TNVS DRIVER NIRATRAT  NG BANGAG SA DROGA

baril

BATANGAS – DEAD on the spot ang isang TNVS (transportation network vehicle service) driver matapos na  ito ay pagbabarilin ng isa umanong lango sa ipinagbabawal na gamot habang nasa isang beach sa Nasugbu noong Martes ng hapon.

Inabot nang dagliang kamatayan sanhi ng mga tinamong tama ng punglo sa ulo at katawan ang biktimang si Junnel Mar Alano, 35-anyos, residente ng Bicutan.

Ayon kay PMaj Ronald Cayago, hepe ng Nasug­bu police,  naglalaro ang biktima sa dalampasigan ng Munting Buhangin Beach Camp sa Barangay Natipunan nang pagbabarilin ito ng suspek dakong alas-2 ng hapon.

Bigla na lamang umanong lumapit ang suspek at binaril sa ulo ng ilang beses ang walang kamalay-malay na biktima.

Kinilala ang suspek na si Dennis Esmeralda,  31-anyos, negosyante at residente ng Biñan City,  Laguna at guest din sa nasabing resort.

Batay sa imbestigasyon, lango sa ilegal na droga ang suspek at napagtripan lamang nito ang pamamaril sa biktima.

Ayon sa girlfriend nito,  tatlong gabi na umano itong hindi natutulog,

Bigla na lamang umano itong lumabas sa kanilang cottage na bitbit ang baril na caliber. 40.

Nasa beach naman ang biktima matapos maarkila ang sasakyan nito patungo sa lugar.

Napag-alaman din na may dati na rin kaso ng murder ang suspek sa Muntinlupa City.

Kasalukuyang nakadetine sa Nasugbu police station lock-up cell ang suspek  at sinampahan na ng kasong murder. VERLIN RUIZ

Comments are closed.