TODO BANTAY SA BALANGIGA BELLS

BALANGIGA BELLS-3

PLANO ng mga opis­yal ng Simbahang Katoliko na pagkalooban ng ‘round the clock security’ ang Balangiga bells sa sandaling maibalik na ito nang tuluyan sa parokya ng St. Lawrence the Martyr, sa Filipinas.

Ayon kay Balangiga parish priest Father Serafin Tybaco, ang seguridad ng mga natu­rang kampana ang pa­ngunahin nilang concern sa kanilang ginagawang paghahanda ngayong nalalapit nang maibalik sa kanilang parokya ang naturang religious artifacts.

“Among our concerns is the security of our place because we need people who will guard the bells round the clock,” anang pari.

Sinabi ni Tybaco na inaasahan na rin nila na dadagsain ng maraming tao at mga turista ang kanilang lugar upang makita ang tatlong kampana na kinuha ng mga sundalong Amerikano noong 1901 bilang simbolo ng pagkapanalo nila sa giyera.

Sa inisyal na plano aniya, ay  idi-display ang mga kampana, kasama ang iba pang mga nasirang kampana sa isang memorial na itinayo sa tabi ng simbahan o ‘di kaya ay magtatayo ng museum para sa mga artifact.

Gayunman, depende pa rin ito sa mapagkakasunduan, sa gaga­naping pulong ng simbahan, local government at national heritage authorities.

Nitong Huwebes, sa isang seremonya na dinaluhan nina Pentagon chief Jim Mattis at Philippine Ambassador Jose Manuel Romualdez, sa F.E. Warren Air Base sa Wyoming, ay isinagawa ng symbolic turnover ng Balangiga bells sa Filipinas.

Ani Romualdez, dadalhin muna sa Philadelphia ang dalawang kampanya na nasa Wyoming, upang ayusin.

Matapos ito ay dadalhin ang mga kampana sa Korea, kung saan naroroon ang ikatlong kampana, bago tuluyang iuwi sa Filipinas.

Posible umanong maibalik ng bansa ang mga kampana sa kalagitnaan ng Disyembre 2018 o ‘di kaya ay sa unang bahagi ng Enero, 2019.

Aminado naman si Tybaco na labis ang kanilang kaligayahang nadarama dahil ang matagal na nilang pagnanais na maibalik ang Balangiga bells ay magkakaroon na rin ng katuparan.      ANA ROSARIO                             HERNANDEZ

Comments are closed.