TNT SA PBA 3×3 LEG 3 Q’FINALS

pba 3x3

UMUSAD ang TNT sa Leg 3 quarterfinals ng second  conference ng PBA 3×3 makaraang hindi makatikim ng talo sa Day 1 kahapon sa Araneta Coliseum.

Naging matatag ang Tropang Giga nang maitakas ang panalo kontra Platinum Karaoke, 21-20, Master Sardines, 22-18, at Terrafirma, 21-20, para manguna sa Pool A na may 3-0 record.

Nagbida si Almond Vosotros sa three-game sweep para sa TNT na may average na 9.3 points.

Nabigo naman ang Leg 2 champion San Miguel na samahan ang Tropang Giga bilang unang dalawang koponan na nakausad sa  playoffs makaraang matalo sa Leg 3 opener nito laban sa Platinum, 18-19.

Gayunman ay nakabawi ang Beermen sa pamamagitan ng 21-17 panalo kontra Dyip at 21-10 pagdurog sa Fishing Champs upang kunin ang ikalawang puwesto sa Pool A na may 2-1 kartada.

Nasa likuran ng TNT at San Miguel ss Pool A ang Terrafirma (2-2), Platinum (1-2), at Master Sardines (0-3).

Tinapos din ng Meralco at Limitless App ang opening day na walang talo para pangunahan ang  Pools B at C, ayon sa pagkakasunod, na may magkatulad na 2-0 marka.

Pinataob ng Bolts, leg winner sa first conference, ang Barangay Ginebra, 21-18, at Cavitex, 22-10, habang magaan na dinispatsa ng first conference grand champion Appmasters ang Pioneer, 21-6, at Sista, 20-13.

Anim na pool stage games pa ang lalaruin ngayong Linggo para madetermina ang pitong iba pang quarterfinal cast.