comments are closed.