MARAHIL ay hindi na bago sa inyong pandinig ang food stamp program ng pamahalaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang pilot run ng programa ay planong masimulan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Hulyo ngayong taon.
Kung hindi ako nagkakamali, nasa isang milyong pamilya ang unang target para sa “Walang Gutom 2027” na magmumula sa “Listahanan 3” ng ahensiya.
Mismong si DSWD Secretary Rex Gatchalian ang nagsabi na nasa kanilang listahan ang pinakamahihirap na pamilyang Pilipino na karamihan ay nasa mga kanayunan.
Makakatanggap ng food credits ang mga benepisyaryo na nagkakahalaga ng P3,000.
Aba’y magagamit nila ito sa pagbili ng pagkain mula sa DSWD-accredited local retailers.
Makikinabang dito ang mga pamilyang hindi kumikita ng lampas sa P8,000.
Sa ilang bansa sa mundo, tulad ng Estados Unidos, ay may kaparehong programa rin para sa kanilang mga mamamayan.
Ang dating food stamps ng US ay Supplemental Nutrition Assistance Program (SNAP) na ngayon na nakatutulong sa low-income individuals.
Kada buwan ang SNAP benefits ay idinaragdag sa isang electronic benefit transfer (EBT) card na maaaring ipambili ng pagkain o anumang produkto ng mga benepisyaryo.
Tulad naman ng ibang food stamp programs, magkakaroon ng work component sa ating food stamps kung saan nakatakda itong ilunsad sa limang pilot sites na may iba’t ibang geopolitical characteristics sa bansa.
Magandang ideya ito dahil hindi pera ang hahawakan ng mga benepisyaryo para ipambili ng pagkain.
Tiyak kasi na malaking problema kung pera dahil sa halip na ibili ng pagkain ay baka ipangsugal pa o ipambili pa ng droga o solvent.
Magiging kawawa lang ang kanilang pamilya.
Dahil sa sistemang ito ng administrasyong Marcos, nakatitiyak na pagkain talaga ang iuuwi sa pamilya na malaking bagay sa kanila at marami ang mabubusog o lulusog dito.
Inaasahang milyon-milyon ang makikinabang dito na napatunayan nang epektibo sa ibayong dagat.
Malaki ang posibilidad na magiging matagumpay ito.
Suportado kasi ng Asian Development Bank (ADB) ang food stamp program.
Bunga ng paglaganap ng pandemya, maraming hirap sa buhay kaya’t kailangan nila ang tulong ng gobyerno.
Hanggang ngayon, marami pa ring hindi nakakabangon matapos mawalan ng trabaho habang ang iba ay wala na talagang pinagkakakitaan.
Nasa DSWD na ngayon ang bola para sa implementasyon ng programa.
Gayunman, mahalagang tiyakin ng ahensiya na mabibigyan ang mga karapat-dapat na mabigyan.
Kung matatandaan kasi, sa mga nakaraang ayuda ng pamahalaan, partikular sa panahon ng Duterte administration, may mga lokal na opisyal gaya ng mga barangay chairman na nasangkot daw sa iba’t ibang anomalya.
May mga sumabit dahil sa sinasabing pangungurakot ng ayuda.
Maliban dito, maraming hindi nakakuha ng tulong mula sa pamahalaan.
Nabunyag pa nga noong kasagsagan ng krisis na may mga kasambahay, kaibigan, at kaanak ng nakaupong lider na nasa listahan na inuna pang binigyan ng ayuda sa halip na ang mga nagugutom nilang nasasakupan.
Nawa’y hindi naman ito mangyari sa Marcos admin.