TOKYO OLYMPICS MEDAL HAUL MAHIHIGITAN NG PH – POC CHIEF

SI PHILIPPINE Olympic Committee (POC) president Abraham ‘Bambol’ Tolentino ay parehong ‘fearless’ at ‘realistic‘ sa kanyang projection para sa nalalapit na Paris Olympics.

“Definitely, we will deliver. Definitely, we will surpass Tokyo (Olympics),” pahayag ni Tolentino sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum nitong Martes sa Rizal Memorial Sports Complex.

Naabot ng Team Philippines ang highest point nito sa Olympics, tatlong taon na nakalilipas sa  Tokyo nang makopo nito ang unang gold na kaloob ni weightlifter Hidilyn Diaz bukod sa 2 silvers at 1 bronze mula kina  boxers Nesthy Petecio, Carlo Paalam at Eumir Marcial.

Sinabi ni Tolentino na nakaturo ang lahat sa pareho at mas maraming medal haul sa Paris kung saan 22 Filipino athletes, sa pangunguna nina world No. 2 pole vaulter EJ Obiena at world champion gymnast Carlos Yulo at ng five-strong boxing team, ang sasabak kasama ang iba pang mga atleta sa track and field, gymnastics, weightlifting, swimming, rowing, golf at fencing.

Ang mga Filipino athlete ay hindi na kulang sa suporta, training at motivation hindi tulad noong mga taon nang bansa ay hindi makapag-uwi ng anumang medalya sa Olympics.

Ang mga miyembro ng Team Philippines ay naglagi ng dalawang linggo sa Metz sa France, na 90 minuto lamang by train patungong Paris, at  30 minuto by land sa Germany at Belgium, para sa huling bahago ng kanilang pagsasanay at acclimatization.

“With this template, with this preparation, we will deliver,” wika ni Tolentino sa forum na itinataguyod ng San Miguel Corporation, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, Smart/PLDT, MILO, at ArenaPlus, ang nangungunang sports entertainment sa Pilipinas.

Ang Paris Olympics ay gaganapin sa July 26-Aug. 11, at  base sa iskedyul, si Yulo ay magkakaroon ng tsansang ibigay ang unang medalya ng bansa sa French capital.

“One week na lang. Excited na lahat. May mga hindi na makatulog,” ani Tolentino.

Inaasahan ng POC chief, na siyang nangasiwa nang magwagi ang bansa ng apat na medalya sa Tokyo, ang pareho o mas maraming medal haul sa pagkakataong ito.

“Pinakamagandang conservative (forecast) is that we will surpass the Tokyo (haul). Actually, we surpassed the number of athletes from 19 to 22. My target was 25 if cycling and skateboarding (made it). Kung pumasok ang basketball ibang usapan,” aniya.

“But definitely we will surpass Tokyo. Bahala na kayo kung one gold, two golds or three golds basta ma-surpass natin ‘yung Tokyo. We’re all excited. Iba na ‘yung mood ng athletes, level up na lahat. So, I’d like to thank the Philippine Sports Commission and our private partners and the Office of the President,” sabi ng POC chief.

CLYDE MARIANO