KITANG-kita ang suporta ng Metro Manila mayors sa kautusan ni Pangulong Duterte na ibalik ang mga kalsada sa mga motorista at sa mga mananakay. Pagkatapos ng pakikipagpulong ni DILG Sec. Eduardo Año at MMDA Chairman Danilo Lim sa mga mayor ng Metro Manila noong nakaraang linggo, agarang umaksiyon ang mga tauhan nila sa pagtanggal ng mga ilegal na estruktura sa mga bangketa. Pinaghahatak din ang mga sasakyan na ilegal na nakaparada sa mga ‘no parking zone’. Tinanggal din ang mga nakahambalang na mga tricycle, at jeepney na gumagamit ng ilegal na terminal. Ipinagbawal din ang mga raket ng barangay na sumisingil ng parking fee sa mga bawal na paradahan pala.
Todo suporta rin ang PNP na pinangungunahan ni NCRPO chief Maj. Gen. Guillermo Eleazar sa mga nasabing clearing operations. Sabi nga ni Eleazar ay napapanahon na upang ayusin ang anarkiya sa lansangan. Itigil na ang maling kaugalian na ang batas ang sumusunod sa tao, imbes na ang tao ang sumunod sa batas.
Malinaw na ang pinagugatan ng lahat nang ito ay ang paglilinis at pagsasaayos ni Mayor Isko Moreno ng Maynila. Umani ng maraming puri sa publiko pati na rin sa ating gobyerno ang ginagawa ni Moreno. Maaring normal lamang ito kay Isko Moreno dahil marami siyang plano na pagbabago sa Maynila. Subali’t nagsilbi itong hamon sa ibang mga mayor na tularan ang mga nangyayari sa Manila.
Ang aksiyon ni Isko Moreno at utos ni Pangulong Duterte ay isang napakagandang balita para sa MMDA. Simula nang pumasok si Gen. Danny Lim bilang chairman ng MMDA, tulad ni Isko, seryoso rin si Lim na gampanan ang kanilang mandato na ayusin ang trapiko sa Metro Manila. Subali’t ang lahat ng mga panukala ng MMDA ay nangangailangan ng basbas ng mga mayor ng Metro Manila. May mga panahon na nahihirapan ang mga enforcer na ipatupad ang mga batas trapiko sa ilang lunsod ng Metro Manila dahil may mga padrino na humaharang dito.
Nakikita naman ang suporta ng mga mayor kay Lim subali’t hindi katulad ng nangyayari ngayon kung saan ibinaba ni Pangulong Duterte ang kanyang kamay na bakal dito at ang kanyang bastonero ay si DILG Sec. Año na isang retiradong heneral at naging AFP chief of staff.
Mabigat ang hamon sa Metro Manila mayors. Mabigat din ang parusa kapag hindi nila tinupad ang kasunduan nila sa DILG. Kaya naman nasa balita ang mga clearing operation sa Caloocan, Pasig, Manila, San Juan, Quezon City at Pasay. Hintayin natin ang aksiyon sa iba pang lungsod tulad ng Marikina, Pateros, Taguig, Valenzuela, Navotas, Malabon, Parañaque at Las Piñas.
Sa palagay ko naman ay may mga aksiyon din na ginagawa sila na maaring hindi napapabalita sa media. Dagdag pa rito ay ang magandang kaayusan na sa mga nasabing lungsod tulad ng BGC sa Taguig, Makati, Marikina, Mandaluyong at Valenzuela. Subali’t sigurado ako na may mga lumalabag pa rin sa batas trapiko sa mga nasabing lungsod.
Sa isang pag-aaral na isinagawa ng Japan International Cooperation Agency (JICA), lumalabas na ang Filipinas ay nawawalan ng P3.5-billion kada araw dulot ng matinding trapik sa Metro Manila. Maaring aakyat pa ito sa P5.4-billion kada araw pagdating ng 2035 kapag hindi agad natugunan at aksiyunan ang matinding trapik sa Metro Manila.
Comments are closed.