TODONG SUPORTA NG BAWAT PILIPINO KINAKAILANGAN PARA SA 2023 FIBA WORLD CUP

HALOS tatlong buwan na lang ang nalalabi bago opisyal na magsimula ang 2023 FIBA World Cup na gaganapin sa ating bansa mula ika-25 ng Agosto hanggang ika-10 ng Setyembre. 

Pangalawang pagkakataon na ito ng Pilipinas para mag-host ng FIBA World Cup, na itinuturing isa sa pinaka prestihiyosong torneo sa larangan ng basketbol. Noong 1978, ginanap ang FIBA World Cup sa ating bansa kung saan ang ating koponan ay pinangunahan nila Ramon Cruz, Bernardo Carpio, Alexander Carino, Stephen Watson, Eduardo Merced, Federico (Padim) Israel Jr., Federico Lauchengco, Nathaniel (Nael) Castillo, Gregorio (Yoyong) Gozum, Jr., Leopoldo Herrera, Caesar Yabut, Cesar Teodoro, at ng coach na si Nicanor Jorge.

Ang koponan ng Gilas Pilipinas ay isa sa mga makikipagtagisan ng galing kasama ang 31 koponan mula sa iba’t ibang bansa. Ang ilang preliminary games, quarterfinals, semifinals at maging ang championship games ay gaganapin sa Mall of Asia Arena at sa Araneta Coliseum. Bukod sa Pilipinas, gaganapin din sa Japan at Indonesia ang ilang pang mga preliminary games.

Ibinida  kamakailan ni FIBA Secretary General Andreas Zagklis ang kahalagahan ng pagho-host ng Pilipinas sa paparating na FIBA World Cup.

Ani Zagklis, “We play this year our biggest event, the FIBA Basketball World Cup in 3 Asian countries—the Philippines, Japan and Indonesia, and this will be the first time in three countries combining together almost 500 million people. It will be an unprecedented event in terms of quality for the players and the fans.”

Ayon kay Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) President Alfredo S. Panlilio, nakakasa na ang paghahanda para sa 2023 FIBA World Cup. Si Panlilio din ay nahalal kamakailan sa FIBA Asia Board bilang Second Vice President para sa taong 2023 hanggang 2027.

Ani Panlilio, “It is an honor to be elected in the board of members of FIBA Asia to help the federation continue promoting the game of basketball and camaraderie in the region and the world, acknowledging the huge responsibility to push for development of new projects in Asia that would elevate the level of basketball competitions in the region.”

Sa mga nakalipas na taon, nagsusumikap din ang FIBA na pagandahin ang mga larong tulad ng 5×5, 3×3, women’s and youth basketball.

Bilang isang fan ng larong basketball, labis akong natutuwa at nananabik sa paparating na 2023 FIBA World Cup gayundin sa pagsasaayos at pagpapaganda ng ating basketball program sa pamumuno ni Panlilio at maging ng ibang opisyal ng FIBA.

Bukod sa inaasahang ligaya dulot ng magandang laro mula sa iba’t ibang koponan at mga magagandang papuri para sa pag-host ng World Cup, malaki ding ganansya ang inaasahang matatamasa ng industriya ng turismo ng Pilipinas.

Noong ginanap ang FIBA World sa Espana nung 2019, umabot ng $396 million o Php22.6 billion ang kinita ng Espana, samantalang ang ginastos lamang nito ay halos $38.6 million o Php2.2 billion.

Ang pag-host ng mga international sports competition ay malaking tulong sa pagpapaganda at pagpapalakas ng ating sariling koponan maging sa pagpapaunlad ng ating industriya ng turismo na lubhang naapektuhan ng pandemya. Kaya naman dapat natin samantalahin ang mga ganitong pagkakataon upang hindi lang makatulong sa pagbangon at pagsulong ng industriya ng turismo, kundi maging sa pagpapaunlad at pagpapalakas ng ating kakayahan sa larangan ng basketbol.

Kinakailangan natin lahat na magkaisa upang masiguro na magiging maganda ang ating pagho-host ng paparating na 2023 FIBA World Cup na inaasahang mag-iiwan ng marami at magandang alaala para sa lahat ng manlalaro at mga koponan na dadating sa ating bansa.