AYAW ko na sana pag-usapan pa ang isyu sa matagumpay na pagsasagawa ng competitive selection process (CSP) ng Meralco kung saan ang resulta ay mas bababa ang singil ng koryente sa ating mga konsyumer sa susunod na limang taon. Ito ay dulot ng ginawa nilang transparent bidding sa mga Generation Companies (Gencos) na lumahok sa nasabing bidding ng pagbebenta ng koryente sa Meralco.
Sabi nga ni Ramon Ang, ang big boss ng San Miguel Corporation (SMC) na ‘pigang-piga’ ang inalok nilang presyo na i-binid sa Meralco. Sa kabilang dako naman, sinabi ng bagong presidente ng Meralco na si Atty. Rey C. Espinosa na mahigit na P13 billion ang matatamasang savings kada taon ng mga costumer ng Meralco sa susunod na limang taon dahil nga sa napakababang presyo na inalok ng mga nanalong Gencos sa sinasabing CSP bidding ng Meralco. Dapat nga tayo ay masaya sa magandang balita na ito!
Subali’t ‘ika nga sa pelikula, magkakaroon at magkakaroon ng kontrabida sa istorya. Kamakailan, nagprotesta ang ilang umano’y consumer group at ‘environment’ advocates na pinahihinto ang naudlot na isang CSP bidding kung saan may isang planta na may pag-aari ng Meralco ang kasali. Dahil daw ‘ipinipilit’ sa atin ang ‘madumi’ at mahal na presyo ng coal sa pangangailangan natin ng suplay ng koryente.
Ha! Haler??? Ano ba ang pinagsasabi ng mga ito? Sa totoo lang, panahon na para maisambulat ang mga adyenda ng mga ibang grupo riyan na nagkukunwari na grupo na para sa konsyumer kuno ang kapakanan. Ganu’n din sa mga ilan diyan na mga ‘envi-ronmental group’ daw nguni’t kulang sa pagsasaliksik sa adbokasiyang inilalaban nila.
Bakit? Dahil inilalarawan pa rin nila hanggang ngayon na ang mga coal plant ay tulad ng mga bulok at naglulumaan na jeepney at bus natin sa lansangan na nagbubuga ng maitim na usok. Dagdag pa rito ay tutol sila sa pagtatayo ng mga makabagong coal plants dahil nga marumi raw ito at makasisira sa kalikasan. Haaaay…lumang tugtugin na po ‘yan.
Inuulit ko, huwag nila ihalintulad sa mga luma at bulok na mga pampublikong tranportasyon ang coal plants. Sa katunayan, makabago na ang teknolohiya ngayon. Tulad din ng planong pag-phaseout o modernization program sa mga lumang jeepney, kailangan na ng mga makabagong teknolohiya. Ang mga bagong makina ng diesel tulad ng CRDI (common rail direct injection) o TDCI (turbocharged diesel common injection) ay maari nang iparehas sa bilis at lakas ng makina na de-gasolina. Hindi na rin nag-bubuga ng maitim na usok ang mga makinang ito.
Ganito rin ang sitwasyon ng mga makabagong planta ng coal. Nagawan na ng solusyon ang polusyon na idinudulot ng lumang teknolohiya sa kalikasan. At kahit pabalik-baligtarin pa ninyo ang isyu, ang coal pa rin ang pinakamura at sustainable na suplay para sa ating koryente.
Lilinawin ko lang, bukas tayo sa renewable energy (RE), maganda ito. Subali’t ang tanong sa ngayon ay kung kaya nitong suplayan ang lumalaking pangangailangan natin sa koryente dulot ng lumalaking populasyon at pag-unlad ng ating bansa? Sa palagay ko ay hindi. Ngayon na gumaganda ang ating ekonomiya, mas kailangan natin ng murang suplay ng koryente. Maaring makatulong ang RE rito. Subali’t hindi sapat ang maibibigay na suplay ng koryente ng mga ito sa ating pangangailangan. Iyan po ang katotohanan.
Kaya naman sa mga nagpo-protesta laban sa Meralco, puwede ba? Kita na ang adyenda ninyo. Tiyempo ‘di bunot at rally ninyo. Katatapos lamang ng CSP bidding na malinaw na tayong mga konsyumer ang nakinabang dito, heto kayo at sinisiraan ninyo ang imahe ng magandang naganap na CSP bidding. Sino kaya ang gumagastos para rito? Nagtatanong lamang po.
Comments are closed.