TNT KAMPEON SA LEG 1 NG PBA 3X3 SEASON 3 SECOND CONFERENCE

NALUSUTAN ng TNT Triple Giga ang pagkawala ng kanilang top gunner na si Almond Vosotros upang pataubin ang Cavitex Braves, 18-16, sa finals ng PBA 3×3 Season 3 Second Conference kahapon sa Ayala Mall Circuit sa Makati.

Sumandal ang Triple Giga kay Gryann Mendoza, na naisalpak ang anim sa kanyang siyam na tira para sa 8 points na sinamahan ng 4 rebounds. Pinunan ng kanyang matikas na performance ang pagliban ni Vosotros sa Leg 1 ng midseason tournament.

Nagdagdag sina Samboy De Leon at new recruit Matt Salem – ang pumalit kay big man Lervin Flores – ng tig-5 points sa panalo na nagkakahalaga ng P100,000 para sa TNT.

Tinalo rin ng TNT ang Cavitex sa grand finals ng First Conference, dalawang buwan na ang nakalilipas.

Nanguna si Tonino Gonzaga na may 9 points para sa Cavitex, na naiuwi ang P50,000 runner-up purse.

Ang Triple Giga ay umabante sa finals na walang talo matapos ang three-game sweep sa Pool B. Ginapi ng TNT ang Purefoods sa quarterfinals, 19-14, bago naitarak ang 22-18 panalo kontra Meralco sa semis.

Naisaayos ng Cavitex ang title duel sa TNT makaraang dispatsahin ang MCFASolver sa semis, 21-10. Sa quarterfinals ay tinalo ng Braves ang San Miguel Beermen, 21-17.

CLYDE MARIANO