HINIRANG na solo champion si TJ Marquez sa katatapos lang na World Slasher Cup 9-Cock Invitational Derby na isinagawa sa makasaysayang Smart Araneta Coliseum.
Gamit ang linyadang Oakgrove, Roundhead at ilang bloodlines na may oriental infusion, nakapagkamit ng 8-1 win-loss record si TJ upang masungkit ang solong kampeonato. Ito ang kauna-unahang titulo ni TJ sa World Slasher Cup.
Mas naging kapanapanabik ang labanan nang magtapat ang Sagupaan Complexor 3000/TERVIVAC entry ni sabong idol at dating WSC champion Patrick Antonio at Sta. Maria entry nina Gary Tubianosa at Jay Soria na parehong may tig-pitong panalo at kung sino man sa kanilang dalawa ang papalaring manalo ay magiging co-champion, kaya lang tumabla ang laban. Sa huli naging runner-up lamang ang dalawang entry, na parehong nakapagkamit ng 7.5 points.
Nakasungkit din ng 7.5 points si Papa Bravo habang nakapitong panalo naman sina Dennis Lumpay and Pablito Gregore sa pagtatapos ng laban.
Habang ang sabong veteran na sina Iking Araneta at Mayor Boyet Joson ay parehong nakapagkamit ng 6.5 points.
May tig-anim na panalo naman sina Doc Eddieboy Cheng, Jun Topacio and Padz Barr, Johnny Moore and John Seiner, Nene Araneta, and RQP.
Maaring abangan ng mga manlalaro at tagahanga ng sabong ang susunod na World Slasher Cup 2 na magaganap sa Mayo 26 hanggang Hunyo 1, 2022 sa Smart Araneta Coliseum.