ITINANGHAL na salita ng taon ang ‘tokhang’ sa Pambansang Kumperensiyang SAWIKAAN 2018: Pagpili ng Salita ng Taon na ginanap sa Institute of Biology Auditorium sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman.
Napili ang tokhang na mula sa salitang bisaya na ‘toktok’ o ‘katok’ at ‘hangyo’ o ‘pakiusap’.
Ayon kay Filipinas Institute of Translation Executive Director Joey Baquiran – sumikat ito dahil sa kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.
Para naman kay National Artist for Literature Virgilio S. Almario – salungat ang mga nangyayari ngayon sa tokhang kumpara sa tunay na ibig sabihin nito.
Binanggit din ni Almario ang mga dahilan kung bakit naging sikat ang salitang ‘tokhang’, kabilang na ang pamamaraan na paggamit nito sa mga pelikula at teleserye.
Hindi na rin mabilang ang mga art exhibit at mga libro tungkol dito.
Ginagamit na rin ito sa mga kainan.
Pumangalawa sa listahan ang mga salitang ‘fake news’ at ‘dengvaxia’
Napili naman bilang online favorite ang salitang ‘foodie’.
Ang Pambansang Kumperensiyang SAWIKAAN 2018: Pagpili ng Salita ng Taon ay itinataguyod ng Filipinas Institute of Translation, Inc. (FTI) UP Diliman Information Office (UPDIO), Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at National Commission for Culture and the Arts (NCCA).
Ang Sawikaan ay isang mahalagang proyektong nagtatampok sa pamimili ng pinakamahahalagang salita na namayani sa disku-so ng mga Filipino sa nakalipas na taon.
Ilan na sa mga naitanghal na Salita ng Taon ay ang canvass noong 2004, jeuteng/huweteng (2005), lobat (2006), miskol (2007) jejemon (2010) wangwang (2012, selfie (2014) at ang fotobam noong 2016. PILIPINO Mirror Reportorial Team