TIYAHIN NG PDEA AGENT BINARIL SA LAND DISPUTE

NEGROS OCCIDENTAL- PATAY ang isang 54- anyos na ginang matapos pagbabarilin ng sariling pamangkin dahil sa away sa lupa sa Sitio Beranio, Barangay Lantad, Silay City.

Kinilala ang biktima na si Jossie Mondejar.

Ayon kay Police Lt. Col. Mark Anthony Darroca, chief of police ng Silay Police, nasa labas ng kanyang bahay si Mondejar nang dumaan ang isa sa kanyang mga pamangkin na si Aljun Bitalac, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agent.

Matapos ang ilang minuto, sinundan si Bitalac ng 18-anyos na kapatid na si alyas Al na armado saka biglang binaril umano sa ulo ang ginang.

Tumakas ang magkapatid na Bitalac habang dinala si Mondejar sa isang ospital kung saan siya binawian ng buhay.

Narekober sa crime scene ang .45 caliber bullet.

Sinabi ni Darroca na naaresto ang mga suspek sa isang bahay sa Barangay Lantad.

Pahayag ng opisyal, si Aljun ay isang intel officer ng PDEA na nakatalaga sa Mindanao at nakabakasyon nang maganap ang insidente.

Napag-alaman na ang biktima ay naglalagay ng dibisyon sa kanilang tahanan na nauwi sa pagtatalo.

Nabatid pa na ang biktima at ang mga suspek ay mayroon na rin di pagkakaunawaan dahil sa umano sa lupa noon pang 2019.
EVELYN GARCIA