TIYAGA, SAKRIPISYO SUSI SA TAGUMPAY NG LADY SPIKERS

SA pagpapalakas sa kanilang lineup ngayong season, nagawang mabawi ng La Salle ang trono at wakasan ang dominasyon ng National University sa UAAP women’s volleyball tournament.

“Last season talagang sobrang dominating sila eh, siguro dahil sa tagal nilang magkakasama and short preparation lang kami,” sabi ni Lady Spikers assistant coach Noel Orcullo patungkol sa Lady Bulldogs.

“’Yun nga sabi namin by next year sigurado makapagpeprepare tayo nang maayos, makakasabay na tayo diyan,” dagdag pa niya.

Sa kabila na hindi nakasama si coach Ramil de Jesus sa first round, knee injury ni opposite spiker Leila Cruz at ng stunning loss sa University of Santo Tomas na tumapos sa kanilang nine-match winning run, nakopo ng La Salle ang kanilang ika-12 korona at una magmula noong 2018.

“Kahit papaano, pangako ng mga bata coach babawi kami pagdating ng Season 85 so ito nakuha, ‘yung tiyaga, ‘yung sakripisyo, lahat na ng factor, ‘yung malayo sila sa family nila, hindi halos nauwi so sobrang fulfilling at sobrang thankful dahil binigay sa amin ito ni Lord,” ani Orcullo.

Ipinadala ng langit – at sagot sa dasal – na isa si Angel Canino, ang newly-minted Rookie-MVP, sa mga instrumento sa matagumpay na pagbabalik ng Lady Spikers bilang mga reyna.

Bagama’t natalo ang La Salle sa unang dalawang sets, nagpakita si Canino at ang kanyang teammates ng matinding katatagan upang pataubin ang NU, 19-25, 23-25, 25-15, 25-17, 15-10, sa harap ng 20,514 fans sa Mall of Asia Arena noong Linggo ng gabi.

Ang pagwawagi ng pinakamataas na individual award ay patikim pa lamang para sa Bacolod native, na sensational sa buong season.

“Actually, hindi ko naman po inexpect iyun eh kasi ayoko po talagang isipin ‘yung mga awards na makuha ko po kasi ang goal ko naman talaga is makacontribute po sa team,” sabi ni Canino.

“So kung ano naman po yung nakuha ko, kagaya nga po ng sabi ni Coach Ramil, bonus lang po iyun. “Yung totoong laban po talaga is ‘yung championship,” dagdag pa niya.

“Siyempre po, nakakaproud lang din po sa team namin kasi finally nakuha na po namin yung goal namin, ‘yung ultimate goal namin is mag-champion.”

Ang pagkakaroon ng seniors — Jolina Dela Cruz at Mars Alba — na gumabay kay Canino ay isang malaking tulong para makapagpakita siya agad ng maturity sa kanyang rookie year.

“All-around naman po sila kahit sa labas maaasahan niyo po sila, and na-appreciate ko talaga sa kanila kung paano sila mag-approach sa amin, kung paano nila pinakita yung leadership nila, ang pagiging Ate nila inside and outside the court, and sobrang na-appreciate ko po yun kasi malaking factor po yun sa amin, ‘yung sisterhood sa amin, and may mag-lead po sa amin, malaking factor po talaga iyun,” sabi ni Canino.

“Ngayon magpapasalamat po ako sa seniors namin kasi malaking bagay ‘yung guide nila sa amin para makuha po namin yung ultimate goal namin, so thank you po Ate Mars and Ate Jols,” dagdag pa niya.