MAY ilan na napakahilig kumain ng karne. Ang iba naman, halos iniiwasan ang pagkain nito. Kunsabagay, nakasasawa nga naman kung puro karne na lang ang ipinanlalaman natin sa kumakalam nating sikmura. Kaya’t maraming Nanay ang talaga namang nag-iisip ng samu’t saring putaheng masasarap, healthy at abot-kaya lamang sa bulsa.
Ngunit sabihin man nating, kinakalikot natin ang ating isipan sa kaiisip ng iba’t ibang putaheng maaaring maihanda sa ating pamilya na magugustuhan nila, dumarating pa rin ang pagkakataong nawawalan o nauubusan tayo ng ideya.
Napakahirap din naman kasing mag-isip ng lulutuin lalo na kung araw-araw mo itong gagawin.
At sa mga nag-iisip diyan ng bagong recipe, puwede ninyong subukan ang tokwa at isda sa tausi.
Napakarami sa atin ang mahilig sa isda at tokwa. Hindi nga rin naman mabilang ang mga luto o putaheng puwedeng gawin sa isda. Halimbawa na nga lang ang inihaw na isda na sobrang sarap kapag may maanghang na sawsawan. Maaari rin namang gawing sinigang ang isda. Puwede rin namang prito na lalong lumilinamnam at tiyak darami ang kakainin mo kung may kapares itong gulay.
Kilalang-kilala rin ng marami ang tokwa. Ipinampupulutan ito. Masarap din ito kapag may kasamang baboy. Bukod sa mga nabanggit, puwede rin pala itong gawing tausi. Tiyak ding papatok ito sa bawat Filipino.
Sa mga hindi pa nasusubukang gumawa ng tokwa’t isda sa tausi, wala itong pagkakaiba sa paggawa ng tokwa’t baboy sa tausi. Ang ipinagkaiba lang nito ay imbes na karne ang gagamitin, papalitan ito ng isda.
Ang mga sangkap na kakailanganin natin sa paggawa nito ay ang pritong isda, tokwa (hiwain ng pa-cubes), tausi, kinchay (hiwain ng pino), bawang at sibuyas, mantika, tubig, toyo, oyster sauce, asin, paminta at asukal.
PARAAN NG PAGLULUTO:
Bago magluto o maghanda, siguraduhing malinis ang mga kamay at lahat ng sangkap na inyong gagamitin.
Ihanda na muna ang lahat ng mga kakailanganing sangkap.
Pagkatapos ay linising mabuti ang isda at saka ito prituhin. Kapag naluto na ang isda ay itabi na muna ito.
Hiwa-hiwain naman ang tokwa. Pagkatapos ay prituhin din ito. Kapag nailuto na rin ang lahat ng hiniwa-hiwang tokwa, itabi muna ito.
Sa pinagprituhang kawali, igisa na ang bawang at sibuyas. Kung masyadong marami ang natirang mantika, bawasan ito.
Pagkatapos na maluto ang bawang at sibuyas, ilagay na ang isda, tokwa at tausi. Lagyan ito ng tubig, toyo at kaunting oyster sauce para magkaroon ng lasa. Pagkatapos ay isama na rin ang kinchay.
Tikman at kapag hindi pa tama ang lasa, timplahan ito at hintayin lamang na lumapot ang sabaw at puwedeng-puwede na itong pagsaluhan.
Hindi mo na nga naman kailangang gumastos pa ng mahal para lang makapaghanda ng masarap sa iyong pamilya o magiging bisita.
Dahil kahit simpleng sangkap lang, mapasasarap mo na ang isang lutuin. Maging madiskarte nga lang naman.
Kung wala ka namang maisip na ideya, maaari ka ring mag-research.
Kahit na anong luto pa ang gawin mo, tiyak na sasarap iyan lalo na’t walang katulad ang isasama mong sangkap—ang pagmamahal.
Kaya naman, huwag nating katamaran ang magluto ng masasarap na putahe sa ating pamilya.
Hindi lamang iyan para mapasaya sila kundi upang mapanatiling healthy ang ating pamilya. CT SARIGUMBA
Comments are closed.