MAARI nang mag-apply ang mga bagong ride-hailing transport network companies (TNCs) makaraang tanggalin na ang ‘morotorium’ sa ipinataw na suspensiyon ng mga aplikasyon nito ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Sa Memorandum Circular No. 2021-066 na may petsang November 12, sinabi ng LTFRB na ang Memorandum Circular na inisyu noong Agosto 10, 2018 na nagsususpinde sa pagtanggap ng mga aplikasyon para sa TNC accreditation ay inalis na upang bigyang daan ang mga nais na pumasok sa TNCs.”
Nabatid na sinuspinde ng public land transport regulator ang pagtanggap ng TNC applications makaraang makatanggap ng malaking bilang ng aplikasyon at upang ma-monitor din ng ahensiya ang operasyon ng umiiral na TNCs.
Nagdesisyon ang LTFRB na alisin na ang moratorium nang madiskubreng iisang TNC lamang ang nananatiling popular at nangingibabaw sa merkado.
Hindi naman binanggit ng ahensiya kung anong TNC player ang tinutukoy nilang nangingibabaw sa merkado at sikat sa mga pasahero.
Sinabi pa ng ahensiya na ang ibang TNC ay lumilitaw na walang kapabilidad sa kanilang operasyon at umako ng mga responsibilidad.
Ang mga interesadong TNC applicants ay kinakailangan lamang na magbayad ng accreditation fee na P30,000 bago maghain ng kanilang aplikasyon.
Para naman sa mga magre-renew ng kanilang akreditasyon ay magbabayad din sila ng halagang P30,000. EVELYN GARCIA