DUMARATING ang pagkakataong kahit na ayaw nating umalis sa trabaho, kailangan nating gawin. Kailangan nating mag-resign. Puwedeng dahil sa maraming problemang kinahaharap natin. Maaari rin namang para sa kinabukasan natin. Kumbaga, dahil may mas magandang offer, kaya’t nagre-resign tayo.
Mahirap nga naman ang magdesisyong umalis sa trabaho lalo na kung nakapalagayan mo na ng loob ang mga kasamahan mo sa trabaho. Mabigat sa loob ang umalis lalo na kung kinakabahan ka sa lilipatan mo.
Siyempre, kung matagal ka na sa pinagtatrabahuan mo tapos bigla kang aalis dahil sa mas malaking offer at magandang hinaharap, kahit na excited tayo, hindi pa rin mawala-wala ang kaba. Puwede kasing hindi tayo magustuhan ng magiging bago nating katrabaho. Kaya nag-aalangan tayo. Malaki rin ang porsiyentong baka hindi tayo magtagal doon.
Bawat pagdedesisyon ay may kaakibat na hirap. Kaya naman, sa mga hindi makapag-decide kung aalis ba sa trabaho o hindi, narito ang ilan sa mga tanong na makatutulong sa inyo upang mas makapagdesisyon sa gagawing hakbang:
BAKIT MO KAILANGANG MAG-RESIGN?
Maraming dahilan kung bakit nagre-resign ang isang empleyado. Una, dahil sa rami ng mga problemang dumarating kaya’t sumusuko ang isang empleyado. Kapag nga naman tila hindi mo na kayang solusyunan ang problema at paulit-ulit na nangyayari, hindi nga naman maiiwasang mag-resign tayo o sumuko.
Kung minsan kasi, ang pagbibitaw sa trabaho ang nakikita nating dahilan para mawala ang stress at problemang kinahaharap natin.
Ikalawa, puwede ring dahil sa mas malaking mundong nakaabang sa atin sa labas. Ito iyong pagkakaroon ng mas malawak na mundong gagalawan kapag umalis ka sa kasalukuyang trabaho. Iyong pagkakaroon ng mas magandang hinaharap, mas malaking tiyansa at mas maraming pagkakataong mapalawak ang kaalaman at kakayahan.
Iyong unang dahilan, kumbaga nag-resign ka dahil sa problema at stress sa trabaho, pag-isipan muna itong mabuti. Kumbaga, bakit ba kailangan mong mag-resign dahil lang du’n? Hindi mo ba ito masosolusyunan nang hindi nagre-resign o umaalis sa trabaho? At kung umalis ka nga, maaayos ba ang problema? Kapag itinuloy mo ang pagbibitaw sa trabaho mo, ano na? Papaano ka na? Papaano na ang kinabukasan mo?
Hindi porke’t nahihirapan tayo sa pagtatrabaho at sandamakmak na problema ang kinahaharap natin, aayaw na kaagad tayo o susuko. Lahat naman ng trabaho ay nagkakaroon ng problema. Mag-isip muna ng solusyon.
Iyong ikalawa namang dahilan—mas magandang offer kaya’t magbibitiw sa trabaho— hindi rin basta-basta ang pagdedesisyon nito. Kailangan din itong pag-isipang mabuti.
Halimbawa na lang magre-resign ka dahil sa tingin mo ay mas maganda ang naghihintay sa iyo sa labas, na mas malaking mundo ang maaari mong galawan at magiging daan para sa maganda mong hinaharap. Pero ang tanong diyan, mayroon ka na bang malilipatan sakaling magbitaw ka. Kung may-roon nang mas magandang offer, huwag mong pakawalan. Pero kung wala pa naman at maghahagilap ka pa lang, mag-isip-isip ka na muna. Baka naman kasi nabibigla ka lang.
MAS MAPABUBUTI KA BA SA LILIPATAN MO?
Kailangan mo rin siyempreng isaisip o itanong sa sarili kung mapabubuti ka ba sa iyong lilipatan.
Oo, excited tayo lalo na kung maganda ang trabahong lilipatan at maganda rin ang posisyong in-offer. Pero dapat ding tumatak sa ating isipan ang katanungang “mapabubuti ba tayo sa ating lilipatan.” Puwede kasing masaya tayo o excited pero wala rin namang pagbabagong mangyayari.
Kung sa tingin mo ay mas mapabubuti ka sa iyong lilipatan, sunggaban mo. Huwag mong palampasin. Pero kung nag-aalangan ka naman, mag-isip-isip ka muna. Maaari rin namang kausapin mo ang iyong mga kaibigan at kamag-anak nang mahingi ang kanilang payo o marinig ang kanilang saloobin o iniisip sa gagawing desisyon.
Maganda rin at makatutulong kung may nakakausap tayo at nalalaman ang kanilang iniisip o pagtingin sa pasyang ating gagawin.
Maaari rin namang sundin natin ang payo ng ating mga malalapit na kaibigan at kapamilya. Puwede rin namang hindi. Nasa sa atin ang desisyon. Tayo lamang din naman ang makapagsasabi kung magiging maganda ang ating lilipatan o hindi.
MAGIGING MASAYA KA BA ROON AT GAGANDA ANG CAREER MO
Importante rin ang kaligayahan. Sa lahat ng ating ginagawa, importanteng masaya tayo kaya natin ito ginagawa.
Tanungin din natin ang ating sarili: masaya ba o magiging masaya ba tayo sa ating lilipatan?
Kung minsan kasi, dahil sa excited tayo sa paglilipat ay hindi na natin naisasaalang-alang kung magiging maligaya ba talaga tayo sa pupuntahan o sa daang ating tatahakin.
Para magtagal kasi tayo sa ating ginagawa o gagawin, mahalagang gusto, masaya at mahal natin ito. Kasi kung masaya tayo, gusto at mahal natin ang ating ginagawa, ano mang pagsubok ang ating kahaharapin, tiyak na malalampasan natin.
Marami talaga ang nag-aalangang umalis o baguhin ang daang kanilang tinatahak. Hindi naman kasi lahat ng nagbabago ng daan o lumilipat ng opisina ay nagtatagumpay. Siyempre, mayroong hindi. Pero marami rin ang nagtatagumpay.
Gayunpaman, ano pa man ang gawin o desisyong gagawin natin sa buhay, dapat ay buo ang ating loob. Kasi wala namang mali kung gagawin natin ito dahil gusto natin. At lahat din, puwede nating mapagtagumpayan lalo na kapag ginusto natin.
Mahirap magdesisyon. Pero kung alam mong para ito sa ikabubuti at ikauunlad ng iyong sarili, huwag mo nang palampasin pa. Dahil gaya ng pag-ibig, minsan lang ito kung dumating lalo na kung tunay. Kaya’t hindi dapat na pinalalampas.
Comments are closed.